May sense ang sinabi nito kahit labag sa loob niya. Nakita na niya kung ano ang punto nito. Pero hindi pa rin niya alam kung paano nito mailalabas ang natural na ‘kakayahan’ niya.
Humalukipkip siya. “Saan tayo magsisimula?”
He uncrossed her arm. “Quit doing that. It’s a defensive move. Parang itinataboy mo ang tao. Kailangan ipakita mo na gusto mong maging malapit sa kanila.”
Naitirik niya ang mga mata. “Lahat na lang ba ng kilos ko pakikialaman mo?”
Hindi siya sanay nang may nagki-criticize sa kanyang ginagawa. Pati ba paghalukipkip niya ay pupunahin nito? Baka gusto nitong pati kulay ng underwear niya ay pakialaman pa nito.
“Magkalinawan nga tayo. Nang magmakaawa ka sa akin na turuan ka, akala ko malinaw na sa iyo na ako ang teacher at ikaw ang estudyante. Kaya batas na masusunod ang lahat ng sasabihin ko. Set aside your stubbornness during sessions. Kapag hindi ka nakinig sa akin, wala kang matututunan. Babagsak ka at hindi mo na makukuha si Keith. Magiging matandang dalaga ka.”
Tumayo siya at naipahid ang palad sa gilid ng damit. Isa iyong senyales na sumusuko siya. “Oo na. Susunod na ako. Huwag mo lang akong takutin na tatandang dalaga ako.”
Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat at hinuli ang mga mata niya. “Isipin mo na ginagawa mo ito para sa sarili mo. Just trust me a little. Ipakita mo sa akin na may tiwala ka sa akin.”
Iniiwas niya ang mata dito. Hindi siya sanay nang ganito ito kaseryoso. “May choice pa ba ako?”
Binitiwan siya nito at bahagyang lumayo. “Okay. Let’s start with what you are wearing. Pwede ka bang umayos ng tayo nang hindi naiilang sa akin?”
Tinapangan niya ang loob. Tumayo siya ng tuwid. Ngunit nang iangat niya ang paningin ay nakita niyang nakatingin ito sa kanya. Hindi niya kayang salubungin ang tingin nito kaya nagbaba siya ng tingin.
“Look straight ahead,” utos nito. “Tumingin ka sa akin.”
Tumingin nga siya nang tuwid subalit sa pader nakatuon ang mata niya. Hindi siya makatingin nang diretso dito. Wala namang diperensiya kung dito o sa pader siya nakatingin. Hindi nito mahahalata ang pagkakaiba.
“Bakit naninigas ka diyan? Hindi ba sinabi ko sa akin ka tumingin?” may bahid ng iritasyong sabi nito. Tumayo ito sa harap niya. Inangat nito ang baba niya habang ang isang kamay nito ay ginagap ang nanlalamig niyang palad. Kumunot ang noo nito. “You’re tensing. Why don’t you loosen up a bit?”
Nakagat niya ang labi. “H-Hindi ako sanay nang ganito.”
Pinisil nito ang kamay niya. “Alam ko. Tingnan mo ako, Arice. Hindi ako mangangagat,” usal nito sa nanghihinotismong tinig.
Unti-unti niyang inangat ang tingin dito. Nahagip ng kanyang paningin ang mata nito. Sinasabi nila na nakikita sa mata ng isang tao ang pagkatao nito. Sa mga mata ni Linux, iba ang nakikita niya nang mga oras na iyon. Kahit na bukas sa kanya ang buong pagkatao nito, parang may itinatago pa rin itong misteryo. At ang misteryong iyon ang dahan-dahang humihigop sa pagkatao niya.
Dumako ang tingin niya sa labi nito. Hindi rin siya nakatakas sa magnetong taglay nito. Gaya ng mga labi nito, parang hinahatak siya palapit dito. Nag-aanyaya para sa isang mainit na halik.
“That’s it, Arice. You are doing great,” he whispered.
Natauhan siya. Nakawala siya sa magneto ng pagkatao nito ngunit hindi pa siya ligtas. Mabilis niyang hinatak ang kamay mula dito. Tanging nasa isip niya ay makawala sa ipu-ipong lalamon sa kanya. Humakbang siya paurong. Kailangan niyang makalayo.
“Anong nangyayari sa iyo?” nagtatakang tanong nito.
“Ah, I have to go. Hindi ba okay naman na. Nagawa ko na ang ipinagagawa mo sa akin. You told me I’m doing great,” sabi niya habang kinukuha ang bag na ihinagis nito kanina. Hindi siya magkandatuto ng pagpapaliwanag dito.
“Bakit aalis ka na? Hindi pa tapos ang session natin. Nagsisimula pa lang tayo,” anito habang nakasunod sa kanya patungo sa pinto. “Hindi porke’t pinuri kita, pwede ka nang umalis. Ni hindi mo pa nga nape-perfect.”
Itinaas niya ang isang kamay. “Promise, next session natin magaling na ako. Makakaya ko nang gawin lahat ng ipinagagawa mo. Iyon lang naman ang lesson natin, hindi ba? Relaxing.”
Dali-dali niyang binuksan ang pinto at lumabas. Bahagya niya itong sinulyapan. Nakatayo ito sa likuran niya. Ni hindi makahuma. Walang magawa upang pigilan siya. Marahil dahil naguguluhan pa rin ito sa takbo ng utak niya.
“It is such a nice session, Linux. See you next time.”
Nagmamadali siyang sumakay sa elevator upang matiyak na hindi na siya nito maabutan kung naisipan man nitong habulin siya. Baka tanungin siya nito kung bakit siya nagmamadaling makalayo dito, wala siyang maisasagot.
Humihingal siyang napasandal sa elevator nang magsara iyon. Nasapo niya ang dibdib. Malakas ang kaba niyon. Hindi dahil sa halos pagtakbo niya makaalis lang sa penthouse ni Linux. Kundi dahil kay Linux mismo.
He thought she was making a progress. Pero alam niya sa sarili niya na hindi siya makakausad hangga’t hindi siya makakapag-relax kay Linux mismo.