Asociacion de las Solteras Series Chapter 3

Kung pwede lang sana ay si Conrad na lang ang umalis papuntang ibang bansa at maiwan na lang si Keith.

“Hello, babes!” anang si Conrad na amoy sigarilyo nang lumapit sa kanya. Kasunod nito ang mga alipores sa likod.

“Speaking of the devil,” bulong niya habang ipinapaypay ang kamay sa mukha para palisin ang amoy ng sigarilyo. “Nanigarilyo ka na naman?”

Humalakhak si Conrad. “Concern si babes!” anito kasabay ng tawa ng mga kaibigan. Nakikita niya sa katauhan nito si Lucifer at ang mga kampon ng kasamaan.

Inirapan niya ito. “Stop calling me babes!” naiirita niyang sabi. “Hindi ako baboy. At hindi rin ako concern sa iyo. Concern ako sa environment dahil napo-pollute.”

Hinarangan siya nito nang tangka siyang aalis. “Not so fast, babes. Willing akong I-give up ang mga bisyo ko. Magpapaka-good boy din ako basta sagutin mo lang ako.”

Tinaasan niya ito ng kilay at tiningnan mula ulo hanggang paa. “Ikaw, sasagutin ko? Manigas ka! At pwede, huwag kang magpakita sa akin. Sinisira mo ang araw ko.”

Ni hindi ito natinag at ngumisi pa. “Baka bawiin mo ang mga sinasabi mo. Paalis na ako papuntang US. Baka ma-miss mo ang kaguwapuhan ko. Ikaw din.”

“Mabuti nga umalis ka na. Huwag ka nang babalik, utang na loob.”

Hinawakan nito ang braso niya. “Iimbitahan kita sa bahay mamaya. May party kami at gusto kong makasama ka. Kahit sa huling pagkakataon.”

Pumiksi siya. “Hindi ako sasama sa iyo.”

Wild party ang madalas nitong I-organize kasama ang mga kaibigan nito, mapa-babae o lalaki. Pawang masasama ang reputasyon hindi lang sa kanilang eskuwelahan kundi sa buong bayan ng Geronimo. Ayaw niyang makahalubilo ang mga katulad nito.

“Nandoon ba si Keith?” tanong ni Alarice.

“Oo naman. Kaya sumama ka rin,” yaya ni Conrad na parang sigurado na sasama nga siya sa party nito. Nakangisi nitong pinisil ang baba niya. “See you there.”

Matalim niyang pinagmasdan ito habang palayo. Pinahid niya ng likod ng palad ang baba niyang nasayaran ng kamay nito na parang nandidiri.

“Magpunta tayo sa party ni Conrad, Brazile,” excited na yaya ni Alarice. “Nandoon pala si Keith.”

“No way!” sabay nilang sabi ni Meredith at iniwan ito.

Hindi ganoong tipo ng party ang dadaluhan niya. Kahit pa sabihing magkikita sila ni Keith. Hindi rin niya ito malalapitan dahil tiyak na babakuran siya ni Conrad. He won’t let any man near her. Even if it was his own cousin.

NAGMAMADALING bumaba ng kotse si Brazile nang makita ang itim na BMW na nakaparada sa harap ng bahay. Narito ang kanyang Papa.

Businessman ang kanyang Papa na si Osvaldo Cardenas. Marami itong negosyo sa ibang bahagi ng bansa kaya palagi itong wala sa Maynila. Napakadalang nilang magkita pero lagi nitong sinusulit ang panahon na magkasama sila. Kung dumarating ito, lagi silang namamasyal at kumakain sa labas. Madalas din silang magkwentuhan.

Mas malapit siya dito kaysa sa Mama niya. Rio Echague-Cardenas was a social butterfly. Dahil kahit doon umuuwi ang Mama niya sa kanilang bahay, mas madalas itong wala dahil nakiki-party kasama ang mga glamorosang kaibigan nito. Parang walang anak o asawa.

Nag-iisa siyang anak pero hindi nabuo ang kanilang pamilya kahit kailan. Nag-aaway lang ang mga ito kapag nagkikita. Mas mabuti pang hindi niya makita ang mga ito kaysa mag-away sa harap niya.

Naabutan niya ang malalaking maleta na nakalapag malapit sa hagdan. “Manang Puring,” sabi niya sa isang kawaksi na naghihila ng bagahe. “Nasaan si Papa?”

“Nasa taas, Señorita. Kausap ang Mama ninyo.”

“Talaga? Pupuntahan ko siya!” aniya at nagtatakbo paakyat ng hagdan.

Excited na siyang makasama ng kanyang Papa. Marami siyang iku-kwento dito. Sasabihin niya na masaya siya dahil nakita niya si Keith. Pero malungkot dahil aalis na ito. Ganoon sila kalapit ng kanyang Papa. Nasasabihan niya ito ng sekreto.

“Pero Señorita, ipinagbawal po ng Mama ninyo na may umabala sa kanila.”

Kinindatan niya ito. “Hindi siya magagalit.”

Bahagyang nakaangat ang pinto ng master’s bedroom at nakita niyang nakaupo sa kama ang kanyang Papa. Habang ang Mama niya ay nakatayo at naninigarilyo. Nakikita lang niyang naninigarilyo ang kanyang Mama kapag natetensiyon.

Binuksan niya ang pinto. Ni hindi siya nag-abalang kumatok. “Papa!” sigaw niya at tumatakbong sinugod ang ama. Yumakap siya nang mahigpit dito. “Na-miss kita. One month kitang hindi nakita. Nasaan ang pasalubong ko?”

Pilit itong ngumiti subalit bakas ang lungkot sa mga mata nito. “Anak, may importante sana akong sasabihin sa iyo…”

“Mamaya na, Pa,” aniya at tumabi dito. Umabrisyete siya at ihinilig ang ulo sa balikat nito. “Sabihin muna ninyo kung saan ninyo ako ipapasyal bukas. Sasamahan ba ninyo akong mag-shopping?”

“Hindi pwede, Brazile,” matigas na sabi ng kanyang Mama. “Aalis ang Papa mo.”

“Na naman?” Lumabi siya. “Napakabilis naman yata, Papa. Ni hindi pa nga tayo nagku-kwentuhan. Mas importante pa ba ang trabaho ninyo kaysa sa akin?”

Alangang tumingin si Osvaldo kay Rio. “Anak, hindi mo kasi…”

“Bakit hindi mo pa direktahin ang anak mo, Osvaldo?” sabi ni Rio at bumuga ng usok paitaas.

Napatingin siya sa kanyang Mama. “Anong kailangan kong malaman, Mama?”

Ngumiti nang matamis si Rio at umuklo sa harap niya. “Darling, you have to know the truth. Your father is not leaving for another business trip gaya lagi niyang idinadahilan sa iyo. He’s leaving us for good.”

Maang siyang napatingin kay Osvaldo. “Anong ibig sabihin nito, Papa?” tanong niya sa nanginginig na tinig.

Huminga nang malalim ang kanyang Papa. Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat. “Brazile, anak. Malaki ka na. Kailangan mong intindihin na hindi na kami maari pang magsama ng Mama mo. Hindi kami magkasundo. Maghihiwalay na kami.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.