Asociacion de las Solteras Series Chapter 23

Gusto nang batukan ni Brazile ang sarili habang hinihintay ang sundo sa airport ng Cauayan, Isabela. This is stupid. Ito ang kahuli-hulihang lupalop ng mundo na maari niyang puntahan. Ang lugar kung saan gaganapin ang kasal nina Jerus at Conrad.

Sinisi niya ang malambot na puso. Hindi niya matiis na makitang may babaeng umiiyak. Kaya hindi niya magawang sabihin kay Jerus na ayaw niyang maging photographer sa kasal nito. Kaya heto siya ngayon sa gitna lugar na hindi niya alam. Wala yatang balak ang sundo niya na dumating.

Hinubad niya ang suot na maong na jacket at naiwan ang puting sleeveless niyang blouse. Mainit ang panahon dahil tanghaling tapat. May narinig niyang sipol mula sa likuran subalit hindi niya pinansin.

Kapag may nagtangkang mambastos sa kanya, hindi siya mangingiming mambali ng buto. Alam niya ang lahat ng paraan para protektahan ang sarili mula sa mapagsamantalang lalaki. Kaya bago pa may sumayad na kamay sa balat niya ay uunahan na niya ang mga ito.

Napapitlag siya nang may kamay na pumulupot sa baywang niya. “Hello, honey! Pasensiya na kung natagalan ako,” sabi ng may-ari ng kamay sa kanya.

“Ano ba?” angil niya. Hindi siya nagdalawang-isip nang hawakan ang kamay nito, pilipitin at ilagay sa likod nito.

“Brazile, anong ginagawa mo?” umaaringking na sabi ng lalaki.

Nanlaki ang mata niya nang makita kung sino ang may-ari ng pangahas na kamay. “Sir Keith?” gulat niyang sabi. “Anong ginagawa mo dito?”

“Isasabay kita papuntang hacienda, dammit! Bitiwan mo na ako!” namumula nitong sabi habang bakas sa mukha ang matinding sakit.

Pinakawalan niya ito at sandaling nakadama ng guilt. “Sorry,” sabi niya.

Minasahe nito ang nasaktang kamay. Hindi pa rin umaayos ang lukot nitong mukha. Napasobra yata ang pagkakapilipit niya sa braso nito. “Bakit mo pinilipit ang braso ko? Masakit iyon, ah!”

“Protective instinct. Self-defense,” sabi niya. “Kasalanan mo dahil basta mo na lang akong hinawakan sa baywang. Dapat lang sa iyo iyan.”

Ngumiti ito. “Pinoprotektahan lang kita sa mga bastos na sumisipol sa iyo kanina. Kapag nakita nilang may kasama kang lalaki na kasing-guwapo ko, hindi ka na nila babastusin. Hindi ko naman alam na ganoon ang magiging reaksiyon mo.”

“Ano naman ang inaasahan mong maging reaksiyon ko? Ang hayaan ang mga mapagsamantalang lalaking katulad mo na magpadala sa mga advances na ginagawa sa akin. Hindi ko pinansin ang mga sipol nila dahil ayoko ng gulo. Pero hindi ibig sabihin papayag na ako kapag may pumulupot nang braso sa akin. Ibang usapan na iyon.”

Akala yata nito porke’t guwapo ito ay papayag siya. Alam niyang mababa ang tingin nito sa kanya pero hindi niya alam ito mismo ang babastos sa kanya.

“I told you I’m only trying to protect you,” giit nito.

“Protect me?” aniya sa panggigilalas. “Hindi ko kailangan ng proteksiyon mula sa isang lalaki lalo na’t galing sa iyo.”

“Oo na. Natatakot na ako. Kaya pala hindi ka natatakot na magsuot ng ganyan ka-provocative na damit. Bakit hindi mo na lang ulit ibalik ang jacket mo?”

“Naiinitan ako. Saka kahit ano pa ang suot ng isang babae o kahit ano pa ang reputasyon o nakaraan niya, walang karapatan ang kahit sinong lalaki na bastusin siya. Mga walang kwentang lalaki lang ang nakakaisip niyon.”

At sa kasamaang-palad, maraming walang kwentang lalaki sa paligid. Mga mapagsamantala at ang kaya lang ay mahihinang babae.

“Oo na. Nanalo ka na.” Binitbit nito ang bag niya. “Sumunod ka sa akin. Doon naka-park sa labas ang pick up ko.”

“Sandali,” aniya at pinigilan ang braso nito. Napaigik ito. Nang tingnan niya ang mukha nito ay bakas ang sakit sa mukha nito. “M-Masakit ba?”

Umiling ito at binawi ang braso. “H-Hindi,” kaila nito.

“Sigurado ka?” paniniyak niya. Sa galaw na ginawa niya kanina, imposibleng hindi makagawa kahit kaunting damage ang pagkakapilipit ng kamay nito. Nang tangkang titingnan ulit ang braso nito ay umiwas ito. “Patingin ng braso mo,” utos niya.

Muli itong umiwas nang tangkang titingnan niya. “Sinabi ko nang hindi ako nasaktan,” pagkakaila nito.

“Bakit ayaw mong ipakita sa akin?”

Tinapik nito ang sariling dibdib. “It was my ego that was hurt, not my arm. Mas sanay ako na hinahalikan at niyayakap ng mga babaeng ipinagtatanggol ko. Hindi binabalian ng buto.”

Namula siya nang maisip kung paano nagpapasalamat ang mga babaeng ipinagtatanggol nito. Iniiwas niya ang tingin upang hindi nito makita ang pamumula niya.

She was blushing. Hindi niya alam na may kakayahan pa siya sa ganoon. Sa tanda niyang ito, akala niya ay manhid na siya.

“I’m sorry,” usal niya at nakayukong naglakad. “Hindi kasi ako sanay na ipinagtatanggol ako ng lalaki. At sorry sa nangyari sa braso mo.”

Nasanay siyang protektahang mag-isa ang sarili. Mula nang gabing muntikan na siyang pagsamantalahan ni Conrad, natuto siya ng leksiyon na wala siyang aasahan kundi ang sarili. At wala siyang maasahang matino sa isang lalaki. Hindi niya kailangang umasa sa mga ito dahil malakas siyang babae. Hindi siya mahina.

“Huwag na iyong sorry. Bakit hindi ka na lang mag-thank you sa akin?”

Nang tingalain niya ay nakangiti ito. At gumaan ang pakiramdam niya. Kanina ay nagi-guilty siya dahil nasaktan niya ito nang hindi sinasadya.

“Thank you,” nakangiti niyang usal. At ngayon lang siya nagpasalamat sa isang lalaki. Hindi niya alam kung bakit sinusunod niya ang kapritso nito.

Umiling ito. “Hindi iyan ang gusto kong thank you.” Ipinaling nito ang pisngi sa kanya. “Kahit peck lang sa cheek okay na sa akin.”

Nagsalubong ang kilay niya. “Slap sa cheek, gusto mong thank you?”

Sinabi na nga ba niya’t hindi ito mapagkakatiwalaan. Akala yata nito ay kaya siya nitong mauto. Hindi dahil minsan ay umaatake ang konsensiya niya ay maari na siya nitong mabola. Nasa matino pa siyang pag-iisip.

Humahalakhak ito. “Hey, hindi ka na mabiro. Sige, ngumiti ka na lang. Mas maganda ka kasi kaninang nakangiti ka sa akin. Madalang kitang makitang ngumiti alam mo ba? Kaya ngitian mo ulit ako para naman mawala ang sakit sa braso ko.”

Umingos siya at nagpatiunang naglakad. Hindi siya uto-uto para sundin ito. Wala talaga siyang maasahang matino dito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.