Kanina pa nakukulili si Alarice sa pinagkukwentuhan ng mga kaibigan. Nakapaikot sila sa mesa at pinagtitiisang pakinggan ang mga ito. Pawang may asawa ang mga ito at lima lang silang dalaga. Kaya puro lambingan ang paksa ng mga ito.
Tahimik niyang sinimsim ang brandy para mai-divert ang atensiyon. Kanina pa nag-iinit ang kanyang pisngi at nagtatayuan ang mga balahibo niya. Pilit sumasagi sa isip niya ang imahe nila ni Linux sa isang rated-X na eksena.
Gigil niyang ibinagsak ang baso at lumikha ito ng ingay na ikinatigil ng lahat. “Pwede ba, iba na lang ang pag-usapan natin?”
Dahil sa pinag-uusapan ng mga ito, kung anu-ano ang naiisip niya. Hindi siya dating malisyosa kapag iyon ang pinag-uusapan ng mga ito. Hindi rin umaatake ang imahinasyon niya tulad ngayon. Hindi niya alam ang problema niya.
“Oo nga pala, may mga dalaga tayo dito. Di maka-relate sa usapan natin dahil puro mga virgin,” kantiyaw ni Gay na kanina pa dumadaldal. “Sige, kayo naman ang pag-usapan natin. Bakit ayaw pa ninyong mag-asawa, mga matatandang dalaga?”
“Oh, please, don’t call me that,” sabi ni Pepper na nagtakip pa ng tainga. Isa itong glass sculptor. “I’m not destined to be an old maid. Babalik na si Perry from States at pakakasalan na niya ako.”
“Ako rin,” sabi niya. “Magpapakasal na ako kapag natagpuan ko si Mr. Right. Wala kong planong tumandang mag-isa sa mundo.”
“Sa akin, pwede na ang anak,” sagot ni Cyrene, ang pinaka-henyo sa kanila.
“Hindi ko kailangan ng lalaki,” anang si Brazile na isang photographer. Ito ang mukhang hindi tatablan ng karisma ng sinumang lalaki.
“Ako, natatakot mag-asawa,” sabi ni Meredith na editor ng isang bridal magazine. “Baka mamaya ano pang kamalasan ang danasin ko.”
“Ano ba naman iyang mga katwiran ninyo? Wala namang dapat ikatakot sa pag-aasawa. Sa una lang nakakatakot iyan,” sabi ni Nancy na naka-recover na mula sa panganganak. “Ako nga ayoko rin noong una. Pero pagkatapos ng first night, hindi na.”
Umugong muli ang tawanan. Sabi na niya’t doon muli babalik ang usapan.
“Maglaro na lang tayo para mas masaya,” sabi niya. Kung magku-kwentuhan sila, sa rated-X din ang bagsak ng topic.
“Scrabble,” suhestiyon ni Cyrene.
“Miss Genius, boring iyan,” kontra ni Pepper. “I want to have some fun. Spin the bottle na lang. Tapos truth or dare.”
Umiling si Brazile. “Walang thrill. Bakit hindi na lang natin I-exercise ang ating matagal na nakalimutang talento. Nami-miss ko nang mag-pekwa. Gusto ninyo?”
“Oo, nami-miss na namin iyan,” sang-ayon ni Gay.
Madalas nila iyong laruin noong high school sila kahit bawal magdala ng baraha sa school. Patago silang naglalaro at sa kabutihang-palad, ni minsan ay hindi sila nahuli ng teacher. Magaling silang magtago.
“Gay, kumuha ka na ng baraha,” utos ni Meredith.
“Kayo na lang ang maglaro. Wala ako sa mood magbaraha,” sabi niya. Pagdating sa baraha ay wala siyang swerte. Matatalo lang siya.
“Bawal ang killjoy dito,” sabi ni Brazile. “Tatandang dalaga ka lalo kapag hindi ka sumali sa amin.”
Napakatok siya sa mesa. “Wala namang ganyan. Sasali na nga ako.”
Nang buksan niya ang baraha niya ay gusto niyang maiyak sa inis. May dalawang king at alas sa baraha niya. Pwede pa sana siyang manalo ngunit mas magaling maglaro ang mga ito. Nagawang ipitin ang baraha niya kaya natalo siya.
“Truth or dare?” tanong ni Meredith na kakambal ni Gay pagdating sa galing sa pang-iintriga.
“Truth,” walang buhay niyang sagot.
Mas makakaya niya ang truth dahil walang makakalkal ang mga ito sa buhay niya. Kundi man, madali na siyang makakalusot.
“Ako na ang magtatanong,” nakangiting sabi ni Gay. Mukhang may kakaibang tumatakbo sa utak nito. “Ano ang pinag-usapan ninyo ni Linux kanina?”
Drat! Sinasabi na niya’t may may kalokohan itong naisip. Kinakalimutan na nga niya si Linux, ipinaalala pa sa kanya.
“Iba na lang ang itanong mo.”
“Ay, di pwede,” sabi ni Pepper. “Interesado kami. Ang huling bachelor at ang member ng asosasyon natin na mortal na magkaaway. Ano kaya ang pinag-usapan? I smell romance.”
“I smell blood,” sabi naman niya. Huminga siya ng malalim. Hindi siya titigilan ng mga ito hangga’t di niya sinasabi ang totoo. “He offered his self to be my boyfriend. Masaya na kayo?”
Sa pagtataka niya ay wala nang nagtanong pa sa mga ito. Ang inaasahan niya ay mag-uusisa pa ang mga ito. Sa halip ay muling binalasa ni Brazile ang baraha. Pero hindi siya kampante. Mas kakaiba ang iniisip ng mga ito kapag tahimik.
Napangiti siya nang mabistahan ang baraha. Mas maganda na ito at maaring sa alas na diamond lang siya sumabit. Pero madali nang idispatsa iyon. Kung alam lang niya ang tamang paglalaro.
“Hoy, nasaan na ang five na diamond?” sabi niya. “Ilabas na ninyo.”
Napapalatak si Cyrene. “Lalo kang matatalo sa ginagawa mo.”
Sa halip na makalusot, lalo siyang naipit. Alam na ng mga ito na nasa kanya ang alas na diamond kaya sa huli ay natalo rin siya.
Inis niyang ibinagsak ang alas na diamond. “Dinadaya ninyo ako.”
“Bawal ang pikon dito,” paalala ni Meredith. “Truth or dare?”
“Dare!” sabi niya. At least hindi na siya mauusisa ng mga ito tungkol kay Linux.
Nakahinga siya nang maluwag nang hindi na si Gay ang nagbigay ng dare. “Ako naman,” sabi ni Pepper. “Pumunta ka kay Linux at sabihin mo na tinatanggap mo ang offer niyang maging boyfriend mo.”
Nanlaki ang mga mata niya. “What?” bulalas niya. Pakiramdam niya ay naubos ang dugo niya sa utak at wala nang dumadaloy na oxygen sa kanyang baga. “Hindi ko gusto ang ganitong klaseng joke, pwede? Nasisiraan ka na ba? Paano ko sasagutin ang isang lalaki na hindi naman seryosong nanliligaw sa akin.”
“Sobra naman iyan,” sang-ayon ni Cyrene.
“An offer is an offer,” sabi ni Pepper. “Walang masama kung tatanggapin mo.”
“And a dare is a dare, kahit ano pa ang gawin mong pagkontra” sabi ni Brazile. “Hindi ka naman siguro naduduwag kay Linux, Arice. This may not be your idea of fun pero dito rin masusukat ang tapang mo. Pero kung uurong ka, maniniwala na kami na takot ka kay Linux.”
“Paano natin malalaman na sinagot nga niya si Linux?” tanong ni Meredith.
“Malalaman natin iyon sa reaksiyon ni Linux,” paliwanag ni Cyrene. “Kung hindi pa rin kayo kumbinsido, pwede nating tanungin.”
“Hindi na ba magbabago ang isip ninyo?” apela niya.
Inilibot niya ang mata sa mga ito. Lahat ay may paghamon sa mga mata. Tinatantiya kung hanggang saan ang tapang niya. Kahit na si Gay ay hindi siya magawang tulungan. Sa tingin pa nga niya ay nasa panig ito ng mga kasama.
“I guess it is really a dare,” sumusuko niyang sabi. Lakas-loob siyang tumayo at taas-noong nagmartsa patungo sa table nila Linux. Para siyang susugod sa giyera. Matapang siya. Kaya ito ng sikmura niya.
Awtomatikong sumilay ang pilit na ngiti sa labi niya nang tumapat siya sa mesa ng mga ito. Gaya nilang mga babae, they are trying to catch up for the lost time.
“Hi, guys!” bati niya. “Pwede bang mahiram si Linux kahit sandali.”
Nagulat ang lahat. Alam ng mga ito na may resentment pa rin siya kay Linux at hindi niya ito basta-basta kinakausap kung di lang din importante.
“He’s all yours, Arice,” sabi ni Harry na asawa ni Gay kahit na nagtataka ito.
“Doon tayo sa bandang dulo,” pormal niyang sabi kay Linux. “Ayoko nang may iistorbo sa atin.”
Walang tanong itong sumunod sa kanya kahit na naiintriga din ito sa sasabihin niya. “Ano ang kailangan mo sa akin?”