Asociacion de las Solteras Series Chapter 24

WALANG kibuan sina Brazile at Keith habang bumibiyahe papunta sa hacienda ng mga Redondo. Nakapaling ang mata niya sa labas ng at inaaliw ang sarili sa pagtingin sa paligid. Puro palayan ang nakikita niya. Malamig sa paningin sa dahil berde.

Kinakausap siya ni Siege. Kinakausap rin niya ito subalit sinasagot lang niya ang mga tanong nito. Pero kapag puro corny jokes na ang sinasabi nito ay hindi na niya pinapansin. Akala nito ay mapapangiti pa siya nitong muli ngunit hindi ito nagtagumpay.

Maya maya’y pumasok sila sa isang malaking arko na may nakasulat na Hacienda Milagros. Kasunod niyon ay ang mga nagtataasang mga puno sa magkabilang gilid ng daan. Ilang minuto pa ang lumipas at bumungad sa kanila ang isang malaking villa.

“Wow!” bulalas niya. Halatang may kalumaan na ang villa subalit matatag pa ring nakatayo. Sa likod nito ay ang mga bundok at kakahuyan. Gumana na agad ang isip niya kung anu-anong magagandang anggulo ang maari niyang kunan sa villa na iyon.

“We are here,” sabi ni Keith nang itigil ang sasakyan sa harap ng villa.

Bago pa ito makaligid sa kanya ay nabuksan na niya ang pinto. Wala siyang balak na magpaalalay pa dito. Pababa siya nang matigilan siya. Halos bumaon ang daliri niya sa sandalan nang makita si Conrad habang kausap si Jerus sa beranda.

Tumingin ito sa direksiyon niya at kumislap ang mga mata nang makita siya. Nanlamig siya sa tingin nito. Gusto na niyang huwag nang umalis ng sasakyan at utusan na lang si Keith na ipagmaneho siya pabalik sa airport.

“Brazile,” anang si Keith. “Bumaba ka na.”

Napatingin siya dito. Hindi niya napansin na nakatayo ito sa harap niya at nakalahad ang palad. Madilim ang anyo nito at mukhang naiinip na.

Ginagap niya ang kamay nito kahit hindi niya ugaling magpaalalay sa lalaki kapag bumababa ng sasakyan. Nabawasan ang panlalamig niya.

“Brazile!” tuwang-tuwang sabi ni Jerus at sinalubong siya ng halik sa pisngi. “Akala ko hindi ka na dadating. Bakit natagalan kayo?”

“Hindi ko agad siya nasundo,” sagot ni Keith.

“Come, ipapakilala kita kay Conrad,” anang si Jerus at bumalik sa tabi ni nobyo.

Humigpit ang hawak niya sa kamay ni Keith nang naglakad sila papalapit kay Conrad. Parang dahan-dahan siyang lumalapit sa kanyang buhay na bangungot.

“Hon, I want you to meet Brazile Cardenas. Siya ang official photographer ng wedding natin. Brazile, this is Conrad…”

“It’s been a long time, Brazile,” nakangiting sabi ni Conrad nang putulin ang pagpapakilala ni Jerus. Ibinuka nito ang dalawang kamay at ginagap nang mahigpit ang kamay niya. “Dito pa pala tayo magkikita.”

Lubhang matagal at mahigpit ang pagkakahawak nito sa kanyang kamay. Nang pisilin nito ang kanyang kamay ay nagkaroon ng basehan ang kanyang takot. Lalo na nang makita niya ang kakaibang pagnanasa sa mga mata nito. Hindi pa rin ito nagbabago. Ito pa rin ang dating Conrad na kinatatakutan niya.

“Magkakilala kayo?” namamanghang sabi ni Jerus.

Ngumisi si Conrad at tumingin sa kanya. There was a devilish glint on his eyes. “Of course. Batchmate kami sa Saint Jerome. And we are close. Really, really close. Right, Brazile?”

Nagbalik sa alaala niya ang pananamantalang ginawa nito sa kanya. Huminga siya nang malalim para palipasin ang matinding galit. Paano nito nagagawang mabuhay nang maayos habang siya ay nagdurusa?

Napapitlag siya nang maramdaman ang kamay ni Keith sa balikat niya. “Pagod na si Brazile, Jerus. Ihahatid ko na siya sa kuwarto niya.”

“Hindi, ako na ang maghahatid sa kanya,” sabi ni Conrad.

Naramdaman niya ang paghigpit ng hawak ni Keith sa balikat niya. Hindi nito nagustuhan ang pagpiprisinta ni Conrad. “Ako na,” matigas na sabi nito.

Nakaramdam siya ng matinding pagod nang pumasok sa loob ng villa. Wala na siyang oras para hangaan ang karangyaang nasa paligid.

“How does it feel to see Conrad again?” tanong ni Keith nang paakyat na sila ng hagdan. Hindi nito maitago ang sarkasmo sa tinig.

Nagpatuloy siya sa pag-akyat at hindi ito nilingon. “Keith, wala akong panahon para sa mga kalokohan mo. Pagod pa ako sa biyahe. Mamaya mo na lang kapag nakapagpahinga na ako.”

Mas gusto niyang matulog. Baka paggising niya ay may sapat na siyang lakas para labanan si Conrad. At pati na rin si Keith. Nagtutulong pa ang mga ito para masiraan siya ng bait. Hindi niya kayang pagsabayin ang dalawang kalaban.

“It was an innocent question, Brazile. Wala akong masamang ibig sabihin.”

Sa malamig na tinig nito at tingin, alam niyang may nilalaman ang pananalita nito. Maaring iniisip nito na hanggang ngayon ay may gusto pa rin siya kay Conrad.

“Wala akong naramdamang anuman nang makita ko ang pinsan mo. After all, he’s just a client. Para sa ikapapanatag ng loob mo, nandito lang ako para sa trabaho. Wala nang iba pang rason.”

“Sana nga iyan lang ang rason mo,” walang emosyon subalit makahulugang wika nito. Binuksan nito ang pinto at ipinasok ang mga gamit niya. “Ito na ang kuwarto mo. I’ll meet you downstairs for lunch.”

“Hindi ako kakain. Mas gusto kong magpahinga,” sabi niya.

Kibit-balikat ang isinagot nito sa kanya. Animo’y wala dito kung magutom siya.

Nanlulumo siyang umupo sa kama. Natatakot siya. Dalawa sa mga lalaking ayaw na niyang makita sa buong buhay niya. Mga lalaking mistulang bangungot sa kanya.

Subalit mas natatakot siya kay Keith. Hindi katulad ni Conrad na kapareho ng ibang lalaki na katawan ang habol sa babae, iba si Keith.

Wala itong gusto sa kanya. Namumuhi ito sa kanya. Sa mga mata nito ay nakikita niya ang parehong malamig na mga mata nang gabing makita sila ni Conrad. Nang akusahan siya nitong masamang babae.

Gusto niyang lumayo sa lugar na iyon. Dahil ngayon niya napatunayan na isang malaking pagkakamali kung mananatili siya doon.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.