SUMILIP si Brazile sa viewfinder. Nakalapag ang camera niya sa lupa at puro damo ang nakikita niya. Iyon ang gagamitin niyang foreground para sa pre-wedding pictorial. Nauna na siyang pumunta sa location. Isa iyong burol sa likod ng villa. Sa lawak ng hacienda, marami pa siyang naiisip na lugar na maaring kunan ng litrato.
Isang linggo ang pista para sa kasal nina Conrad at Jerus. Tuwing gabi ay may kasiyahan ang mga tagaroon. Ilang araw pa bago dumating ang mga bisita mula Maynila at ibang bansa. Napagdesisyunan nila ni Jerus na mas maagang gawin ang photo session para hindi makasagabal kapag nagdatingan ang ibang bisita.
Napaupo siya nang makitang may paa sa viewfinder niya. Bigla siyang napatayo nang makita si Conrad. Nakapamaywang ito habang nakangisi.
Inipon niya ang lahat ng lakas ng loob para hindi magtatakbo palayo. “Conrad,” aniya sa kontroladong boses. “Maaga ka yata. Nasaan si Jerus?”
“Bakit kailangan mo pa siyang hanapin? Hindi ka ba natutuwa na makakapagsolo tayong dalawa dito?” Dahan-dahan itong lumapit sa kanya. “Bakit hindi natin samantalahin ang pagkakataon habang wala siya?”
“Anuman ang plano mo, huwag mo nang ituloy,” matigas niyang sabi. Lalaban siya. Hindi niya papayagan na muling sumayad ang kamay nito sa balat niya.
Humalakhak ito. Lagi siyang naiirita sa tawa nito. “Still Brazile Cardenas, are you? Wala kang wedding ring. Ibig sabihin dalaga ka pa rin. Ah, kung nagtagal pa sana ako sa Pilipinas, mas magiging maganda sana ang relasyon nating dalawa. Pero dahil malapit na akong ikasal, bakit hindi mo…”
“Conrad!” narinig niyang sigaw ni Jerus. Bumaba ito sa sinasakyang kabayo at tumakbo palapit sa kanila. “Kanina pa ba kayo naghihintay?”
Saglit na bumalatay ang iritasyon sa mukha ni Conrad lalo na nang makitang bumaba rin sa sariling kabayo si Keith.
Ngumiti si Conrad. “Nagbibigay lang ako ng suggestion kay Brazile para mas maging magandang ang pictures natin.”
“That’s sweet,” anang si Jerus at kinintalan ng halik sa labi si Conrad.
Bumalik ang isip niya sa trabaho. “Wait, hold that pose,” sabi niya at iniayos ang camera. Nagsimula na ang session nila. Mahal ni Jerus si Conrad. Nakikita niya ang saya at pagmamahal sa mga mata nito. Subalit hindi siya tiyak sa nararamdaman ni Conrad dito. Pakitang-tao lang ang mga ngiti nito. Hindi iyon napapansin ni Jerus dahil bulag ito sa pagmamahal.
Nagpahinga sila. Habang inaayos ang camera hindi niya maiwasang sulyapan sina Conrad at Jerus. Nakaupo habang nakasandal si Jerus sa puno habang si Conrad ay nakahiga sa kandungan nito. Nagtatawanan ang dalawa.
Kahit breaktime ay hindi niya mapigilang kunan ng litrato ang dalawa. Occupied ang mga ito sa isa’t isa kaya hindi siya napapansin. Mas natural tingnan ang mga ito at hindi mukhang set up. In a way, mas nararamdaman niyang maaring mahal ni Conrad si Jerus. Na kung anuman ang pagkakamali nito tulad ng pagkahumaling sa ibang babae, kaya pa rin itong pagbaguhin ni Jerus.
”Nakakaiinggit sila, hindi ba?” narinig niyang tanong ni Keith. Nakahalukipkip ito habang pinagmamasdan siya.
“Kung pwede, matino akong nagtatrabaho dito kaya huwag kang manggulo.”
Umuklo ito sa tabi niya. “Na-imagine ko lang kung tayo kaya ang maging kasing sweet nila? Maganda siguro,” sabi nito. “Hindi ka ba naiinggit kapag nakakakita ka ng dalawang taong in love?”
Ngumiti siya ng sarkastiko at tumayo. “Hindi. Dahil hindi naman ako interesadong ma-in love. Kung naiinggit ka, maraming babae diyan sa tabi-tabi. Sa tingin ko willing silang maging sweet sa iyo.”
“Ang sungit mo naman,” komento nito. “Ganyan ka ba kasungit sa lahat ng lalaki o sa akin lang? May mga babae daw na mahilig maggalit-galitan para itago ang totoo nilang nararamdaman.”
“Ano namang nararamdaman iyon?”
“Baka crush mo ako,” anitong may halong panunukso.
Matalim niya itong sinulyapan. Kokontrahin sana niya ito nang tawagin siya ni Jerus. “Tapos na ba ang break?” sigaw ni Jerus.
Tumango siya. “Gusto ko na tumayo kayo sa tuktok ng burol,” utos niya.
Nasa paanan sila ng burol. Kaya niya pinagpahinga ang mga ito dahil inaabangan niya ang paglubog ng araw. Gusto niyang kunan ng sillhouette ang mga ito.
“Ano ang susunod naming gagawin?” tanong ni Conrad nang makaabot sa tutok.
Sumunod siya para mas malinaw na mabigyan ng instruction ang mga ito. “Madali lang ito. Jerus, ilagay mo ang kamay mo sa baywang niya. Pagkatapos ikaw Conrad, hawakan mo siya sa batok then kiss her.”
Hinawakan ni Jerus si Conrad sa magkabilang baywang. “Ganito ba?”
Umiling siya. “Put your arms around his waist.”
“Ganito ba?” tanong ulit nito.
“Masyadong mahigpit. Medyo luwagan mo,” utos niya. Palubog na ang araw at kailangan pa niyang habulin ang paglubog niyon. Kapag wala nang araw, wala ring kwenta pa ang ipinaghintay nila.
“Need help?” tanong ni Keith.
“Hindi na. Kaya na nila iyan.”
Tumabi ito sa kanya. “I think they need a sample,” anito at tumabi sa kanya. “Conrad, Jerus, ganito ang gawin ninyo.”
Bago pa siya nakahuma ay inilagay nito ang kamay niya sa baywang nito. Parang may sarili itong isip nang pumaikot. Pumaloob ang kamay nito sa kanyang buhok at humantong sa batok niya.
Nang sumunod na sandali ay hinahalikan na siya nito na parang matagal na nitong ginagawa. Hindi siya makaramdam ng pagtutol. Wala siyang naramdamang takot sa tuwing naalala niya kung paano siya halikan noon ni Conrad. Walang Conrad na sumagi sa isip niya.
Hinaplos nito ang buhok niya. He was kissing her tenderly. Walang pagmamadali. Na parang nasa kanila ang lahat ng oras sa mundo para gawin iyon.
Gusto niyang magalit nang maghiwalay ang labi nila. May mga ngiti sa mga mata nito na parang nagsasabi na nagustuhan nito ang ginawa.
“Bukas na natin ito ituloy. Gusto ko nang magpahinga,” narinig niyang sabi ni Conrad at nagmamadali itong bumaba ng burol. Madilim ang mukha nito.
“Conrad, wait!” anang si Jerus at sumunod dito.
Matalim niyang tiningnan si Keith na ngiting-ngiti pa rin. Iningusan niya ito at nagmamadali rin siyang bumaba sa burol.
Hindi siya makapaniwala na nagawa siya nitong halikan. Subalit mas galit siya sa sarili dahil tinugon niya ang halik nito. Walang sinumang lalaki ang maaring makagawa niyon sa kanya. Sa tingin niya ay may mali sa kanya.