Asociacion de las Solteras Series Chapter 43

Pinigil ni Alarice ang mapahikab. Inip na inip na siya sa opening ceremony ng business summit na dinaluhan sa PICC. Kasama siya sa top 500 companies ng bansa kaya obligado siyang dumalo. Maraming idi-discuss na bagong strategies sa trading at pagkakataon na rin niyang makakilala ng mga prospective clients. Mabenta sa ibang bansa ang mina-manufacture niyang laruan. Pero kailangan pa niyang mas paunlarin ang koneksiyon dahil sa global competition.

Ayaw niyang um-attend sa boring na opening ceremony at makinig sa mga speech at presentations. Subalit ayaw din niyang palagpasin ang pagkakataon na makita ang businessman na hinahangaan niya. Si Keith Arnaldo, owner ng Twenty Four-Seven. Isang chain ng twenty-four hour stores na nakakalat sa buong bansa.

Crush niya ito noong high school siya. Nasa fourth year ito at freshman pa lang siya. Sikat ito dahil matalino at guwapo. Alam niyang malayo ang mararating nito. Hindi niya masyadong pinansin ang pagkakaroon niya ng crush dito dahil mas importante sa kanyang ang pag-aaral. Akala rin niya ay nakaliimutan na niya ito.

Ngunit nang mabasa niya ang profile nito sa isang business magazine, bumalik muli ang pagkakaroon niya ng crush dito. She was quite impressed dahil nagawa nitong paangatin ang negosyo. Bukod sa nasa early thirties pa lang ito, guwapo rin ito at single. At kung ito ang manliligaw sa kanya, hinding-hindi niya tatanggihan.

Narito na ang lahat ng hinahanap niya sa isang lalaki. At ang pinaka-importante, he’s the marrying type. Bagay na bagay para maging ama ng mga anak niya.

“Bored?” tanong ng kanyang katabi.

Nawala ang antok niya nang makilala ang boses nito. Nang lingunin niya ito ay saka niya nalaman na si Linux ang katabi. Hanggang dito ay nakasunod pa rin ito.

“Ano ang ginagawa mo dito?”

Prenteng-prente ito sa pagkakaupo na parang at home na at home sa kanyang tabi. “Hindi lang ikaw ang kasama sa top five hundred companies.”

Linux Enterprise is a computer system-based company. Ito ang namamahala sa computer systems ng isang kompanya. Mula sa hardware, software pati manpower ay hinahawakan nito. Naglalakihang kompanya ang kliyente nito. Maging ang computer systems nila ay ito ang humahawak.

Ito mismo ang nagtayo ng Linux Enterprise sa tulong ng magulang nito at ilang kaibigan noong kolehiyo at high school. Hindi na siya nagtataka dahil noong high school sila ay ito ang itinuturing nilang computer genius. Kung gaano ito kagaling pagdating sa babae, ganoon din ito sa computer.

“Hindi ko kasi alam na ikaw ang pupunta. Last year assistant mo ang um-attend.”

“Nasa States ako noong isang taon. Attending another conference with IBM. Hindi ko na kasi mahintay ang product launching nila sa Pilipinas. Kaya doon na ako dumirekta. Pero ngayon wala akong kompromiso. Nasabi rin sa akin ni Gay na nandito ka kaya nandito rin ako.”

Malapit na niyang itakwil ang kaibigan. Bakit ba siya nito pilit na ipinagkakanulo kay Linux?

“Hanggang kailan ka ba mangungulit sa buhay ko, Linux?”

“Galit ka pa rin sa akin?” anitong parang nagulat pa.

“Sino naman ang matutuwa sa ginawa mo?” mariin niyang bulong.

“Marami,” kaswal na sagot nito at sumandal. “Ikaw lang ang nagalit.”

Ipinagdidiinan nito kung gaano ito ka-ekspertong humalik. Na nag-e-enjoy ang mga babaing nahalikan na nito.

“Nagmamalaki ka ba sa akin?” iritado niyang tanong.

“Hindi. Wala naman akong ipagmamalaki sa iyo. Nahihiya nga ako sa sarili ko dahil ikaw lang ang naging girlfriend ko dahil sa dare. Kasi mga babae ang kusang-loob na lumalapit sa akin at nag-o-offer kung gusto nila akong maging girlfriend. Ikaw lang din ang pinakamaikli dahil di pa tayo umabot ng isang minuto. And the worst of it all, you were also the only one who dumped me.”

She stared at him mockingly. “Poor Linux. Did I bruise your ego?”

Ngumiti ito. “My ego is just fine. Kahit pa nga masakit ang pagkakasampal mo sa akin matapos kitang halikan.”

Tinitigan niya ang guwapo nitong mukha. Sinabi ni Gay sa kanya na bumakat ang palad niya sa lakas ng pagkakasampal niya. Pero mukhang wala naman siyang makitang anumang bakas. Sabagay, mahigit isang linggo na ang nakakaraan.

“Makunat naman yata ang balat mo. Sa tingin ko hindi ka naman nasaktan.”

Nabahiran ng lungkot ang anyo nito. “Ayaw mo talaga sa akin. Is it really that terrible having me as your boyfriend?”

Pilit niyang inilayo sa mukha nito ang mga mata. Baka mamaya ay maawa siya dito at maapektuhan ng mga drama nito.

“Tumigil ka na nga. Hindi ka cast sa telenovela para magdrama. Hindi bagay. Saka magsasalita na iyong speaker na hinihintay ko. Huwag ka nang maingay.”

“Okay!”

Sa gulat niya ay sumunod ito at tumahimik. Sa tingin naman niya ay mataman itong nakikinig sa speaker. Or maybe he was eyeing the pretty ladies around. Hindi nito palalagpasing makakita at makakilala ng magagandang babae. Mambibiktima na naman ang kamandag nito.

UBOD-lakas na pumalakpak si Alarice matapos magsalita si Keith Arnaldo kahit na wala siyang naintindihan anuman sa magandang speech nito. Buong panahon ay nakikiramdam siya kay Linux. Alerto siya baka may sabihin ito o gawin na ikaiinis niya. Sa dismaya niya ay tahimik ito. Ni walang sinabi ni isang salita sa kanya.

“Impressed?” tanong nito at sinabayan siya sa pagpalakpak. “Magaling si Keith sa pag-a-adapt ng luma at bagong strategy. Saka niya iko-combine.”

“Kilala mo siya?” gulat niyang tanong.

“Everyone in the business world knows him.”

“No. I mean personally.”

Pinagmasdan siya nito. “Are you interested in him personally?”

Umingos siya. “Ano naman ngayon kung interesado ako sa kanya? Binata naman siya at dalaga ako. He’s intelligent and good-looking. Sa tingin ko magkakasundo kami sa maraming bagay.”

Tumayo ito at ini-offer ang kamay. “Come, ipapakilala kita sa kanya.”

“Gagawin mo iyon para sa akin?”

Malamig siya nitong tiningnan. Gone was the smile he used to wear. She wondered where it went. “Oo. Malakas ka sa akin. Ako lang ang mahina sa iyo.”

“Bakit parang napipilitan ka?”

Hindi ito kumibo at tuluy-tuloy na nagtungo sa kulumpon ng tao sa paligid ni Keith habang inaalalayan siya. Marami ring bumati kay Linux at nakipagkamay sa ilan. Ipinakilala rin siya nito sa ibang mga businessman.

Maya-maya ay lumapit sa kanila si Keith at tinapik si Linux sa balikat. “Pare, nandito ka pala. I thought you’re bored with summits like this?”

“Just giving it a try. Baka sakaling hindi na siya ganoon ka-boring. Good thing hindi ako nagkamali ng pagpunta.”

Dumako ang mata ni Keith sa kanya. “Is she the reason? Girlfriend mo?”

“No,” tutol niya. “I am Linux’s classmate in high school and… a friend.” Inilahad niya ang kamay. “Alarice Lopez,” pagpapakilala niya sa sarili.

“She’s the CEO of Fun Factory, one of the top toy manufacturing company in the country,” pagpapakilala pa ni Linux sa kanya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.