“Wow, masarap pala ang pasta dito,” puri ni Gay sa bagong bukas na restaurant na kinakainan nila. Habang mauubos na nito ang isang plato ng chicken pasta, hindi pa rin niya nababawasan ang in-order na baked macaroni.
“Kaya nga dito kita idinala. Alam kong magugustuhan mo dito.”
Nasa isang bagong bukas na Italian restaurant sila. Niyaya niya itong magmiryenda. Nasa biyenan nito ang inaanak niya kaya libre ito.
Sumimsim ito ng iced tea habang minamasdan siya sa naniningkit na mga mata. “Kanina ko pa gustong itanong. Alam kong may problema ka. At kaya mo ako inililibre ngayon ay dahil kailangan mo ng shock absorber.”
“Inililibre lang ba kita kapag kailangan ko ng shock absorber?” tanong niya.
“Hindi naman. Madalang mo naman kasi akong ilibre. At tuwing manlilibre ka, tuwing desperada ka na at mabigat ang problema mo. Iyong mga panahon na gusto mo ng kausap. Lagi mo kasing sinasarili ang problema mo. Kaya sabihin mo na kung ano ang gumugulo sa iyo.”
Di sinasadya’y lumikha ng ingay nang ibaba niya ang tinidor sa gilid ng plato. She was depressed since last night. Iniisip niya ang lahat ng sinabi ni Linux sa kanya. Ni wala siyang matinong tulog dahil magdamag ay iyon ang iniisip niya. At si Gay lang ang makakapagbigay-linaw sa magulo niyang utak. Kailangan niya ng opinyon ng iba.
“Gay, tingnan mo ako. What’s wrong with me?”
Tinitigan siya nito. “Except for that eye bug and the glum look on your face, wala na. Your figure is perfect. Wala kang taba. Makinis ang balat mo. You still look like a doll. Why? What’s bothering you?”
“Walang nanliligaw sa akin. Ano pa ba ang problema sa akin? Hindi ako pangit. Matalino ako. May magandang trabaho. Pero walang interesadong lalaki sa akin.”
Kumunot ang noo nito at napatingin sa plato ng chicken pasta sa harap na parang naroon ang sagot sa kanyang tanong. “Siguro dahil masyado kang perpekto. Na kaya mong tapatan kahit sinong lalaki. Natatakot sila sa iyo.”
Pinanlakihan niya ito ng mata. “Mukha ba akong nakakatakot?”
Napangiwi ito. “Hindi iyon ang ibig kong sabihin. You are so overwhelming. Kaya mong I-dominate ang mga lalaki.”
“Well, hindi ko kailangan ng mga duwag na lalaking katulad nila.”
Napaangat ang tingin niya at nakita niyang papasok ng restaurant sina Sandy at Keith. Nagtatawanan pa ang mga ito. Hindi dumako ang pansin nito sa direksiyon niya dahil masyadong absorbed ang mga ito sa isa’t isa. Ni hindi nga kumukurap si Keith. Parang natatakot na mawala sa paningin si Sandy.
“Gay,” pabulong niyang tabi. “Tingnan mo iyong bagong dating. Ano ang masasabi mo sa kanila?”
“Perfect couple,” anito habang pasimpleng inoobserbahan ang dalawa. “Maganda ang babae at guwapo ang lalaki. Bakit mo naitanong?”
“Pwede mo ba akong ikumpara sa babae?”
“Arice, she looks like she had just stepped out from the glossy pages of a fashion magazine. Napakaganda naman niya. Parang buhay na mannequin.”
Parang naririnig niya ang buzzer sa isang game contest. Siya ay mukhang manika at si Sandy ay mukhang mannequin. The point goes to Sandy.
“She moves gracefully. Look at her hair. Saan kaya siyang salon nagpupunta? Sana ganyan din kaganda ang buhok ko,” may pag-asam na sabi ni Gay.
Wala sa sariling nahawakan niya ang buhok. Hindi siya mahilig maglugay ng buhok. It’s always on a bun because it’s part of her projection as a businesswoman. She doesn’t have a rebel hair in sight. Samantalang ang kay Sandy ay buhay na buhay. Compare to her dull hair.
“She looks so sophisticated,” dagdag ni Gay. “She’s…”
“Hot,” dugtong niya. “And that’s what I am not.”
Nanlulumo siyang pinagmasdan nito. “I-I’m sorry. Iyan pala ang pinoproblema mo.” Lumabi ito. “I hate her,” tukoy nito kay Sandy. “She has no right to be so beautiful. Mas maganda ka naman sa kanya pero iyon ang advantage niya sa iyo. Mga ganyang klaseng babae ang gusto ni Linux.”
“I know,” usal niya. Nilukot niya ang napkin at tinawag ang waiter upang bayaran ang kanilang bill. “Halika, ihahatid na kita sa inyo.”
Ayaw na niyang magtagal sa lugar na iyon. Ayaw na niyang makita si Sandy kasama si Keith. Ayaw niyang makita ang mala-mannequin nitong ganda at ang tungkol sa Hot factor nito.
“If I can be like that girl, sa tingin mo marami nang lalaking papansin sa akin?” tanong niya dito nang nasa kotse na sila.
“Oo naman. Magpapatirapa ang mga lalaking iyon sa iyong harapan. Mga lalaking kasing guwapo ni Linux.”
Linux. That is the key word. Isang tao lang ang makakatulong sa kanya para malusutan ang problemang ito. Linux.