Asociacion de las Solteras Series Chapter 40

Napatingala siya at napapikit ng mariin. Diyos ko, ilayo po ninyo ako sa kasamaan. Itaboy po ninyo ang lalaking ito. Ayoko pong makapatay.

“Napag-isipan mo na ba?” bulong nito sa kanya.

Dali-dali siyang humakbang palayo. Ni hindi niya napuna na napakalapit ng katawan nito sa kanya. “Huwag ka ngang didikit sa akin,” asik niya. “Wala akong planong tanggapin ang offer mo. Salamat na lang. Kung kukuha man ako ng boyfriend, hindi ikaw ang kukunin ko. Wala akong planong makipaglaro. I want someone who can commit his self to me. Iyong pakakasalan ako.”

Nagkibit-balikat ito. “But that’s all I can offer. Hindi man siguro ako makakapag-offer ng kasal, hindi mo naman ako makakalimutan pagkatapos ng isang buwan.”

Awtomatikong pumasok sa isip niya ang isang X-rated na eksena. Naked bodies hot and sweaty, all tangled up together. Silang dalawa ang nasa eksenang iyon.

Naipilig niya ang ulo. Alam niyang iyon ang ginagawa nito sa mga nagiging girlfriend nito. Sa tanda niyang ito, alam niyang iyon din ang gusto nitong ipahiwatig. She felt hot all over. Ni minsan ay hindi iyon pumasok sa utak niya. Ngayon lang.

“Hmmm… something erotic on your mind?”

Nagising siya sa tanong nito. Paano nitong nalaman ang iniisip niya?

Iniiwas niya ang mga mata dito. “Wala kang pakialam anuman ang iniisip ko.”

She wished he’d go away. May kakayahan itong pasukan nang kung anu-ano ang utak niya. At the same time, nagagawa rin nitong basahin ang kanyang iniisip. Nagsimula siyang mainis. Hindi lang dito kundi maging sa sarili niya. Hindi niya nakokontrol ang sarili kapag nasa harap niya ito.

“Pero tama ako, hindi ba? Iyon ang iniisip mo. The prim and proper Alarice Lopez, having erotic thoughts in the middle of a children’s party.”

“Shut up, Linux! If you planned to ruin my day, well you succeeded. Kaya utang na loob, umalis ka na sa harap ko.”

Nawala ang pang-iinis sa anyo nito. “Wala akong planong sirain ang araw mo. I only came here to make you happy. You know my number. Call me if you change your mind.” Kumindat ito. “See you around, Arice.”

Parang kutsilyo ang mga mata niya na nakatarak sa likod nito habang palayo ito. “Nag-aambisyon kang tatawagan kita,” inis na usal niya. “Maghintay ka sa wala.”

Padabog niyang ibinaba sa mesa ang plato. Inokupa niya ang bakanteng mesa na malayo sa karamihan ng tao. Gusto niya ng katahimikan habang kumakain. Nag-iinit pa rin ang bumbunan niya hanggang ngayon.

Inuna niyang kainin ang lumpiang sariwa na nakalimutan niyang lagyan ng sauce sa inis. Matalim pa rin ang tingin niya dito na masayang nakikipag-usap sa isang babae. Marahil ay bagong biktima. Hindi niya alam bakit tuwang-tuwang magpakatanga ang mga babae sa manlolokong tulad nito.

“Arice, ano ang pinag-usapan ninyo ni Linux?” usisa ni Gay na inokupa ang bakanteng upuan sa tapat niya.

“Nothing important. Sinira lang niya ang araw ko,” walang buhay niyang sagot.

“Ano ngang nothing important ang sinabi niya sa iyo na ikinasira ng araw mo?”

Nakakunot ang noo na itinutok niya ang pansin sa chicken barbeque at gigil na hiniwa iyon ng table knife. “Tinanong niya ako kung gusto ko siyang maging boyfriend.”

Nanlaki ang mga mata nito. “Of course, hindi mo tinanggap. Gaga! Dapat tinanggap mo. Kung ako ang tinanong niya at dalaga pa ako, oo agad ang sagot ko.”

Isinubo niya ang nahiwang piraso ng manok. “I don’t like him.”

“See? Napakapili mo talaga. Ayaw mo na nga sa mga ipinakilala ko sa iyo, ayaw mo pa rin kay Linux. Sino ba ang gusto mo?”

Parang nangangarap siyang tumingin nang lagpas-lagpasan dito. “I want a man who can catch my attention in an instant. Iyong makaka-level ko ng utak at alam kong hindi ako mabo-bore sa kanya. Siyempre, gusto ko rin ng guy na mamahalin ako.”

“Why not Linux? He’s good looking, intelligent at hindi nakaka-bore kausap. May sarili rin siyang kompanya and he’s the last bachelor in our class. Baka siya na ang lalaking hinihintay mo.”

“No, he’s not. I don’t like him. Sinira niya ang araw ko. Ipinamukha niya sa akin na matandang dalaga na ako. At parang utang na loob ko pa sa kanya dahil nag-offer siya sa akin na maging boyfriend ko. Pwede ba? Hindi pa ako ganoon ka-desperada para patulan siya.”

“Nagbibiro lang iyon, napikon ka naman agad. Alam mo namang mahilig siyang mangantiyaw,” depensa nito.

“Basta, kapag ininis pa ulit ako ng kumag na iyon, ipapalaklak ko sa kanya itong hot sauce,” aniya at itinataktak ang hot sauce sa chicken barbeque. Tingnan lang niya kung magawa pa nitong inisin siya kapag tinaktakan niya ng hot sauce ang lalamunan nito. Marahil ay magtatanda na ito.

“Uuuy, diyan nagsimula ang lolo at lola ko,” tukso ni Gay.

“Hindi katulad ng lolo mo si Linux. Pinakasalan niya ang lola mo. Samantalang si Linux, allergic sa salitang kasal.”

Baka nga tubuan pa ito ng rashes sa buong katawan kapag sinabi pa lang ng babae ang salitang kasal. Marahil ay mas gugustuhin nitong mamundok na lang at mamuhay kasama ang mga hayop katulad ni Tarzan kaysa ang magpakasal.

“Paano kung naging seryoso siya sa iyo at gusto ka nga niyang pakasalan?”

Natigilan siya at napatitig sa nakatalikod na porma ni Linux sa di kalayuan. Marahil ay naramdaman nitong may nakatingin dito at lumingon sa direksiyon niya. Mabilis niyang iniwas ang tingin. Baka isipin pa nito ay pinagnanasaan niya ito.

“O, bakit hindi ka makasagot?” sabi ni Gay.

Muli siyang sumimangot. “Asikasuhin mo na lang ang mga bisita mo at pabayaan mo na ang lovelife ko. Basta huwag mo akong itutukso sa Linux na iyon.”

Tumayo ito at tinapik siya sa balikat. “Payong kaibigan lang, Arice. Mas mabuti na kay Linux kaysa mauwi ka sa bungi.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.