“Nasa huli ang pagsisisi. Ikaw kasi. Sinabihan na kita noon na dapat mag-boyfriend ka na. Ang sagot mo sa akin makakapaghintay naman sila. Nainip tuloy. Hindi ka naman nila mahihintay habambuhay.”
“Malay ko ba.” Masyado siyang umasa na makakapaghintay ang totoong pag-ibig. Pero napapagod din pala ang puso. Kaya siya ang naiwang luhaan ngayon.
“Masyado ka ring mapili. Sabi nila, ang taong mapili nauuwi sa bungi.”
“Kahit nga bungi, walang natira sa akin.”
Asawa at anak na lang ang kulang sa buhay niya. Ayaw niyang tumandang mag-isa. Hindi siya papayag na masira ang pangarap niya.
Niyakap siya nito. “Sa palagay mo ba hahayaan kitang mauwi sa bungi o kaya ay tuluyang tumandang dalaga? We’ll hunt for the man of your dreams. Hindi ako papayag na matapos ang birthday ng inaanak mo nang hindi mo natatagpuan si Mr. Right.”
GIGIL na isinalpak ni Alarice ang chicken barbeque sa plato. Planong niyang kainin ang bawat putahe sa buffet table. Wala siyang pakialam masira man ang diet niya ngayong gabi. Ang mahalaga ay mawala ang inis niya.
Kanina pa siya sa birthday party ng inaanak niya kay Gay. Marami na itong binatang naipakilala sa kanya ngunit puro mga palpak. May gusto nang mag-asawa dahil gustong magkaanak. Mayroon namang nagkakandarapang manligaw sa kanya dahil nalaman na may matatag siyang pangalan sa mundo ng negosyo.
Wala sa mga ito ang tipo ng lalaking mamahalin niya at makakasama habambuhay. Gusto niyang magustuhan siya ng mga ito bilang babae at hindi sa anupamang rason. Mukha hindi ito ang gabi para makilala niya ang lalaki para sa kanya.
Dumako ang tingin niya sa nag-iisang piraso ng lumpiang sariwa. Iyon ang kanyang paborito. Sa kapapakilala sa kanya sa mga lalaking iyon ay nawalan siya ng oras na kumain. Excited na si Gay na magka-boyfriend siya kaya mukhang nakalimutan na nito na pakainin siya. Muntik pa siyang maubusan ng lumpia.
Akmang dadamputin niya iyon nang may maunang kumuha ng tongs at kinuha ang lumpia. “Akin iyan!” maagap niyang sabi.
Nabitin sa ere ang lumpia na dapat ay ilalagay na ng lalaki sa plato nito. Ngumiti ito nang makita siya. “Hi, Arice! Sa iyo ba ito?”
Napilitan siyang tumango kasabay ng lalong pagkalukot ng kanyang mukha. Nasa harap niya ngayon ang lalaking kinasusuklaman. Si Linux Remus.
Kaklase niya ito noong high school. Ito ang pinakaguwapo sa batch nila. Ito lang din ang lalaki sa klase nila na hindi nanligaw sa kanya. Wala itong ginawa kundi inisin siya nang inisin. Kaya hindi sila magkakasundo nito kahit kailan. He made her feel unworthy. Kaya madalas silang magkakompitensiya sa maraming bagay para alisin ang pakiramdam na iyon.
Katulad na lang sa lumpiang hawak nito. Kung sa iba napunta ang lumpia na iyon, baka hayaan na lang niya. Pero hindi siya papayag na dito mismo mapunta ang nag-iisang lumpia. Hindi siya magpapatalo.
“Akin nga iyan,” sabi niya. “Kung gusto mo ipagpapakuha na lang kita ng iba kay Gay basta ibigay mo na sa akin iyan.”
Sa halip na pagbigyan siya ay ibiniling-biling lang nito ang lumpia. “Wala namang pangalan na nakasulat na sa iyo itong lumpia. Kung gusto mo, ako na lang ang magpapakuha kay Gay ng lumpia para sa iyo. Akin na lang ito.”
“Ayoko! Iyan ang gusto ko!” giit niya.
Tumawa ito at inilapag sa plato niya ang lumpia. “Okay. Hindi mo na ako kailangang sungitan. Dahil lang sa lumpia aawayin mo ako. You could at least ask nicely. Sana sinamahan mo na rin ng ngiti para mas matuwa naman ako sa iyo. Huwag kang sisimangot. Kaya walang lalaking lumalapit sa iyo dahil napakasungit mo.”
Humigpit ang hawak niya sa plato. “Ulitin mo nga ang sinabi mo.”
Hindi porke’t ibinigay nito sa kanya ang lumpia ay may karapatan na itong lait-laitin ang pagkatao niya.
Luminga ito sa likuran niya. “See? Hanggang ngayon ay wala ka pa ring boyfriend. Wala ka rin yatang nagustuhan sa mga ipinakilala sa iyo ni Gay.”
“Sino naman ang nagsabi sa iyo na wala akong nagustuhan sa kanila?”
“Dahil isang mulagat lang ng mata mo, magtatakbuhan na sila palayo. Paano sila mae-encourage na manligaw sa iyo? Sabagay, wala naman sa mga lampang tulad nila ang dapat sa iyo. You should pick out someone who can stand by your female arrogance. Someone who got backbone.”
Umangat ang antena niya at sumulyap dito. May katwiran ito. Alam nito kung ano ang gusto niya sa isang lalaki. Mukhang sa kauna-unahang pagkakataon ay magkakasundo sila.
“Ano ang gusto mong palabasin, Linux?”
He gave out a flirtatious smile na nakapanggguyuma sa maraming babae. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na nginitian siya nito nang ganoon.
“I’m still available, Arice,” he said in an equally seductive voice.
Muntik na niyang maibagsak ang pinggang hawak. Akala niya ay may maganda itong suhestiyon para mailigtas siya sa pagiging old maid. Iyon pala ay gusto lang nitong magkasala siya.
Ito ang lalaki na hindi kilala ang salitang kasal. Wala rin itong sineseryosong babae. Isang buwan lang ang taning ng babae dito. Mas masaklap ang magiging kapalaran niya kapag offer nito ang tinanggap niya. Magiging sawing matandang dalaga siya kapag nagpabiktima siya dito.
“Lagi ka namang available,” walang buhay niyang sabi at itinuon na lang ang atensiyon sa pagkuha ng pagkain.
“Pero ngayon ko lang in-offer ang sarili ko sa iyo.”
Ngumiti siya nang maasim. “And what pushed you to come up with such a generous offer?”
“I just thought that you are in a critical condition.”
“Critical condition?”
“You are twenty eight pero wala ka pa ring nagiging boyfriend. Pwede ko munang ipagpaliban ang paghahanap ng bagong girlfriend para naman mai-offer ko ang services ko sa iyo. Don’t worry, it’s for free.”