Parang sinabugan ng bomba si Brazile. Hindi siya makagalaw sa kanyang kinauupuan habang papalit-palit ang tingin sa mga magulang.
“Bakit kailangan ninyong maghiwalay, Papa?” tanong niya. Laging nag-aaway ang mga ito. Subalit kahit kailan ay hindi humantong sa usapang hiwalayan.
“Anak, kailangan mong intindihin,” sabi ni Osvaldo.
“Pero hindi mo kailangang umalis, Papa. Gusto ko dito ka lang sa tabi ko.” Niyakap niya ito. “Mahal na mahal kita.”
Mahigpit rin nitong ginantihan ang yakap niya. “Mahal rin kita pero…”
“Pero hindi ka niya mapipigilang umalis,” dugtong ni Rio na hindi kakikitaan ng anumang emosyon kahit na pareho na silang mangiyak-ngiyak ni Osvaldo. “Bakit hindi mo sabihin sa anak mo ang totoong dahilan kung bakit kailangan mong umalis? Huwag mo nang isangkalan ang away nating dalawa.”
“Manahimik ka, Rio!” saway ni Osvaldo. “Huwag na nating pasamain pa ang nararamdaman ni Brazile. Kung anuman ang problema natin, sa atin na lang.”
Humahalakhak si Rio. “Acting like a concerned and loving father? How touching! Mahal ko rin si Brazile kaya gusto kong malaman niya ang totoo.” Hinawakan nito ang kamay niya at itinayo siya. “Darling, gusto kong malaman mo na kaya niya tayo iiwan ay dahil may ibang pamilya na siya. Pupunta na siya sa babae niya dahil magkakaroon na siya ng anak doon.”
“Babae? Anak?” nanlalaki ang mata niyang sabi.
“Huwag kang makinig sa kanya, Brazile!” sigaw ni Osvaldo.
Subalit parang wala siyang naririnig. Nakatuon lang ang kanyang paningin sa mga nakangiting mata ng kanyang Mama. Nakangiti subalit nababakas ang matinding hinanakit at galit. Galit na nagsisimula na ring bumangon sa loob ng kanyang dibdib.
Tumango si Rio. “You heard it right, Brazile. Hindi totoong negosyo ang pinupuntahan ng Papa mo tuwing mawawala siya. May kinakasama siyang babae. At ngayon ay iiwan niya tayo dahil magkakaroon ka na ng kapatid. Buntis ang babae niya sa isang lalaki. Take note, darling. You’re going to have a baby brother. A baby boy that I could never have. Isang anak na lalaki na mas pipiliin niya kaysa sa iyo. Isang anak na lalaki na hamak na mas mahal niya.”
Isang anak na lalaki. Ilang beses na ba niyang narinig na nahiling ng kanyang Papa na sana ay may anak itong lalaki. Hindi na maaring magkaroon ng anak pa ang kanyang Mama dahil nagkaroon ng komplikasyon sa matris nito nang ipanganak siya. Nabingit pa ito sa kamatayan dahil doon.
Wala nang magdadala pa ng apelyidong Cardenas sa kanilang pamilya. Iyon ang minimithi ng kanyang Papa. Isang anak na lalaki. Hindi siya ang anak na pinapangarap nito. Aalis ito para sa anak nitong lalaki. Iiwan siya nito.
Naramdaman niya ang pagpatak ng luha sa kanyang mata. Malaya iyong gumuhit sa kanyang pisngi. Subalit hindi siya nag-abalang palisin ito. Wala siyang nararamdamang anuman maliban sa matinding sakit sa kanyang dibdib.
“Totoo ba ito, Papa?”
Hindi ito makatingin nang diretso sa kanya. “Hindi na kami magkasundo ng Mama mo nang makilala ko si Maita. Hindi ko sinasadyang matukso sa kanya. Mabait siya at karinyosa at…”
“Wala akong pakialam sa babae ninyo! Pero totoo bang magkakaanak na kayo?”
Napayuko ito at tumango. “Oo. Magkakaanak na kami. Aalis ako dahil iyon ang makabubuti sa amin ng Mama mo. Hindi na kami magkasundo pa. Pero hindi ibig sabihin hindi kita mahal.”
Napuno na ng matinding hinanakit ang kanyang dibdib. Itinulak niya ito nang tangka siyang yayakapin. “Sinungaling ka! Hindi mo ako mahal!”
Humakbang siya paurong subalit sumunod ito. “Anak, mahal kita,” umiiyak na ring sabi nito. “Ayokong masaktan ka. Pero…”
“Huwag kang lalapit. Aalis ka. Ipagpapalit mo ako sa babae mo at sa anak mong bago. Akala ko masaya ka kapag magkasama tayo. Pero pabalat-bunga lang ang lahat. Para hindi kita sumbatan na hindi ka naging ama sa akin. Pero ngayon alam ko na ang totoo. Hindi mo ako matanggap na anak dahil babae ako. Mas mahal mo ang batang iyon dahil isa siyang lalaki. Dadalhin niya ang pangalan mo. Cardenas. Ikinahihiya ko na kailangan ko pang dalhin ang pangalan mo.”
“Anak, huwag kang magsalita ng ganyan. Mahal kita.”
“Hindi na naniniwala sa iyo ang anak mo,” nakangising sabi ni Rio. “Kinamumuhian ka niya dahil sa ginawa mo sa kanya.”
“Mali ka, Mama,” matigas niyang sabi. “Galit ako sa inyong dalawa dahil pareho lang kayo. Hindi ninyo ako mahal! Ayokong magkaroon ng magulang na tulad ninyo.”
Nagtatakbo siya palabas ng silid. Narinig niya ang tawag ng kanyang Papa subalit hindi niya pinansin. Kahit ang mga kawaksi ay hindi siya nagawang habulin. Gusto niyang umalis sa impyernong bahay na iyon.
Akala niya ay masaya siya sa mga sandaling nakasama niya ang kanyang Papa. Kahit na nag-aaway ang mga magulang niya, natutuwa pa rin siya kapag magkakasama sila. Subalit ang lahat ay isa lamang ilusyon. Kahit kailan ay hindi siya kabilang sa isang pamilya. Walang naging masaya kundi siya. Walang ibang nagmahal kundi siya. Walang nagmamahal sa kanya. Mula ngayon, wala na siyang magulang.
Gusto niyang puntahan si Meredith na malapit niyang kaibigan. Subalit naalala niyang lumuwas ito sa Maynila. Wala siyang mapupuntahan.
Nagtatakbo siya hanggang mapagod. Naglakad na lang siya subalit hindi siya tumigil kahit wala siyang tiyak na patutunguhan.