Nasa library si Brazile habang tinitingnan ang mga nakuhang litrato kanina. Pagkatapos ng hapunan ay doon agad siya tumuloy. Ugali na niyang asikasuhin agad ang trabaho. Subalit ang totoo, mas gusto niyang takasan si Keith.
Habang kumakain kanina ay nahuhuli niya itong nakatingin sa kanya. Hindi ang tinging nangungutya na madalas nitong ipakita. Kundi ang tingin na parang nanunukso. At tuwing makikita niya ang ngiti sa labi nito, lagi niyang naalala ang halik nito.
Nakuyom niya ang palad. Bakit hindi niya makalimutan ang halik na iyon? Ni wala siyang maramdamang pandidiri. At kahit ikaila niya, nag-enjoy siya sa halik nito. Hindi rin niya maipapangako sa sarili na tututol siya kapag naulit iyon.
Bakit siya nito hinalikan? Wala pa rin siyang nahahanap na sagot nang bumukas ang pinto at pumasok si Conrad. Hindi pa rin ang nagbabago ng timplada nito mula nang matapos ang photo session nila kanina. Mainit pa rin ang ulo nito.
Nang tingnan siya nito ay madilim ang anyo nito. Nakadama siya ng matinding kaba. Silang dalawa lang ang tao doon at baka may gawin na naman itong masama.
Iniligpit niya ang mga gamit niya. “Gagamitin mo ba ang library, Conrad?”
“Hindi. Ikaw ang kailangan ko.” Lumapit ito at hinaklit siya sa balikat. “Sa tingin ko dapat na nating ituloy ang hindi natin nagawa kanina.”
Itinulak niya ito palayo. “Ikakasal ka na, Conrad. At kahit siguro hindi, hindi pa rin kita papatulan,” mariin niyang sabi. “Kaya pwede, doon ka na lang kay Jerus.”
Bumadha ang galit sa mga mata nito. “Sino ang ipinagmamalaki mo? Si Keith? May relasyon na ba kayong dalawa? Sagutin mo ako!” sigaw nito.
Kaya siya hinalikan ni Keith kanina ay para ipakita kay Conrad na may ibang nagmamay-ari sa kanya. Hindi man nito sabihin, parang pinalabas nitong may relasyon sila. Hindi rin nagsasalita si Jerus kanina subalit iyon din marahil ang iniisip nito.
“Wala kang pakialam,” mariin niyang sabi. Nilagpasan niya ito. Mas mabuting iwasan niya ito. Ayaw niya ng gulo.
Hinaklit siya nito sa braso. “You are mine, Brazile. I wanted you then I still want you now. Hindi dahil boyfriend ka ni Keith, pababayaan na kita. Una kitang nakita, Brazile kaya sa akin ka. At kahit ang pinsan ko ay hindi ako mapipigilan.”
Bumukas ang pinto at pumasok si Keith. “May problema ba dito Brazile, Conrad?” tanong nito sa malamig na boses.
Kanina pa ba ito nakikinig sa usapan nila ni Conrad? Gaano ito katagal doon?
Namutla si Conrad nang makita ito. “Wala,” sagot nito at ngumiti. Mabilis din siya nitong binitawan kasabay ng paglalaho ng mabagsik nitong anyo. “Nagtatalo lang kami kung saan ang susunod na setting para sa photo session. Hindi kasi kami magkasundo. M-Maiwan ko na kayo,” anito at nagmamadaling lumabas ng silid.
Nakahinga siya nang maluwag nang wala na si Conrad. Subalit nang lingunin niya si Keith ay matiim ang anyo nito. Mahigpit siya nitong hinawakan sa braso at patulak na pinaupo sa couch.
“Magkalinawan nga tayong dalawa. Ano ba ang gusto mong mangyari? Sinabi mo sa akin kanina na trabaho lang ang ipinunta mo dito. Bakit kasama mo si Conrad?”
Napaawang ang labi niya. “Ano ba ang gusto mong palabasin?”
Inilapit nito ang mukha sa kanya. “You still want him, Brazile. Baka hindi pa rin nawawala ang nararamdaman mo sa kanya.”
“Nararamdaman?” sarkastiko niyang sabi. Kung alam lang nito kung ano ang tunay niyang nararamdaman para kay Conrad. “Nakinig ka ba sa usapan namin?”
Tinitigan siya nito. “Hindi. Pero hindi ko na kailangan pang marinig dahil alam ko na gusto mo silang paglayuin ni Jerus. Katulad ka rin ng ibang dati niyang naging girlfriend na gusto silang sirain. At hindi ko iyon mapapayagan.”
Naningkit ang mata niya sa galit at tumayo. “Sana nakinig ka sa usapan namin kanina para naman tumama ang mga ibinibintang mo sa akin.”
Para malaman nito na ang huling bagay na gagawin niya ay ang akitin ang pinsan nito. Hindi niya magagawang saktan si Jerus. Wala siyang pakialam sa relasyon ng mga ito. Kung mailalayo sa kanya si Conrad, mas mabuti iyon sa kanya.
Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat at isinandal sa dingding. “Huwag ka nang magkaila. Alam ko ang gusto mo. Kung lalaki lang ang kailangan mo, marami diyan. Nandito rin ako. All you need is a man to warm your cold bed, right? I’m a better lover than my cousin. I can provide you, Brazile.”
Marahas nitong sinibasib ng halik ang labi niya. Kaiba iyon sa marahang halik na ibinigay nito kanina. Wala siyang nararamdaman sa halik na iyon kundi matinding galit at pagkamuhi. Pangahas din ang naging paggalugad ng kamay nito sa katawan niya.
“No!” sambit niya nang lisanin nito ang labi niya. Hindi ito nakinig sa kanyang protesta dahil nagpatuloy ito sa pananalakay.
Kaipala’y naglakbay lang patungo sa kanyang leeg. Pilit niya itong itinulak palayo. Subalit wala siyang sapat na lakas. Naunahan na rin siya ng matinding takot. Naalala niya nang gabing pagsamantalahan siya ni Conrad.