Asociacion de las Solteras Series Chapter 15

Tumayo siya at isinukbit ang body bag sa balikat. Hindi niya alam kung bakit kailangan siyang buwisitin nito. All she needed was a couple of weeks away from him. Peace of mind ang kailangan niya. At hindi maibibigay sa kanya.

Mabilis niyang pinara ang taxi at nagpahatid sa tinutuluyang hotel. Iniinis siya nito. Pumunta daw ng Paris dahil sa kanya. Ano pa nga ba ang rason at nasa Paris ito kundi ang gawing miserable ang buhay niya?

Pakonswelo na lang na nakatakas siya mula dito pansamantala. Sa hotel na tinutuluyan niya ay hindi siya nito masusundan. Makakapag-relax pa siya at makakatulog bago magsimula ang fashion show mamaya. Kailangang maaga siya sa venue dahil tiyak na wala siyang makukuhanang magandang pwesto kapag nagpahuli siya ng dating. Dagsa ang mga photographer at cameramen sa event.

Malalim pa rin ang iniisip niya nang makabalik ng hotel. Tuloy-tuloy siyang pumasok sa elevator at hindi pinansin kung sino ang kasabay.

“Do you like your suite, Brazile?”

Napalingon siya sa nagsalita. Naroon si Keith. Nakahalukipkip habang nakasandal sa salaming dingding ng elevator. Nakangiting nang-iinis. Nang igala niya ang paningin ay sila lang dalawa ang naroon.

“Ikaw na naman! Bakit mo ako sinusundan?”

“Ako pa pala ang sumusunod. Ikaw ang sumusunod sa akin. Ako ang naunang dumating dito dahil tiyak na nadaanan ng taxi na sinakyan mo ang traffic.”

“Anong ginagawa mo dito?” tanong niya. “Pwede ba tantanan mo ang kabubuntot sa akin. Kahit sabihin mong amo pa rin kita, hindi ako mangingiming ipatapon ka sa guwardiya dahil ginugulo mo ako. Bumalik ka na sa tinutuluyan mo.”

Hindi siya natatakot dito. Lalo na’t kapakanan niya ang nakasalalay, hindi siya mangingiming ipagtanggol ang sarili.

“Brazile, you can’t throw me out dahil ako ang nagbabayad sa lahat ng gastos mo dito. Pangalawa, dito rin ako sa hotel na ito tumutuloy. Suki na nila ako tuwing magpupunta ako dito sa Paris. They know that I’m a very good customer. Wala akong masamang record. How can you throw me out?”

Tiningnan niya kung nasaang palapag na sila. Tenth floor. Nasa thirtieth floor pa ang suite niya. Twenty floors pa ang kailangan nilang daanan. Hindi na siya makakatagal pa ng ganoon katagal bago makalayo dito. She wanted to get away.

Pipindutin na niya ang buton para sa twelfth floor nang pigilan nito ang kamay niya. “Ano sa palagay mo ang gagawin mo?”

“Trying to get away from you.” Nagpumiglas siya. “Bitiwan mo ako!”

Tinangka niyang gamitin ang malayang kamay para labanan ito subalit nahawakan rin nito nang mahigpit ang isang kamay. Maging ang sipa niya ay naiwasan din nito. Naiinis siya. She was a good fighter. Subalit parang ayaw makiisa ng katawan niya. Wala siyang sapat na pwersa.

“I’m not going to rape you,” mariing sabi nito at inilapit ang mukha sa kanya.

“Pero para ka namang stalker na sunod nang sunod sa akin. Ikaw lang ang boss ko na nagawa akong sundan hanggang Europe. Wala ka bang tiwala sa akin o sa trabaho ko? Hindi naman ako pabaya sa trabaho.”

“I didn’t came here for your work. Gusto kong malaman kung bakit gusto mong mag-resign. I was thinking that maybe you have a boyfriend. Gusto kong malaman kung nandito ba siya para makausap ko siya para hindi ka na mag-resign. Magtatanan ba kayong dalawa?”

“Wala kang pakialam!” sigaw niya at kumawala dito.

Sinamantala niya ang pagbukas ng elevator at nagtatakbo palabas. Subalit kasunod niya ito sa kanyang likuran kahit ano pang bilis ng kanyang takbo. Sa sobrang kaba na maabutan siya nito ay hindi siya magkandatuto sa pagbubukas ng susi ng tinutuluyan niyang silid. Nagulat siya nang agawin nito ang susi sa kanya.

“Akin na iyan!” aniya at pilit inabot ang susi dito.

Ibinulsa nito ang susi at itinaas ang dalawang kamay. “Kung gusto mong makapasok, kuhanin mo,” hamon nito.

Tiningnan niya ang bulsa na kinalalagyan ng susi niya. It was a few inches away from the crotch of his pants. Baka mamaya iba pa ang mahawakan niya.

Bumalik ang tingin niya sa mukha nito. Hindi siya mapakali sa nanunukso nitong ngiti. Tinatantiya kung kaya niyang tanggapin ang hamon.

Humalukipkip siya. She won’t bite his bait. “Ayoko nang makipaglaro sa iyo. Pagod ako at may trabaho pa ako mamaya. Just hand me back my keys.”

“Ibabalik ko ang susi ng kuwarto mo pero sabihin mo muna sa akin kung bakit gusto mong mag-resign.”

Nilingon niya ang magkabilang bahagi ng hallway. Walang ibang tao. At kung mayroon man, hindi naman maiintindihan ng mga ito ang sasabihin niya.

“Dito na?” tanong niya at itinuro ang sahig.

Umiling ito at inalalayan siya sa braso. “Doon tayo sa kuwarto ko.”

Pumiksi siya. “Ayoko nga!” tutol niya.

“I said I won’t rape you,” giit nito. “We’ll just talk.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.