Gusto nang maka-graduate bilang miyembro ng Asosasyon ng Matatandang Dalaga ng St. Jerome si Alarice. Sawang-sawa na siya sa pangangantiyaw ng mortal niyang kaaway na si Linux. Nag-offer pa ito na papatulan siya para naman daw maranasan niyang magka-boyfriend.
Then she decided that she must change to get the man she wanted. Subalit isang tao lang ang makakatulong sa kanya kung gusto niyang makuha ang lalaking pinapantasya niya. It was the master of seduction himself-Linux.
Nakangiting pinagmasdan ni Alarice ang batang kalong-kalong. Kasisilang pa lang ni Katherine sa mundo ngunit kaya na nitong palambutin ang puso.
“She’s so pretty,” usal niya. Naramdaman niya ang bahagyang pamamasa ng kanyang mata. Natawa siya nang maghikab ito at muling bumalik sa pagkakahimbing.
“Sa akin niya nakuha ang ilong. Napuna mo ba?” pagmamalaki ni Alfred.
She looked at him softly then to the baby. Kamukha nga ito ng ina maliban sa ilong na namana kay Alfred. At alam niyang lalaki itong isang magandang bata.
Parang may malaking kamay na dumaklot sa puso niya nang ngumiti si Katherine. “You could have been my baby,” bulong niya sa bata.
Pangarap niyang magkaroon ng asawa at anak. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin niya nakikita ang liwanag sa pangarap na iyon. Ang sanggol na ito ang nagpapaalala sa kanya na nawawalan na siya ng oras sa pangarap niya. Twenty-eight na siya ngunit wala pa rin siyang nagiging boyfriend.
“Kung sinagot mo sana ako noon, sana ay marami ka nang ganyan ngayon,” kantiyaw ni Alfred.
“Apeng,” nanghihinang sabi ni Nancy sa tonong nananaway, asawa ni Alfred at ina ni Katherine. “Kapapanganak ko pa lang pero nagpi-flirt ka na agad. Sa mismong harap ko pa. Mahiya ka naman.”
“Dear, nagbibiro lang ako,” pang-aamo ni Alfred.
“Ganyan ang mga lalaki, Arice. Binigyan mo na’t lahat ng anak, sinira na ang figure mo pero nagagawa pa ring tumingin sa ibang mas sexy. How I wish bumalik agad sa ganyan ang katawan ko. Hindi itong mukha akong bariles. At nang hindi na tingin nang tingin sa iba ang damuhong asawa ko.”
Tumawa siya. “Nancy, I’d trade my figure basta magkaroon lang ako ng baby. Gusto ko nang magkaroon ng anak. Kahit magmukha pa akong bariles.”
“Kailan ka ba mag-aasawa?” tanong ni Nancy.
Nawala ang ngiti niya sa labi. “H-Hindi ko alam.” Kung manliligaw nga ay wala siya, paano pa siya makakapag-asawa.
“Mahirap iyan,” napapailing na sabi ni Alfred. “Sa klase natin, lima na lang kayong babae na walang asawa. Umalis ka na sa Asosasyon ng Matatandang Dalaga.”
Noong high school siya, marami siyang manliligaw. Lahat ng matalino, guwapo at may mataas na estado sa lipunan ay nakapagluhog ng pag-ibig sa kanya. Ngunit lagi niyang sinasabi sa mga ito na mas gusto muna niyang mag-aral at magkaroon ng magandang career. Nangako naman ang mga ito na maghihintay.
Lumakad ang panahon. Ngayon ay CEO na siya ng Fun Factory, isa sa mga leading toy manufacturers sa bansa. Siya rin ang namamahala sa pagdi-disenyo sa ibang mga laruan. She’s very successful. Kulang na lang ang asawa at anak at kumpleto na ang buhay niya.
Nang ma-realize niya ang kulang sa buhay niya, saka niya nalaman na wala nang naghihintay sa kanya. Lahat ng mga manliligaw niya ay nagsipag-asawa na. Pati si Alfred na pinakamatiyaga sa lahat. Ngunit nawala rin ito sa kanya.
“Kailan ba ang first birthday ng anak ni Gay?” tukoy ni Nancy sa anak ng bestfriend niya. “Gusto ko sanang pumunta para makapag-party si Kath.”
“Pero kapapanganak mo pa lang,” aniya. “Three weeks from now lang ang party. Baka mabinat ka kapag pumunta ka.”
Hinawakan nito ang kamay ni Nancy. “Oo nga, mahal. Ako na lang pupunta sa party.” Bumaling ito sa kanya at kumindat. “Marami bang magagandang girls doon?”
Kinurot ni Nancy si Alfred. “Hindi ka mag-isang pupunta doon. Sasama ako.”
“Mahal, huwag mo akong kurutin,” sabi ni Alfred. “Baka mabinat ka.”
“Ikaw ang bibinatin ko oras na mahuli kitang nakatingin sa ibang babae. At titiyakin ko na outside the kulambo ka hangga’t di ka nagtitino.”
“Pasensiya ka na kung ganito kami kakulit,” sabi ni Alfred. “Ganito lang kami maglambingan. Kaya nga nabuo si Katherine.”
“Masarap mag-asawa, Arice,” sabi ni Nancy na sa kabila ng hirap sa panganganak ay bakas ang saya sa mga mata. May kakaibang ningning sa mga mata nito at iyon ang wala sa kanya. Nakikita niyang masaya ito sa piling ni Alfred. “Mahirap, maraming problema pero kapag naayos ninyo, mas titibay ang samahan ninyo. Hindi katulad iyong mag-isa lang sa buhay. Just a piece of advice. Grab the first gorgeous bachelor na makikita mo sa party. Don’t miss the chance. You already missed much.”
“GAY, matandang dalaga na ako,” bulalas ni Alarice habang minamasdan ang sarili sa salamin. Nasa nursery room siya ng kanyang inaanak na nilalaro naman nila ni Gay. Malapit na itong mag-isang taong gulang kaya may kalikutan na rin. Nasa rubber mat ang bata at pinaglalaruan ang mga laruang pasalubong niya.
Tumayo si Gay sa likuran niya at tiningnan ang kanyang repleksiyon sa salamin. “Not really,” balewalang sagot nito.
“What do you mean not really? Kailangan mo pa bang hintayin na maging trenta ako bago sabihing matandang dalaga ako?”
Hinawakan nito ang baba niya at ipinaling-paling na parang tinitingnan ang lahat ng anggulo. “You barely look twenty two. Baby face ka kasi. Pero aminin na natin. You are twenty-eight and your biological clock is ticking. Parang time bomb iyan. Kapag hindi mo agad naremedyuhan, sasabog ka na lang. At kailangan mong tanggapin na matandang dalaga ka na nga.”
Nasapo niya ang pisngi. “Oh, no! Hindi ko mate-take iyon.”
“Kahit ako hindi makapaniwala na mas mauuna pa akong mag-asawa sa iyo. Samantalang lumba-lumba ako noong high school tayo. Ni walang pumapansin sa akin. Ikaw naman ay beauty queen at honor student. Hinahabol ng mga lalaki. Ang babaeng hindi maubusan ng rose sa desk. Inggit na inggit ako sa iyo noon. Akala ko hindi na ako papayat at makakapag-asawa. Hindi ba’t nagpa-member na nga ako sa Asosasyon ng Matatandang Dalaga sa room natin. Kaso dumating si Harry. He’s really a prince charming. Iniligtas niya ako sa pagiging matandang dalaga.”
Naiinggit siya dito. Siya na maraming manliligaw noon ay siyang walang boyfriend hanggang ngayon. Member na siya ng Asosasyon ng Matatandang Dalaga ng St. Jerome High School. Hindi ito ang pangarap niya.
Tinalikuran niya ang salamin at tinungo ang bintana. “Ayokong tumandang dalaga, Gay. Gusto kong mag-asawa at magkaanak. Pero lahat ng manliligaw ko sa batch natin nagsipag-asawa na. Kahapon lang dinalaw ko sina Nancy at Alfred. Naisip ko tuloy na sana anak ko na iyon.”