Nilukob siya ng matinding galit. Galit na nakalimutan niya ang takot niya sa maari pang sabihin nito sa kanya. Bakas sa mata nito ang disgusto. Hindi na siya si Brazile na nobya nito sa harap ng publiko. Siya na ang Brazile na itinuring nitong masamang babae. At hindi pa rin nababago ang opinyon nito sa kanya lalo sa mga oras na iyon.
Nakuyom niya ang palad. “Hindi ko siya mahal, Keith. I hate him. I loathe him. Isinusumpa ko siya. Kung ano pang masasamang salitang katumbas ng mga iyon, hindi kayang tumbasan ang sakit na nararamdaman ko ngayon.”
Nagitla ito nang makita ang luha sa mga mata niya. “Hindi kita maintindihan.”
“Akala mo ba inakit ko siya, Keith? He forced me. Lumaban ako pero wala akong magawa. Wala iyong ipinagkaiba nang gabing makita mo kami noon. He tried to rape me. Pero hindi ka naniwala. Kahit kailan hindi ka naniniwala sa akin. Mas naniniwala ka sa pinsan mo. Para sa iyo, masama akong babae.”
Tumayo ito at tinangka siyang hawakan. “Brazile…”
“Wala akong babawiin sa sinabi ko dahil iyon ang totoo,” aniya at humakbang paurong. Wala nang makakapigil sa kanya na sabihin ang mga sekreto niya. Mga sekretong matagal nang pumatay sa kanyang pagkatao. “Noong bago kayo umalis papuntang Amerika, niyaya ako ni Conrad sa party. Ayaw kong sumama. Pero nang malaman ko tuluyan nang naghiwalay ang mga magulang ko at ipinagpalit ako ng Papa ko sa anak niyang lalaki sa ibang babae, ginusto kong makalimot. Inaamin ko, nalasing ako sa party nila Conrad. Hanggang dalhin niya ako sa kuwarto sa itaas. Hindi ko alam ang totoong nangyayari. Nang simulan niya akong halikan, wala akong lakas para lumaban. Saka ka dumating at iniligtas mo ako.”
Niyakap siya nito at hinaplos ang kanyang buhok. Lalo siyang napahagulgol nang maramdaman ang bisig nito sa kanyang katawan. “That’s enough, Brazile. Hindi mo na kailangang ituloy,” anito sa nasasaktang boses.
Napapikit siya. “Kailangan kong ituloy, Keith. Dahil sa pamamagitan lang ng pagtatapat ko sa iyo ng totoo ko mapapalaya ang sarili ko.” Ihinilig niya ang ulo sa dibdib nito. “Kaninang umakyat ako sa taas, kumatok siya sa kuwarto ko. Akala ko ikaw ang nandoon at hindi siya. Sabi niya hindi siya papayag na mapunta ako sa iba. Tinangka na naman niya akong pagsamantalahan. Gaya dati kampante siya na walang makakapigil sa amin. Nanlaban ako. Ayoko sa kanya. Ayoko ng mga halik niya. Kaya ko sinadyang pabagsakin ang lampshade dahil umaasa ako na may makakarinig sa akin. Na may magliligtas sa akin.”
“At dumating ako, hindi ba?” dugtong nito. “Ngayon naiintindihan ko na kung bakit ice maiden ang tawag nila sa iyo. Natakot ka nang makipag-relasyon sa lalaki. Si Conrad ang dahilan, hindi ba?”
Tumigas ang anyo niya at kumalas sa yakap nito. “You are wrong, Keith. Ikaw ang dahilan kung bakit lumayo ako sa mga lalaki.”
Nagulat ito. “Kasalanan ko?”
“Siguro kaya kong maka-recover sa pananakit ni Conrad. I’m stronger than that. Pero hindi ko matanggap ang mga tingin mo sa akin na parang isa akong masamang babae. Hindi ko makakalimutan ang sinabi mo sa akin noon. I was part of the wild crowd Conrad used to go out with. Mababa ang tingin mo sa akin.”
Ikinulong nito ang kanyang mukha sa palad nito. “That’s not true.”
Umiling siya. “I never felt so dirty. Natatakot akong makipag-relasyon sa mga lalaki dahil maaring katulad ka nila. Baka iniisip rin nila na madumi ako.”
“You’re not.”
“You made me feel that way. Lagi kong sinasabi na ayoko lang sa mga lalaking manloloko. But the truth is I can handle Conrad and men like him. Akala ko kaya ko nang kalimutan ang lahat at mamuhay ng normal. Pero bumalik ka. Binuhay mo ang lahat ng mga bangungot ko. Lumalayo na ako noon pero lagi mo akong ibinabalik sa tabi mo. Takot ako sa iyo dahil alam kong kaya mo akong saktan.”
Napalunok siya at binasa ang labi. “Natatakot ako noon, Keith. Takot na takot ako. Nang dumating ka, gusto kong makiusap na yakapin mo ako. I wished you’d console me to take the pain away. Dahil ikaw lang ang makakagawa niyon. Pero lagi mo akong tinitingnan na parang kasalanan ko ang lahat. Na masama nga akong babae dahil inakit ko ang pinsan mo. You always do that, Keith. Lagi mo akong sinasaktan.”
“I’m so sorry,” bulong nito at kinintalan ng halik ang noo niya. “I don’t know what came over me but I didn’t mean to hurt you. Inaamin ko na hindi ako naniniwala sa iyo noon. That I believed the worst in you. Pero naniniwala na ako sa iyo ngayon. Lagi na akong maniniwala sa iyo. At pagbabayaran ni Conrad ang lahat ng kasalanan niya.”
“Hindi na kailangan. Sapat na sa aking marinig sa iyo na ako ang pinaniniwalaan mo at hindi siya.”
Tinitigan siya nito nang matagal. Subalit ang kanina’y malamig nitong mga mata ay nag-aapoy sa kakaibang init. “It is not enough, Brazile. Marami pa akong kasalanan sa iyo na dapat kong pagbayaran.”
Yumuko ito at nagsanib ang mga labi nila.