Asociacion de las Solteras Series Chapter 22

Gusto niyang magwala. Naisahan siya nito. Alam siguro nitong hindi niya matatanggihan si Jerus. She really liked her and she couldn’t refuse. Pero ngayong alam na niya ang totoo, may sapat na siyang rason para hindi ituloy ang trabaho.

Tumayo siya at taas-noo itong tiningnan. “Kung ganoon, sabihin mo sa kanya na magba-back out na ako. Ayoko nang I-cover pa ang kasal nila.”

Mataman siyang pinagmasdan nito. “I’m just wondering, bakit ayaw mong kuhanin ang trabaho sa kasal nina Jerus at Conrad. Kasama ba sa rules mo na hindi mag-cover sa kasal ng mga lalaking dati mong naka-relasyon.”

Mariin siyang napapikit. Narinig na naman niya sa boses nito ang masamang impresyon sa kanya. “Sinabi ko na sa iyo noon at sasabihin ko ulit, wala kaming relasyon ng pinsan mo.”

Kung siya ang masusunod, ayaw na niyang maalalang nagkakilala pa sila ni Conrad. Ayaw rin niyang maiu-ugnay ang pangalan niya dito.

“Kung ganoon, bakit ayaw mong I-handle ang kasal nila?” pangungulit nito.

Dumilat siya at tiningnan ito nang malamig. “Wala akong dapat na ipaliwanag sa iyo. Just tell Jerus that I’m so sorry, I can’t cover her wedding anymore. Magre-recommend na lang ako ng ibang photographer para sa kanya.”

“Wala akong sasabihin sa kanyang kahit ano,” sabi nito nang palabas na siya ng pinto. “Kung gusto mong umurong, ikaw mismo ang magsabi sa kanya.”

MAHIGPIT ang hawak ni Brazile sa strap ng body bag na nakasabit sa balikat. Kanina pa siya sa harap ng TGIF pero hindi pa rin siya makapagdesisyon kung papasok o hindi. Tiyak na nasa loob na sina Jerus at Conrad at hinihintay siya.

Maghapon at magdamag niyang pinag-isipan kung paano magba-backout. Iniisip niya kung sa sulat o sa telepono pero hanggang makarating siya ay wala siyang nagawang anuman sa mga iyon.

Inaamin niyang natatakot siya sa muli nilang paghaharap nila ni Conrad. It’s been twelve years. Subalit sa dami ng naipon niyang galit sa dibdib, hindi niya alam kung kaya niya itong harapin nang maayos. Ayaw niyang saktan si Jerus.

Huminga siya nang malalim. “Nandito ka na. Dumating ka na,” sabi niya sa sarili. “Ibig sabihin handa kang harapin sila. Matapang ka.”

Matapos ang sampung ulit niyang pagsasabi nang ganoon ay napagpasyahan na niyang pumasok. Walang Conrad na maaring sumira sa kanya. Malakas siya.

Nakita niya sa isang sulok si Jerus. Luminga siya sa paligid subalit hindi niya makita si Conrad. Maaring nasa comfort room ito o hindi pa dumarating.

Nakayuko si Jerus kaya hindi nito nakita ang pagdating niya. “I’m sorry, I’m late.” Napamaang siya nang pag-angat ng tingin sa kanya ay namumula ang mga mata nito. Halatang kaiiyak pa lang. “Are you okay?” nag-aalala niyang tanong.

Pilit itong ngumiti nang makita siya. “Hi! Pasensiya na kung ganito ang itsura ko pero okay lang ako. Maupo ka. What would you like to order?”

Umiling siya. “Nagpunta lang ako dito dahil may importante akong sasabihin sa iyo. Nasaan na nga pala ang mapapangasawa mo?” hindi niya mapigilang tanong.

“Si Conrad?” Muli itong humikbi at isinubsob ang mukha sa palad. Humablot ito ng tissue paper at nagpatuloy sa pag-iyak. “Wala na naman siya. Inuna pa niyang makipag-karera sa Subic kaysa samahan ako para ayusin ang detalye ng kasal namin. Mas importante pa sa kanya ang drag racing kaysa sa akin.”

Typical of Conrad. Mas importante dito ang kasiyahan ng sarili kaysa ang mas importanteng bagay. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nagbabago.

Nahabag siya kay Jerus. She was really nice. Sa tingin niya ay masyado itong mabait para kay Conrad. Hindi ito dapat na nasasaktan.

“Lagi ba siyang ganyan?” tanong niya.

Umiling ito. “I thought he loves me. Nanatili siya sa tabi ko kahit may mga sabi-sabi na mabilis siyang magsawa sa mga babae. Hanggang itakda ng mga magulang namin ang kasal namin. At first, he looks so excited. Tinutulungan niya ako sa paghahanda sa kasal namin. Pero nitong huli parang wala na siyang pakialam.”

“Itinanong mo ba kung bakit?” mahinahon niyang tanong.

“He just got tired of preparing for the wedding. Sabi niya, nire-reject ko rin naman ang mga inire-rekomenda niya sa akin. Paanong hindi ko ire-reject samantalang pareho silang palpak ng Mama ko. I want my wedding to be perfect. You can’t blame me.”

Naawa siya dito. She was wishing love and a perfect wedding pero nagkaka-problema ito lalo na sa groom nito. Kung may magagawa lang sana siya para hindi na ito masaktan pa.

“May maitutulong ba ako?” tanong niya.

“Alam mo, nahihiya talaga ako sa iyo. Problema ko ito kaya hindi kita dapat pang idamay sa problema ko. Pasensiya ka na rin kung kailangan kong ihinga sa iyo ang problema,” nakangiti na nitong sabi habang tinutuyo ang luha sa gilid ng mata.

Kahit pilit nitong ipakita sa kanyang masaya ito, nasasaktan pa rin ito. At kung sasabihin niya ditong binibitawan na niya ang trabaho sa pagko-cover sa kasal nito, lalo itong malulungkot. Sa mga oras na iyon ay siya lang ang maari nitong masandalan.

“Wala iyon. Babae ka kaya naiintindihan kita,” sabi niya at hinawakan ang kamay nito. “Huwag ka nang mahiyang sabihin sa akin ang mga problema mo. Pwede mo akong maging kaibigan. Tutulungan kita.”

“Salamat. Simple lang naman ang hihilingin ko sa iyo. Help me turn my wedding into a fairy tale. Help me make my wedding perfect.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.