Asociacion de las Solteras Series Chapter 42

Pilit niyang sinalubong ang nagtatanong nitong mata. Matapang siya. Kaya niya ito. After all, it was only for fun. Kahit pakiramdam niya ay kaharap niya si kamatayan.

Huminga siya nang malalim. “Naalala mo iyong offer mo sa akin kanina na maging boyfriend ko?” Binasa niya ang labi. “Tinatanggap ko na iyon."

Nagliwanag ang mukha nito. “You won’t regret it, Arice.”

Hindi pa niya naidudugtong na nagbibiro at nagkakatuwaan lang sila nang sa isang iglap ay inangkin na nito ang kanyang labi.

LINUX’S lips touched hers and Alarice was lost. At kung aanalisahin niya, he was French kissing her. Napadilat siya. He was kissing her and yet she wasn’t resisting. Anong klaseng babae siya na pumayag magpahalik sa lalaking hindi niya gusto.

Itinulak niya ito palayo. Kasabay ang pag-angat ng kamay niya at lumagapak ang palad niya sa pisngi nito. Pareho silang natigilan. Hindi rin niya inasahang masasampal ito. Naguguluhan siyang napatingin sa palad.

Sinapo nito ang nasaktang pisngi. “Bakit mo ako sinampal? Hindi mo ba nagustuhan ang halik ko?”

“Nagtanong ka pa!” nanggigigil niyang sabi. Nagpupuyos siyang bumalik sa mesa ng mga kaibigang babae at kinuha ang kanyang bag.

“What happened?” nag-aalalang tanong ni Gay. Na-shock din ang mga ito sa ginawa niya. “Bakit mo siya sinampal?”

“Hinalikan na lang niya ako basta. Ni hindi ko pa nasasabi na joke lang iyon. Napaka-ungentleman niya. Ni hindi nagpaalam. Ganoon ba siya sa lahat ng babae?”

“Nagagalit ka dahil hindi siya nagpaalam?” tanong ni Pepper.

Natigilan siya. Wala naman siyang reklamo sa halik nito. That kind of kiss could create fireworks in the sky. Hindi siya nakadama ng iritasyon sa halik. Baka nga nainis lang siya dahil hindi ito nagpaalam.

Pero kung iyon lang ang problema, ibig sabihin ay nag-enjoy siya sa halik nito. Na kung iba lang ang sirkumstansiya, hindi niya ito masasampal.

“Ah, ewan ko sa inyo!” inis niyang sabi. “Basta ayoko nang sumali sa truth or dare na iyan. Puro disgrasya lang ang inaabot ko. Aalis na ako.”

Palabas na siya nang marinig niya ang yabag sa kanyang likuran. “Gay, kung pipigilan mo ako, hindi ako magpapapigil. Utang na loob,” aniya sa pag-aakalang iyon ang kaibigan at balak siyang aluin. “Tama na ang kahihiyan.”

“Ano ang nakakahiya sa pagiging girlfriend ko?” narinig niyang tanong ni Linux. “O hindi mo lang kayang sagutin ang tanong ko kung bakit mo ako sinampal.”

Tumigil siya sa paglalakad at pumihit paharap dito. Hindi niya inaasahang ito ang sumusunod sa kanya. “Nakukuha mo pang magtanong,” asik niya. “At hindi na kita boyfriend. It was all a joke. Katulad mo, isa ka lang din malaking joke. Goodbye!”

Hindi na ito sumunod sa kanya nang sumakay siya sa kotse. Pinaharurot niya ang sasakyan palayo at nakita pa niya itong nakatayo sa labas ng gate. Pinagmamasdan siya.

Naiinis siya dito dahil basta na lang siya nitong hinalikan. Wala sa sariling dinama niya ang kanyang labi. Nararamdaman pa rin niya ang halik nito sa kanya.

Mas naiinis siya sa sarili. Nag-enjoy siya sa halik nito.

“ARICE, galit ka?” nananantiyang tanong Gay nang tumawag ito sa kanya nang gabi ding iyon. Kadarating lang niya sa kanyang condo. Mag-isa lang siyang nakatira doon. Nasa Amerika na ang kanyang magulang kasama ang pamilya ng kanyang kuya.

Ibinagsak niya ang sarili sa sofa. “Gay, kung pwede huwag muna nating pag-usapan. Nandiyan pa ba sila?”

“Oo. Lahat nga sila nag-aalala sa iyo,” anito. “Baka raw kasi ano na ang nangyari sa iyo. Ngayon ka lang kasi nila nakitang medyo bayolente.”

Tumayo siya at nagtungo sa kusina. Mula sa ref ay inilabas niya ang canned carrot juice. Lagi siyang mahinahon at lagi niyang kontrolado ang sarili. Lagi siyang binibiro ng mga ito na baka basta na lang siyang sumabog kapag nagalit.

Kauna-unahang pagkakataong nakapanakit siya ng tao ay nang sampalin niya si Linux kanina. Kapag si Linux ang kanyang kaharap, nawawalan siya ng hinahon at kontrol sa sarili.

“Huwag na kayong mag-alala sa akin. Hindi ko ibinangga ang sarili ko sa poste. Hindi ko ihinulog ang kotse sa bangin. At lalong wala akong nasagaan kahit na pusang gala o asong kalye. Pasensiya na kamo sa ginawa ko. Pakisabi na lang sa kanila,” aniya at ininom ang carrot juice.

“Salamat naman. Akala ko kasi baka ano na ang nangyari sa iyo. Pasensiya ka na rin kung nakatuwaan ka namin. Hindi man lang kita naipagtanggol sa kanila. Sorry talaga, bestfriend.”

“Hmp! Para namang galing sa puso mo iyan. If I know, tuwang-tuwa ka sa idea ni Pepper. Hindi mo ako ipinagtanggol dahil ikaw pa nga mismo ang nagsulsol sa akin kanina na sana sinagot ko na lang si Linux. In the first place, kasalanan mo naman ito. Kung hindi mo ibinulgar sa kanila ang pinag-usapan namin ni Linux, hindi sila mag-uusisa pa. At hindi na maiisip ng lukaret na Pepper na iyon ang dare sa akin.”

“Hindi ako ang nagbulgar. Ikaw ang nagsabi sa kanila.”

Ipinadyak niya ang isang paa. “You forced me to!”

“Alarice Lopez, it was just for fun. Hindi ko naman alam na hahalikan ka ni Linux. Kung tutuusin, mas light iyan sa mga dare na ipinagawa sa mga natalo kanina.”

“Itinuloy pa rin ninyo ang paglalaro?” gulat niyang sabi. Akala niya ay tumigil na ang mga ito pagkaalis niya.

“Of course. Kasama ang mga lalaki. Mas marami mas masaya. At alam mo ba ang nalaman namin tungkol kay Linux?”

“Bye, Gay! Matutulog na ako,” aniya at ini-off ang cordless phone.

Nananadya talaga ito. Alam namang ayaw niyang pag-usapan si Linux, pilit pa ring isinisingit. Napatitig siya sa cordless phone. Ano naman kaya ang nalaman ng mga ito kay Linux? Tungkol kaya sa kanya?

Ibinalik niya ang cordless phone sa lalagyan. “Bakit pa ako nagtatanong? Hindi naman ako interesado anuman ang sinabi niya,” bulong niya sa sarili.

Hindi na rin masama kahit ito pa ang naging first kiss niya. At least hindi siya abnormal. Alam niyang naapektuhan pa rin siya ng halik ng lalaki kahit pa nga galing sa isang kaaway.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.