Asociacion de las Solteras Series Chapter 16

Yakap ni Brazile ang sarili pagpasok sa suite ni Keith. Sa panghihindik niya ay katabi lang iyon ng kuwarto niya. Sumandal siya sa pinto. Kung maari lang ay tumagos na siya sa pinto para makalayo. Doon lang siya para kapag pinagtangkaan siya ng masama nito ay makakatakbo siya palayo.

“Have a seat,” alok nito. “Ano ang gusto mong inumin?”

“Wala,” sagot niya. “Hindi ako nagpunta dito para makiinom sa iyo. Nandito ako dahil gusto mo akong makausap. At kailangan kitang kausapin para ibalik mo ang susi ng kuwarto ko.”

Saglit itong napamaang pagkatapos ay ngumiti. “Pero umupo ka muna. Hindi naman kita sasaktan,” malumanay na sabi nito. “I won’t even touch you.”

Matiim pa rin siyang nakatingin dito. Wala siyang tiwala sa matamis na pananalita ng mga lalaki. Lahat ng mga ito ay mapagkunwari.

Hindi siya komportable na kausap ito nang silang dalawa lang sa silid na iyon. That’s why her guards are always up. Kailangang handa siyang protektahan ang sarili sa sinumang maaring manakit sa kanya. Lalo na dito.

“Dito lang ako,” mariin niyang sabi. “Sabihin mo na ang sasabihin mo.”

Bumuntong-hininga ito. Sumuko na sa pagpapaamo sa kanya. “Tell me, ano ang problema ng boyfriend mo at gusto ka niyang umalis sa trabaho? Pinagseselosan ba niya ang trabaho mo? O baka naman iba ang pinagseselosan niya sa trabaho mo.”

Tumalim ang tingin niya. Pinalalabas nito na nagkaka-interes pa siya sa ibang lalaki kahit na may boyfriend siya. Nagpuyos siya. Tuwing may pagkakataon ito ay lagi nitong isinisingit kung gaano kababa ang opinyon nito sa kanya.

“I don’t have a boyfriend,” she stated bluntly.

“Wala kang boyfriend?” gulat na sabi nito. “But you told me…”

Ipinamulsa niya ang dalawang kamay. “Wala akong sinasabi na may boyfriend ako. Ikaw lang ang nag-isip at pinaniwala mo ang sarili mo. Kaya sayang lang ang pagpapagod mo na espiyahan ako.”

“But I thought…”

“You thought wrong. Nandito ako para sa trabaho. Wala akong kinakatagpong lalaki. Hindi ako nagbubulakbol at lalong hindi ko iiwan ang trabaho ko para makipagtanan. Sana maliwanag sa iyo ang lahat.”

Masama ang iniisip nito sa kanya. She bet siya lang ang empleyado na sinundan nito sa kabilang bahagi ng mundo para alamin kung may kalokohang ginagawa. O sumunod lang ito sa kanya para pestehin ang araw niya.

Pumormal ang anyo nito. “Kung ganoon, bakit magre-resign ka?”

Nagsalubong ang kilay niya. “Gusto mo ba talagang malaman ang totoo?”

Tumango ito. “I didn’t travel halfway around the world to miss the chance.”

Tiningnan niya ito direkta sa mata. “You are the reason why I’m leaving.”

Itinuro nito ang sarili. “Ako? Bakit ako?”

“You know why,” aniya sa may kataasang tono. Nasa sagot na niya ang paliwanag kung bakit kailangan niyang umalis.

Sa unang pagkatataon ay inilabas niya ang nakaraan. Sa loob ng mahabang panahon, pinigil niyang isipan ang mapait na alaala. Subalit hindi siya tuluyang makakalaya kung hindi siya tuluyang makakalayo sa taong nagpapaalala sa kanya. At kailangan niyang harapin ang kaaway at ang nakaraan o hahabulin siya nito kahit saan.

Tumayo ito at lumapit sa kanya. “Hindi ko alam na nabubuhay ka pa rin sa nakaraan. I thought you are an independent woman. That you always think ahead.”

“You are right. Independent nga siguro ako at advance mag-isip. Pero iyon ay resulta ng nakaraan ko,” aniya sa matigas na tinig.

Maaring pinilit niyang kalimutan ang nakaraan niya. Subalit hindi iyon maaring mabura. Nasa kalooban pa rin niya iyon. Nagsilbing isang malamig na pader na naghiwalay sa kanya sa mga lalaki. Laging nagpapaalala sa kanya na hindi dapat pagkatiwalaan ang mga ito.

Lumambot ang anyo nito at hinawakan siya sa magkabilang balikat. “Kung may mali ka bang ginawa noong kabataan mo, it was not entirely your fault. Don’t be so hard you on yourself. Nakaraan na iyon. You were young and wild…”

Itinulak niya ito palayo. “Shut up!” sigaw niya. Kinontrol niya galit dahil baka ano pa ang masabi niya dito. Kung mababa ang tingin nito sa kanya ay hindi rin naiiba ang tingin niya dito kahit anong pagmamalasakit ang ipakita nito sa kanya. “Hindi ako interesado sa opinyon mo. Narinig ko na iyan dati. At dahil alam mo na kung ano ang totoong dahilan kung bakit ako magre-resign, siguro naman hahayaan mo na akong makaalis. Maghahanda pa ako sa fashion show mamaya.”

Mabilis niyang hinawakan ang seradura ng pinto at lumabas. Mabilis niyang tinakbo ang kuwarto niya. Kinapa niya ang susi sa bulsa at hinalungkat ang bag subalit wala doon. Saka niya naalalang hindi pa niya nababawi ang susi kay Keith.

Nang tingnan niya ang direksiyon ng silid nito ay papalapit na ito sa kanya. Tumigil ito sa tabi niya at iniabot ang susi. “Masyado kang nagmamadaling umalis,” sabi nito. “Nakalimutan mong kuhanin sa akin.”

Hinablot niya ang susi mula dito at isinuksok sa keyhole. “Makakaalis ka na,” pagtataboy niya. Gusto niyang mapag-isa. Hindi niya kailangan ng unwanted attention nito. Siguro ay tapos na itong pestehin siya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.