Asociacion de las Solteras Series Chapter 6

“We’re here, babes,” sabi ni Conrad at binuksan ang pinto.

Bumungad sa kanya ang isang eleganteng silid. Naiilawan iyon ng malamlam na liwanag mula sa lampshade. May isang malaking kama sa gitna.

Humiwalay siya kay Conrad at idiniin ang kamay sa pader. “N-Nasaan na ang alak? Gusto ko nang makuha ang alak,” sabi niya.

Nagulat siya nang itulak siya nito at tumumba siya sa kama. Napahiga siya at nakita si Conrad na nakangisi habang nakatayo sa harap niya.

“Anong…”

Ngumisi ito habang hinuhubad ang maluwag na T-shirt na suot. “Hindi mo na kailangan pa ng alak para mag-enjoy. Nandito naman ako.”

Tinangka niyang tumayo subalit Mabilis siyang dinaluhong nito. Mabilis nitong napigilan ang kamay niya bago pa siya makapanlaban. Hindi siya makagalaw. Kahit anong pagpipiglas ang gawin niya, wala siyang lakas. Hindi niya ito magawang tinagin.

Unti-unting nawala ang saplot niya sa katawan. Naramdaman niya ang labi nito at ang kamay niya sa kanyang balat. Nandidiri siya dito.

Tinangka niyang sumigaw subalit parang napakahina ng kanyang boses. Kahit siya ay hindi niya marinig ang sariling tinig.

Naparalisa siya ng matinding takot at panlalamig. Gusto niyang manlaban. Gusto niyang ipagtanggol ang sarili. Gusto niyang lumayo ito sa kanya.

Dahan-dahang pumipikit ang kanyang mga mata. Maging ang kamay niya ay hindi niya magawang iangat nang pakawalan nito. Ayaw sumunod ng katawan niya sa iniuutos ng kanyang utak.

Isa itong matinding bangungot. Isang pagkakamali sa kagustuhang takasan ang problema. Gusto lang niyang makalimot. Subalit hindi niya alam na ipapahamak siya ng kagustuhan niyang lumayo sa sakit. Hindi niya inaasahan ang mas matinding sakit Katapusan na niya. Mas nanaisin pa niyang mamatay kaysa makuha nito ang kanyang pagkababae.Mas matindi pa sa kamatayan ang daranasin niya kapag inangkin siya nito.

Gusto niyang umiyak. Subalit matapang siya. Hindi siya dapat magpatalo. Pumikit siya at nagdasal. Humiling na sana ay may tumulong sa kanya. Subalit sino ang magliligtas sa kanya? Walang makakarinig sa kanya. Ang mga kaibigan nito sa ibaba ay tiyak na hindi aakyat para tulungan siya.

Ipinagpatuloy niya ang pagdarasal. Kahit na imposibleng may magligtas pa sa kanya. Nagbabaka-sakali pa rin siya sa himala.

Hanggang naramdaman niyang nawala ang bigat nito sa kanya. Dahan-dahan siyang dumilat. Sa nanlalabong paningin ay nakita niyang nakikipagbabag si Conrad sa isang lalaki. Mas matangkad at mas matipuno ang katawan dito.

Isa ba itong anghel na ipinadala ng langit para iligtas siya sa kapahamakan? Pinilit niyang bumangon sa kabila ng pagkahilo niya. Nakita niya ang pagbalabag ni Conrad sa pader at ang pilit nitong pagbangon.

“Ano ba?” sigaw nito sa bagong dating. “Istorbo ka, eh! Bakit ka nakikialam?”

“Ikaw ang dapat kong tanungin kung anu-anong kabalbalan ang ginagawa mo!” sigaw ng lalaki. “Umalis lang saglit sila Uncle, nagpa-party ka na dito sa bahay at kinuyog mo pa ang mga kaibigan mong walang kwenta. Ginawa mong disco house ang bahay ninyo. Nag-akyat ka pa ng babae. Dito pa mismo kuwarto ng mga magulang mo. Hindi ka na nahiya!”

“Wala kang pakialam, Keith!” sigaw nito.

Keith, usal niya sa isipan.

Nayakap niya ang sarili. Si Keith ang nagligtas sa kanya para hindi siya tuluyang mapahamak. Hindi siya nito pinabayaan. Isang bayani ang tingin niya dito. Para siyang prinsesa na sinagip ng isang magiting na prinsipe mula sa kamay ng buktot na kalaban.

“May pakialam ako dahil sa akin ka ibinilin nila Uncle. Hindi ka na nasiyahan sa gulong idinadala mo sa labas, hanggang dito sa loob ng bahay ninyo nagwawala ka pa rin. At anong ginawa mo sa babaeng iyan?” tanong ni Keith at itinuro siya.

“Huwag ako ang sisihin mo!” sabi ni Conrad. “Siya ang may gusto ng nangyari. Siya ang nagyaya sa akin dito. Inakit niya ako.”

Tinangka niyang tumutol subalit muling umikot ang kanyang paningin. Hindi na mahalaga anumang pambibintang na gawin nito para pamasain siya kay Keith. Alam niyang matalino si Keith. Hindi ito maniniwala kay Conrad.

Dinampot ni Keith ang mga damit nito at ihinagis sa mukha nito. “Magbihis ka, Conrad!” utos nito. “Labasin mo ang mga kaibigan mo at pauwiin mo na sila. Oras na may makita pa akong isa sa kanila, ako mismo ang maghahagis sa kanila palabas.” Binitbit ito ni Keith palabas ng kuwarto. “At itong ginawa mo, hindi ito makakalusot kay Uncle. Makakarating ito sa kanya. Titiyakin kong matuturuan ka nila ng leksiyon.”

“F**k you, Keith! May araw ka rin sa akin,” narinig niyang sigaw ni Conrad habang papalayo.

Mahigpit niyang nakipit ang kumot sa katawan nang pumasok si Keith at dinampot ang mga damit niya. “S-Salamat sa…”

Ihinagis nito sa kama ang mga damit niya. “Get dressed!” utos nito at walang ekspresyon sa mukha siyang tiningnan. “Ayoko nang makita ka pa sa kuwartong ito pagbalik ko. Umuwi ka na.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.