Nabasag ang kalamigan sa mukha nito at nangilid ang luha sa mga mata. “Damn that jerk! Napakasama niya. Noon ko pa naririnig na wala siyang kwentang lalaki pero hindi ako nakinig. And I still love him!”
Tinabihan niya ito at inalo. “Hush now, Jerus.”
“I am so stupid! Ikakasal na kami pero nagawa pa rin niyang maghanap ng ibang babae. Pati ikaw na nanahimik, ginulo niya. At muntik na akong maniwala sa kanya na inakit mo siya. Alam mo ba ang ginawa niya noong engagement party namin? Nahuli ko siyang kahalikan ang ex-girlfriend niya. Sinabi niya na inakit siya ng babaeng iyon. Nagpapaliwanag ang ex-girlfriend niya pero hindi ako nakinig. Natakot akong marinig ang totoo. Ngayon ay hindi na ako magbibingi-bingihan.”
Babaero talaga si Conrad at wala nang pag-asa pang tumino. Wala talaga itong kwentang lalaki. Magaling itong gumawa ng gulo pero ipapasa sa iba ang kasalanan. Katulad ng ginawa nito sa kanya at sa dating nobya nito. Pinalabas na sila pa ang nang-akit dito. Isa itong duwag. Hindi marunong humarap sa konsekwensiya ng mga kilos.
He wanted her for his last fling. O maaring siya lang ang babaeng hindi nito nauto at napaikot. Nagalit ito nang maisip na may relasyon sila ni Keith dahil nainsulto ito. Mas pinili niya ang pinsan nito kaysa dito. Subalit hindi na siya papayag na sirain pa siya nito sa pangalawang pagkakataon.
“I never liked him. At kahit siguro ilang Conrad pa ang iharap mo sa akin, hinding-hindi ko siya magugustuhan.”
“Dahil kay Keith?” tanong nito.
Napipilan siya pagkuwan ay umiling. “Hindi totoo ang relasyon namin ni Keith. Ginawan ko lang siya ng pabor para hindi ka masaktan. Akala kasi niya gusto kong ilayo si Conrad sa iyo.”
“Imposible! Kapag magkasama kayong dalawa, para kayong lalanggamin sa sobrang sweet. Pagkatapos sasabihin mo sa akin na pinasasakay lang ninyo kami?”
Tumango siya. “Ginawa ko lang iyon para patunayan sa kanya na wala akong gusto sa pesteng pinsan niya na iyon.”
Sa kauna-unahang pagkakataon ay ngumiti ito. “Sigurado ka bang niloloko lang ninyo kami? O baka naman sarili ninyo ang niloloko ninyo sa pagpapanggap ninyo.”
Iniiwas niya ang tingin. “Ano ba ang sinasabi mo? Magaling lang kaming umarte kaya napaniwala namin kayo.”
“Kapag hindi natuloy ang kasal ko, pwede kayo na lang ang ikasal?”
Napatayo siya. “Jerus, wala akong balak magpakasal!”
Kahit mahal na niya si Keith, alam niyang imposibleng pakasalan siya nito. Hindi siya nito magagawang mahalin kahit kailan.
“Ano ang plano mo?” tanong niya.
Kung siya ang magpapayo dito, sasabihin niyang huwag na nitong pakasalan pa si Conrad. Pero sino siya para makialam sa buhay ng iba. Mahal nito si Conrad kahit isa itong walang kwenta. Malaki na si Jerus at kaya na nitong magdesisyon para sa sarili.
“Malalaman din ninyo. Bumalik ka na kay Keith. Baka nag-aalala na siya.”
Pagbaba ay sinalubong siya ng nang-aakusang tingin ni Conrad. “Ano ang sinabi mo kay Jerus? Siniraan mo siguro ako para magkahiwalay kami!”
Lalabanan sana niya ito nang pumagitna si Keith. “Huwag mong pagtataasan ng boses si Brazile. At huwag mo nang ipasa sa iba ang mga kasalanan mo.”
“Ako ang pinsan mo. Bakit siya ang ipinagtatanggol mo?”
“Shut up, Conrad!” sigaw ni Jerus mula sa taas ng hagdan.
Biglang umamo ang mukha nito. “Jerus, are you okay? I am so worried. Huwag kang makinig sa sinasabi nila. Ikaw lang ang mahal ko. Kaya nga ikaw ang pakakasalan ko, hindi ba?”
Nanunuyang humalakhak si Jerus. “Mahal mo ba talaga ako? O gusto mo lang akong pakasalan dahil sa ako ang pinakamayaman sa lahat ng girlfriend mo?”
Namutla si Conrad. “Hindi totoo iyan!” tutol nito. “Mahal kita.”
Nagseryoso ang mukha ni Jerus. “Mahal mo nga siguro ako pero hindi lang ako ang nag-iisa. Mas mahal mo ang sarili mo dahil nagagawa mo pang tumingin sa ibang babae kahit ikakasal na tayo. I can’t live with a jerk like you forever even if I love you. I’m sorry but the wedding is off.”
“Go girl!” nangingiti niyang bulong.
MAGKAHAWAK-kamay sina Brazile at Keith mula nang umalis ang eroplanong sinakyan sa Cauayan, Isabela hanggang makarating sa Manila Domestic Airport. Subalit walang salitang namagitan sa kanila. Na parang pareho silang natatakot sa maaring sabihin ng isa't isa. Kontento na sila na hawakan ang kamay ng isa’t isa.
Tuluyan nang hindi natuloy ang kasal nina Conrad at Jerus. Pabalik na sa Amerika si Conrad. Hindi na matagalan ang tinamong kahihiyan sa pakikipaghiwalay ni Jerus dito. Samantalang si Jerus ay pupunta sa Paris para ipagpatuloy ang pag-aaral sa fashion designing. Alam niyang makaka-recover din ito.
Siya naman ay hindi alam kung ano ang estado nila ni Keith sa isa’t isa. Tapos na ang kanilang misyon. Hindi na nito kailangan pang hawakan ang kamay niya na parang magnobyo sila. Dahil nasa Maynila na sila ay siya muli si Brazile Cardenas, isa sa mga ordinaryo nitong empleyado sa publication.
“Sa malapit lang naka-park ang kotse ko,” sabi nito. “Halika na.”
Hinila niya ang kamay mula sa pagkakahawak nito. “Magta-taxi na lang ako.”
Hindi nito binitiwan ang kamay niya. “Ako ang maghahatid sa iyo.”
Parang may kapangyarihan ang salita nito at nagawa siyang pasunurin. Subalit ang totoo, ayaw pa niyang mahiwalay dito. Umaasa siya na may katuloy pa ang kunwa-kunwarian nilang relasyon. Isang ilusyon na ipinapanalangin niyang magkatotoo.
Nang makarating sa condo niya nang hindi pa rin ito nagsasalita ay sumuko na siya. Hanggang ilusyon na lang siya.
“Salamat sa paghahatid,” matabang niyang sabi dahil dismayado siya.
“Hindi lang kita basta ihinatid. Marami tayong pag-uusapan,” anito at binitbit ang gamit niya.
Puno siya ng kaba nang makapasok na sila sa condo niya. Hindi niya alam kung ano ang gusto nitong pag-usapan nila.
“S-Sandali lang,” sabi niya. “Ipagtitimpla kita ng kape.”
Hindi pa siya handa sa anumang dapat nilang pag-usapan. Kailangan niyang paghandaan anumang topic ang maari nitong buksan. At kung makakasakit sa kanya ang resulta ng pag-uusap, dapat na rin siyang maghanda.
Pinigil nito ang kamay niya at pinaupo sa tabi nito. “Hindi ko kailangan ng kape. Mas kailangan kitang makausap.”
Ginagap nito ang kamay niya. She found out that like her, he was trembling too. Ano ang ikinatatakot nito?
“Ano ang gusto mong pag-usapan? Kung tungkol sa pagpapanggap natin, tapos na iyon. Hindi kita hahabulin kaya wala kang dapat ipag-alala,” matigas niyang sabi. Mas magiging masakit kung dito pa niya maririnig iyon kaya inunahan na niya.
Lumungkot ang anyo nito. “Gusto mo nang tapusin. Ayaw mo nang dugtungan?”