Asociacion de las Solteras Series Chapter 12

“Ma’am, nariyan na po ang bagong publisher. Ipapakilala daw po ni Sir Siege.”

“Ha? Bakit hindi mo sinabi kaagad?” tanong niya.

Kung bakit hindi sinabi ni Meredith sa kanya na importanteng pumasok siya ng maaga. Sana hindi siya nagpa-tanghali ng dating.

Pagdating sa pressroom ay marami nang tao. Hindi na halos niya makita kung sino ang nakatayo sa platform. Sinalubong siya ng sekretarya ni Meredith na si Kristine.

“Brazile, kanina ka pa pinatatawagan sa akin ni Ma’am Meredith sa akin,” sabi nito. “Bakit hindi mo sinasagot ang cellphone mo?”

“Wala naman akong naririnig na nagri-ring,” sabi niya.

Nang halughugin niya ang bag ay wala doon ang kanyang cellphone. Naiwan niya sa isa pang bag na idinala niya nang magbiyahe siya papuntang Bukidnon.

“Huwag mo nang isipin iyon. Lumapit na lang tayo sa harap para mas makita natin iyong bagong publisher. Ang guwapo talaga niya,” kinikilig na sabi nito. “Hindi ko na tuloy alam kung kanino ang puso ko. Kung sa kanya o kay Sir Siege.”

“Baka may asawa na,” sabi niya habang sumisingit sa karamihan ng tao.

“Binata pa siya. Iyon ang sabi sa magazine na nabasa ko.”

Magsasalita pa sana siya nang matigilan nang makita kung sino ang nasa ibabaw ng platform kasama ng publisher nilang si Siege at ni Meredith.

“Let’s give a round of applause to our new publisher, Keith Arnaldo,” anunsiyo ni Meredith kasabay ng masibagong palakpakan.

Hindi siya makagalaw sa kinatatayuan. Tulala siya at hindi halos marring ang palakpakan ng mga kasamahan.

Nakangiting inabot ni Keith ang mikropono at iniikot ang paningin sa lahat. Naputol ang pagkatulala niya nang tumutok ang tingin niya sa kanya.

“Good morning,” sabi nito. Isang salita pa lang nito ay nagniningning na ang mata ng mga kababaihan at halos himatayin pa ang ilan katulad ni Kristine sa sobrang kilig. “Salamat sa mainit na pagtanggap ninyo sa akin…”

Hindi na niya pinakinggan pa kung ano ang sasabihin nito. Tumalikod siya at nagmamadaling umalis sa lugar.

Isa masamang paniginip ang lahat. Hindi siya makakapayag na maging boss si Keith Arnaldo. Hangga’t maari ay ayaw niyang makita ang pagmumukha nito. Hindi rin niya hahayaang lagi nitong ipaalala sa kanya ang kanyang nakaraan.

“BAKIT umalis ka agad kanina sa meeting?” tanong ni Meredith kay Brazile. Nagpi-print siya nang pumasok ito sa photo room. Tapos na ang meeting ni Keith sa mga trabahador.

“Marami pa akong mas importanteng gagawin kaysa makinig sa speech ng Keith na iyon,” sabi niya. “Alam mo na marami pa akong ii-scan na picture dahil next week na ilalabas ang tungkol sa mga Manobo.”

Siya ang tumatayong photographer sa halos lahat ng fashion magazine na hawak ng publication. At dahil siya ang assistant chief photographer, siya ang nagha-handle sa mga importanteng events.

Tumabi ito sa kanya. “Sandali ka lang naman makikinig sa kanya. Saka lahat ng tao nandoon. Ikaw lang ang wala. Sana narinig mo ang mga plano niya para sa kompanya at mga additional incentive niya sa mga empleyado. Siyempre damay tayo doon. At dahil na rin sa koneksiyon niya, balak niyang mag-expand. Magtutulungan sila ni Sir Siege para mas mai-promote ang mga print natin.”

Naitirik niya ang mga mata. “Obligasyon ko bang makinig sa kanya?”

Tingin niya sa mga ngiti nito kanina ay parang pulitiko. At malamang sa ganda ng speech nito ay pwede na rin itong tumakbo sa darating na eleksiyon. Pero hindi siya interesado sa mga pangako nito.

“Ano ang pini-print mo?” tanong nito. Kinuha nito ang isang pahinang nai-print na. Nanlaki ang mga mata nito nang mabasa ang nakasulat. “Resignation letter?”

“Right. Resignation letter. Effective two weeks from now. Irrevocable,” sabi niya at hinatak ang dalawa pang papel na ganoon din ang naka-print na kopya.

“Seryoso ka ba?” gulat na tanong nito. “Matagal na tayong magkasama. Mula preschool hindi na tayo naghiwalay. Pareho tayo ng course sa college. Pati dito sa publication. At kahit kailan, wala ka pang sinasabi sa akin na magre-resign ka. Bakit bigla ka na lang nagdesisyong umalis?”

Huminga siya nang malalim para maibsan ang kirot sa dibdib niya. Ngayon lang sila magkakahiwalay nito. Lagi silang magkasama pero may isang bahagi ng pagkatao niya na hindi nito alam. Ang nakaraan niya na kasangkot si Keith.

Akala nito ay ang kanyang Papa ang dahilan kung bakit namumuhi siya sa mga lalaki. Hindi alam ng mga ito na mas malalim pa ang ugat.

“Dito lang naman ako aalis. Hindi ako tuluyang mawawala. Magkikita pa rin tayo,” paliwanag niya. “Pagkagaling ko pa naman sa Europe saka ako aalis. Hindi ko ibibitin ang trabaho ko.”

Bukas ay aalis siya papunta sa Europa para I-cover ang series of fashion show para sa bridal collection ng sikat na Filipino designer na si Fitz Agcaoilli sa Milan, Paris at London. Dalawang linggo siya doon kaya sapat na ang notice niya.

Hinalikan niya ito sa pisngi. “Pupuntahan ko na si Sir Siege. Idadala ko nang personal itong resignation letter ko.”

Mawawala rin ang tampo nito. Sa ngayon ay hindi pa niya maipapaliwanag dito ang dahilan kung bakit kailangan niyang iwasan si Keith. Siguro kapag wala na siya sa publication at may sapat na siyang lakas ng loob ay sasabihin niya dito.

“Brazile,” sabi ng sekretarya ng dati nilang publisher nang papunta siya sa silid ni Siege. Na-retain ito sa posisyon bilang sekretarya ni Keith. “Ipinatatawag ka ni Sir Keith. Gusto ka niyang makausap.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.