Brazile felt hot and sick when the door closed behind her. Nakadama siya ng panic at gusto niyang tumakas. Subalit hindi siya niya maaring gawin iyon dahil umangat ang tingin ni Keith mula sa laptop computer.
“At last you’re here,” sabi nito at tumayo. Itinuro nito ang upuan sa harap. “Please take a seat, Brazile.”
“It’s Miss Cardenas, Mr. Arnaldo,” mariin niyang sabi bago umupo sa upuang itinuro nito. It was bad enough seeing him a while ago. It was worse now.
But he was really good looking. Ni hindi naglaho ang ngiti nito sa kabila ng kaseryosohang ipinakikita niya. Kapareho iyon ng ngiting ibinigay nito nang huling araw na dumalaw ito sa St. Jerome at ngumiti sa gawi nila ni Alarice. Ang huling magandang ngiting ibinigay nito sa kanya bago napalitan ng pagkasuklam.
“Please call me Keith. Ayokong maging pormal sa mga empleyado mo dahil lahat sila ay itinuturing kong kaibigan.”
Tumaas ang kilay niya. Iyon ang huling bagay sa mundo na nanaisin niya. Ang maging kaibigan nito. Bakit umaakto itong mabait sa kanya? Bakit hindi siya nito akusahang masamang babae tulad dati?
“Kung maari sana, sabihin mo kung bakit mo ako ipinatawag. Marami pa akong trabaho at ayokong sinasayang ang ipinasusweldo sa akin,” pormal niyang sabi.
Pinilit niyang kumapit sa kontrol sa sarili at ang pagiging propesyunal. Subalit hindi maiwasang lumabas ang maaanghang na salita sa bibig niya dahil ayaw na niyang tumagal pa sa lugar na iyon at makita ang mga ngiti nito. Kung akala nito ay mapapaamo siya ng mga ngiti nito katulad ng ibang babae, ibahin siya nito.
Tumikhim ito. Hindi inaasahan ang kapormalang ipinakikita niya. “Napansin ko na nagmamadali kang umalis kanina habang nagsasalita ako. Ipinatawag kita dahil ikaw lang ang empleyado na wala doon. Gusto ko ring marinig mo ang mga sinabi ko sa kanila dahil empleyado rin kita.”
Binigyang-diin nito ang salitang empleyado. Ipinapakita nito kung sino ang boss sa kanila at kung sino ang mas nakatataas.
Ngumiti siya ng sarkastiko at inilapag sa harap nito ang isa sa dalawang folder na bitbit. “You don’t have to bother explaining about your plans for the company, Mr. Arnaldo. I’m filing my resignation.”
Nagitla ito at binuklat ang folder. “Y-You can’t do this,” sabi nito.
“Of course I can,” she announced proudly.
Akala nito ay magkakaroon ito ng pagkakataon para kontrolin siya. Nagkamali ito. Hindi isang lalaki ang kokontrol sa kanya. Lalo na ang isang lalaki na nagngangalang Keith Arnaldo.
Tuluyang naglaho ang ngiti nito at napalitan ng kapormalan. “Bakit ka magre-resign? Hindi mo binanggit dito sa sulat mo kung bakit. I need a valid reason.”
Mahigpit niyang hinawakan ang isa pang folder na nasa kamay. Noon niya natuklasan na nanginginig siya. Kasabay ng matinding silakbo ng galit.
Tumalim ang mata niya nang salubungin ang pagtatanong nito. “Stop playing innocent. Alam mo ang dahilan kung bakit,” mariin niyang sabi.
Napamaang ito. “But I’m innocent,” anito at inilahad ang mga kamay. “Ngayon pa lang ako umupong publisher dito kaya paano ko malalaman kung ano ang problema. Walang nabanggit sa akin si Siege na may problema ka sa kompanya.”
Iniiwas niya ang tingin at itinutok sa painting sa tapat niya. Nagmamaang-maangan pa ito. Alam nitong kaya siya aalis dahil ayaw niya ang presensiya nito. Gusto sana niyang isigaw dito. Subalit pinigilan niya ang sarili. Hindi ito ang panahon para sumambulat ang kanyang tinitimping galit at hinanakit.
“Bakit hindi ka makapagsalita?” tanong nito. “Mababa ba ang sweldo dito? Tataasan ko.”
Mariin niyang pinaglapat ang mga labi. Malaki ang sweldo niya bilang assistant chief photographer. At maaring siya ang pumalit sa kanilang chief photographer lalo na’t malapit na itong mag-resign.
Tumayo ito at naglakad. “Alam ko na. Baka naman pinipirata ka ng ibang kompanya. Tatapatan ko ang ipinangako nila. O baka mas mataas pa doon.”
“I admit na maraming gustong kumuha sa akin na ibang publication but my loyalty is still with Torch. Hindi iyon ang dahilan kaya aalis ako.”
Umupo ito sa harap niya at ngumiti. Subalit masakit sa mata niya ang ngiting iyon. Hindi dahil kaya niyong pabilisin ang tibok ng puso niya. Kundi dahil sarkastikong ngiti ang ibinigay nito sa kanya. Ngiting nakita niya sa labi nito matapos silang ni Conrad na magkasama sa kuwarto nang gabing iyon. The same smile that made her want to run away and hide.
“A boyfriend maybe,” nakakalokong sabi nito. “A very demanding boyfriend who wants to pull you away from work. Siguro pinangakuan ka niyang ibibigay ang lahat ng gusto mo para tumigil ka na sa trabaho. If that’s the case, I can still change your mind.”
Nanunuri niya itong pinagmasdan mula ulo hanggang paa. “At paano mo naman babaguhin ang utak ko para ipagpalit ka sa demanding kong boyfriend? Ikaw ang papalit sa kanya bilang boyfriend ko?”
Napaupo ito nang tuwid. His smile was replaced with a scowl. “I’m sorry but that is not my way of asking an employee to stay in my company,” taas-noong sabi nito.
She tilted her chin up and stood up. “If that’s the case, everything is settled. My resignation is effective two weeks from now whether you like it or not. And you can’t change my mind.”