Ayaw niya sa tahimik. Nakakapag-isip lang siya. Paulit-ulit na umaalingawngaw sa isipan niya ang sinabi ng kanyang Papa. Hindi siya mahal nito. Hindi rin siya mahal ng kanyang Mama. Walang inisip ang mga ito kundi ang pansariling interes. Sa kanyang pag-iisa, nobody was there to comfort her.
Nayakap niya ang sarili. Papadilim na at hindi niya alam kung saan siya pupunta. Gusto niyang pumunta sa isang lugar kung saan hindi na niya kailangan pang mag-isip. Para kalimutan ang lahat ng kanyang problema.
Habang naglalakad ay narinig niya ang papalakas na dagundong ng tugtog. Tinunton niya ang pinanggagalingan ng ingay hanggang natagpuan niya ang sarili na nakatayo sa harap ng isang malaking gate. Nakabukas iyon at sa loob ay may mga kabataang nagsasaya. Ang bahay ni Conrad.
Isa sa mga kabarkada ni Conrad na may suot pang party hat at may hawak na bote ng beer ang nakakita sa kanya. Lumabas ito ng gate at nilapitan siya. “Brazile, anong ginagawa mo dito?”
Pinahid niya ang bakas ng luha sa mga mata at ngumiti. “I came here to party.”
“UMINOM ka pa, Brazile,” sabi ni Conrad habang muling pinupuno ng alak ang walang laman na niyang baso. “Gusto kong mag-enjoy ka ngayong gabing ito.”
Maingay ang musika. Nangingibabaw ang tunog ng bass kaalinsabay ng mga lyrics na kanta na hindi niya maintindihan. Madilim sa paligid at may malamlam lang munting ilaw ang tumatanglaw sa kanila. Parang nagmistulang isang nightclub ang eleganteng sala ng mga Arnaldo.
Punung-puno ang lugar ng mga kaedad niya. Karamihan ay mga iniiwasang estudyante sa St. Jerome at notorious na estudyante ng iba pang eskwelahan dahil masasamang impluwensiya. Pero wala siyang pakialam. Sa gabing iyon ay magsasaya siya. Kalilimutan niyang malungkot siya.
Hindi niya matanggihan ang baso ng alak na nasa harap niya. Hindi siya marunong uminom ng alak. Nang unang ialok iyon ni Conrad sa kanya kanina ay nasamid siya. Subalit nang magtagal ay nasanay na rin siya. Masarap pala ang epekto ng alak sa katawan. Nakakapagpamanhid ng utak.
Tinungga niya ang baso ng alak habang naririnig ang kantiyawan at palakpakan sa paligid. Hindi niya alintanang amoy sigarilyo at marijuana ang mga katabi. Kanya-kanya lang silang paraan ng pag-e-enjoy sa gabing iyon.
“Ubos na,” sabi niya sa gamol na boses. “Gusto ko pa.”
Itinaktak ni Conrad ang bote ng cognac. “Pero wala na tayong matatagay dito.”
Sa nanlalambot na tuhod ay pilit siyang tumayo. “Kung ganoon, uuwi na lang ako. Wala na pala kayong alak dito, eh. Doon na lang ako sa bahay namin. Marami pang stock ng alak sa bar ni Mama.”
“Huwag muna,” angalan ng mga kaibigan ni Conrad na nasa paligid ng mesa. “Dito ka muna!”
Pilit niyang itinuon ang mata sa mga ito subalit nanlalabo na iyon. Ipinilig niya ang ulo at sinapo ang noo. “Lasing na yata ako,” sabi niya. “Pero gusto ko pang uminom. At wala na kayong alak dito. Sige, bye!” aniya at kumaway.
Hinila siya ni Conrad paupo at inakbayan. Idinikit nito ang labi sa tainga niya. “Hindi pa ubos ang maiinom dito. Ako pa! Pero kailangan nating kunin sa taas dahil naroon ang stocks ni Papa. Halika.”
Pumiksi siya at inalis ang kamay nitong nakapatong sa balikat niya. Ayaw niya ng may kadikit dahil naiinitan siya. Gusto niyang maghubad para mapreskuhan siya.
“Ikaw na lang ang kumuha. Hihintayin kita dito,” sabi niya at isinubsob ang mukha sa lamesa. “Bilisan mo!”
“Under ka pala, Conrad!” anang boses ng isang lalaki.
“Oo nga,” sang-ayon ng isang babae. “Inuutus-utusan ka lang. Wala ka pala. Talo ka na, Conrad.”
“Hindi pa ako talo!” bulyaw ni Conrad sa mga ito. “Hindi ako magiging si King Conrad kung magpapatalo lang ako. Ako pa!”
“Anong talo?” tanong niya at pilit inangat ang paningin.
“Wala,” maagap na sabi ni Conrad. “Sumama ka sa akin sa taas. Makakapamili ka ng alak na gusto mo. Kahit ilan.”
Muling nabuhay ang dugo niya nang marinig ang salitang alak. Kailangan niyang uminom para makalimutan ang paghihiwalay ng mga magulang niya. Para hindi na niya maisip na may iba nang mahal ang kanyang Papa. Isang anak na lalaki na mas pinili nito kaysa sa kanya.
Ngumiti siya kay Conrad sa namumungay na mga mata. “Sige, sasama ako.”
Bigla siyang tumayo subalit biglang umikot ang kanyang paligid. Mabilis siyang humawak sa mesa para hindi matumba.
Inalalayan siya ni Conrad kasabay ng mga tawanan at kantiyawan ng mga kasamahan nito. “Kaya mo pa ba?” tanong nito.
Sumandig siya sa katawan nito at itinaas ang isang kamay. “Kaya ko pa! Hindi pa ako lasing!” sigaw niya.
Subalit mabuway na ang lakad niya habang umaakyat ng hagdan. Mahigpit ang hawak niya sa balustre dahil pakiramdam niya anumang oras ay maari siyang mahulog.
“Malayo pa ba?” tanong niya dahil pakiramdam niya ay napakalayo ng kanilang nilalakad. Parang walang katapusan.
“Malapit na. Huwag kang mainip,” bulong nito.
Alak. Gusto niyang muling masayaran ang kanyang lalamunan ng alak. Kakaibang kalayaan ang ibinibigay niyon sa kanya. Parang nagagawa niya ang lahat ng gusto nang walang nagbabawal. Masusunod niya anumang naisin niya. Kapag may alak, walang sinuman ang maaring makapanakit pa sa kanya.