Asociacion de las Solteras Series Chapter 2

Tuluyang nabura ang ngiti niya sa labi nang magsalita si Froilan sa likuran niya. “Brazile, look what you’ve done to my Armani Jeans. Do you know how much this costs? You have no right to ruin it.”

Hindi na siya nag-abala pang lingunin si Froilan dahil ngayon pa lang ay nagta-tanong na mata ng dalawang lalaking kaharap. Parang gusto siyang pagpaliwanagin kung bakit may lalaking namumula sa galit at basa ang pantalon sa likuran niya.

Ngumiti ulit siya. “I’m sorry, boss. But I really have to go. See you later!” Hindi na niya nagawa pang makipagkilala sa kasama nito dahil kailangan niyang makatakas.

Nagtatakbo siya palabas. Sinamantala niya na hinarang si Froilan ng waiter at ng guwardiya dahil hindi pa nito nababayaran ang in-order nila. Hindi niya alintana ang naghahabol na tingin nina Siege at Keith.

Mabilis siyang pumasok sa kanyang kotse. Paandarin na niya iyon nang bumalandra si Froilan sa harap. Humihingal sa galit nitong inilapat ang mga palad sa hood ng sasakyan. Parang isang hayop na sumisingasing sa galit. Handang manugod anumang oras.

“We are not yet through, Brazile!”

Inilabas niya ang ulo sa bintana ng sasakyan. “Hoy, umalis ka nga diyan!” pagtataboy niya dito. “Kapag hindi ka umalis, sasagasaan kita.”

“No!” pagmamatigas nito. “You have to pay me first.”

“Iyon lang pala, eh,” bubulong-bulong siyang dumukot mula sa bag ng isandaang pisong papel at ihinagis dito. “Ayan! Nabayaran na kita. Kaya umalis-alis ka na diyan bago pa mag-init ang ulo ko sa iyo. Inaabala mo ako.”

Dinampot nito ang perang papel at namula sa galit nang makita ang halaga. “One hundred pesos? Are you insulting me? This costs three hundred bucks,” diin nito sa pantalon. “This is an original Armani. I bought it in New York. And you only gave me one hundred pesos? Man, this is only two dollars.”

“E ano ngayon kung isangdaan lang ang ibinigay ko sa iyo?” naiinis niyang tanong. “Aba’y sobra-sobra na iyan para sa pantalon mo.”

“What am I going to do this damn one hundred pesos?”

“Eat it!” sarkastiko niyang sabi. “Napakadami diyang laundry shop. Thirty pesos lang isang kilo. Mas mura pa nga sa iba. Palabhan mo sa kanila. May sukli ka pa. And they won’t give a damn if it’s Armani or if it’s from New York. Alam mo, maraming ukay-ukay dito. Hindi mo sila pwedeng yabangan.”

Tigagal ito nang paharurutin niya ang sasakyan palayo. She hates men. She really hates the male member of her species. Para sa kanya, ang mga lalaki ang pinakawalang-kwentang nilalang na nalikha sa mundo.

Hindi siya dating ganito. Subalit isang bahagi ng nakaraan niya ang nagturo ng mapait na leksiyon na hindi dapat pagkatiwalaan ang mga lalaki. Isang lalaki ang dahilan ng matinding galit sa kanyang dibdib. Isang lalaki mula sa kanyang nakaraan.

Ang lalaking nakabangga niya kanina. Si Keith Arnaldo.

“HE’S so cute!” kinikilig na sabi ni Alarice habang nakapangalumbaba sa corridor at nakatanaw sa faculty na nasa tapat ng kanilang building. Fourth year high school sila sa Saint Jerome Academy. Break time noon kaya malaya silang manatili sa labas.

Kung ibang pagkakataon ay baka nasa loob pa rin siya ng kuwarto at nakikigulo sa mga kaklase. Pero sa pagkakataong ito ay mas pinili niyang manatili sa labas at pagmasdan ang guwapong lalaki na kausap ng kanilang adviser.

“He’s mine,” confident na sabi ni Brazile.

Matagal na niyang gusto si Keith. Unang beses niya itong nakita ay noong first year high school siya. Nalaman niya kung sino ito nang tumakbo itong president ng Student Council. Sikat na sikat ito sa eskuwelahan nila.

Pero kahit gaano pa siya kaganda ay hindi siya nito pinapansin dahil marami itong kaedad na naghahabol dito. Kahit naka-graduate na ito ay bumabalik-balik pa rin ito sa St. Jerome para mangumusta. Kaya lagi niyang inaabangan ang pagbabalik nito.

Gusto niya itong makita. Kahit isang sulyap ay nagbabaka-sakali siyang bigyan nito. Maganda siya dahil noong isang taon ay siya ang itinanghal na Miss Saint Jerome. Parang dalaga na rin siya. Hindi katulad noong first year pa siya na mukha siyang nene. Natitiyak niyang mapapansin na siya nito ngayon.

“He smiled at me!” tili ni Alarice nang tumingin si Keith sa direksiyon nila at ngumiti.

“Anong ikaw ang nginitian niya? Ako ang nginitian niya,” ngingiti-ngiti niyang sabi. “Sinasabi ng mga mata niya, Brazile, ang ganda-ganda mo.”

“Sorry girls,” singit ni Meredith na nakitanaw sa kanila. “Pero ito na ang huling pagkakataon na maari ninyo siyang makita.”

“Ha? Bakit naman?” malungkot na tanong ni Alarice.

“May girlfriend na ba siya?” tanong niya.

Umiling si Meredith. Ito ang pinakamatinik na kumalap ng balita sa kanila. Editor in chief ito ng school paper. Pagdating sa tsismis, hindi ito nagpapahuli.

“He’s leaving for States kasama ang pinsan niyang si Conrad.”

“Talaga, kasama si Conrad?” sabi niya.

Magkahalong tuwa at lungkot ang naramdaman niya sa natuklasan. Malungkot dahil aalis na si Keith. Masaya dahil sa wakas ay mawawala na sa landas niya ang walang kwentang Conrad na iyon. Ito ang pinakamakulit niyang manliligaw. Hindi bale kung kasing guwapo at kasing talino ito ni Keith.

Kung ano ang ikinasikat ni Keith bilang model student, si Conrad naman ang teacher’s enemy number one. Wala na itong ginawa kundi gumawa ng gulo sa campus. Lagi na lang lasing kapag pumapasok sa klase at amoy sigarilyo. Hindi kaila sa kanya na leader din ito ng fraternity. At may mga sabi-sabi na gumagamit din ito ng droga.

Malaki lang ang utang na loob ng mga opisyales ng St. Jerome sa pamilya nito dahil sa mga donasyon kaya hindi ito mapatalsik. Ang mga Arnaldo ang isa sa mga pioneer sa paaralan. Malaki ang nai-contribute nito para sa ikasisikat ng St. Jerome.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.