Asociacion de las Solteras Series Chapter 21

“Ikakasal na ako next month at wala pa akong photographer na nakukuha para I-cover ang wedding ko. Hindi ko kasi gusto ang mga kuha ng photographer na nag-cover ng engagement party ko. It was dull and lifeless. At ayokong mangyari iyon sa wedding ko. I went over your website at nakita ko ang mga shots mo. They are like a dream. Parang hindi totoo. Parang fairy tale para sa isang babae na ma-capture ng maganda ang emotion niya at ng mga tao sa paligid niya habang ikinakasal siya. Isama pa na napaka-artistic ng kuha mo. Kaya sana ikaw na lang ang mag-cover ng wedding ko.”

“I’ll just check my itinerary,” sabi niya.

Gusto niya ito. She looked so in love with her future husband. Kahit hindi siya ikakasal, masaya siya kapag nakakakita ng babaeng masaya sa napangasawa nito. Ang ayaw lang niya ay may makita sa mga babaeng kinuhanan niya na umiiyak dahil sinaktan o niloko ng asawa.

Every woman wants a fairy tale wedding. But fairy tales doesn’t exist. Hindi lahat ay may happy ending. Hindi niya gustong maging bitter ang lahat ng mga babae tulad niya. Every woman deserves to be happy. Kahit paano ay magagawa niyang mapasaya ang ibang mga babae kahit sa litrato lang.

“Sana pumayag ka na,” pakiusap nito. “My mom is fretting because I fired the photographer she choose. My fiance is distressed because I also fired the catering service he hired. Nalaman ko na ex-girlfriend niya at natatakot ako na I-sabotahe ang kasal ko. I want my wedding to be perfect. Wala na akong problema sa caterer. Photographer na lang.”

“You don’t have to worry. Walang conflict sa schedule ko ang date ng kasal mo. Pero kailangan ko pang ayusin ang schedule ko dito sa publication.”

Umiling ito. “You don’t have to worry. Kakilala ko ang publisher mo na si Keith Arnaldo. Siya daw ang bahala sa schedule mo.”

Kinabahan siya. “Si Sir Keith?”

Nakangiti itong tumango. “Siya ang nag-recommend sa akin dito.”

Hindi niya alam kung bakit natakot siya nang malamang ini-rekomenda ito ni Keith. Subalit hindi niya ito matanggihan dahil gusto niya ito. At ayaw niyang sirain ang kasal nito kung alam niyang makakatulong siya.

“Okay, tawagan mo ako a week from now para ayusin ang schedule. I want to know if you want to get the whole package.”

Ang package niya ay ang pre-wedding shots. Kung saan pupunta sila ng ikakasal sa isang romantic location, depende na rin sa gusto ng mga ito o sa idea niya.

“I like that pero saka na natin pag-usapan kapag nag-usap tayo sa susunod. Isasama ko na rin ang fiancé ko. See you next week.”

“BRAZILE, balita ko ikaw ang magko-cover sa kasal ni Conrad Arnaldo,” sabi ni Meredith nang minsang sabay silang nagla-lunch. Nasa opisina sila nito at nagpa-deliver ng pagkain. Iyon na lang kasi ang panahon nila para magkwentuhan sa sobrang dami ng kanilang mga trabaho.

“Excuse me,” sabi niya kasabay ng pag-iinit ng ulo. “Kanino mo napulot ang tsismis na iyan? Kahit siguro bitayin ako hindi ko iko-cover ang kasal ng lalaking iyon. Kahit pa bayaran ako ng milyon.”

Nilinaw niya kay Keith ayaw niyang maging photographer sa kasal ni Conrad. At hindi na sila nag-usap pa tungkol doon dahil pinagbantaan niya itong magre-resign siya.

“Bakit tinanggap mong kliyente si Jerusal Redondo kung hindi ikaw ang magko-cover sa kasal nila?”

Nanlaki ang mga mata niya. “Jerusal Redondo? Ibig mong sabihin siya ang pakakasalan ni Conrad?”

Tumango ito. “Oo. Hindi mo ba siya kilala?”

Nasapo niya ang noo. Nawala sa isip niya na ito ang pakakasalan ni Conrad. Hindi kasi niya naitanong dito kung sino ang groom nito. Nabanggit na rin ni Keith ang pangalan nito pero hindi niya naalala. Kaya pala pamilyar.

Tumayo siya at hinablot ang body bag. “Saan ka pupunta?” tanong nito.

“Makikipagtuos ako,” walang lingon niyang sagot.

Nagmartsa siya patungo sa opisina ni Keith. Wala ang sekretarya nito sa mesa kaya tuloy-tuloy siyang pumasok. Wala sa loob si Keith. Umupo siya sa couch na naroon. Maghihintay siya. Tuwing Huwebes ay nasa publication ito. Samantalang sa ibang araw ay nasa iba naman itong kompanya na hinahawakan.

Napatayo siya nang bumukas ang pinto ng washroom. Lumabas ito at nagulat nang makita siya. “This is a surprise!” sabi nito. “Akala ko ba ayaw mo akong makita?”

“Ayoko naman talagang makita ka pero napilitan lang ako dahil may malaki kang kasalanan sa akin.” Naglatang ang galit sa mga mata niya. “You tricked me into covering your cousin’s wedding! At dahil diyan magre-resign ako.”

Nilapitan siya nito at pilit siyang pinaupo sa couch. “S-Sandali, kumalma ka lang. Masyado kang high blood. Pwede naman nating pag-usapan ng maayos.”

Itinulak niya palayo. “Maayos? Para sabihin ko sa iyo, ikaw ang hindi ko maayos kausap. Sinabi ko sa iyo na ayokong I-cover ang kasal ng pinsan mo or else I’ll leave! Hindi ka tumupad sa usapan natin.”

Naisuklay nito ang daliri sa buhok. “Wala akong kasalanan dito. Tumupad ako sa usapan natin. Hindi kita pinilit na I-cover ang kasal nina Jerus at Conrad. Kaya wala kang dahilan para mag-resign.”

“Ini-rekomenda mo ako sa kanya. Alam mo naman na tatanggihan ko siya!”

He maintained his cool. Nagagawa pa nitong ngumiti samantalang halos magbuga na ng apoy ang mga mata niya. “Kung ganoon, bakit hindi mo siya natanggihan? Bakit pumayag ka na I-cover ang kasal nila?”

“Dahil…Dahil hindi niya sinabi sa akin na si Conrad ang pakakasalan niya.”

Humalukipkip ito at bahagyang yumukod para magpantay ng mukha nila. “Kung ganoon, hindi ko na kasalanan kung bakit mo iko-cover ang kasal nila. It was Jerus who convinced you to do so.” Itinaas nito ang mga kamay. “Hands off na ako sa kaso.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.