Nakakailang chapter na si Alarice sa binabasang nobela subalit wala siyang maintindihan. Kanina pa siya nakaupo sa sofa at hinihintay ng ipina-deliver na pagkain para sa hapunan.
Sabado at nasa bahay lang siya. Wala siyang ganang kumilos. Dapat ay nasa bahay siya ni Linux upang ipagpatuloy ang session nila. Ilang beses na itong tumawag subalit hindi niya sinagot.
Hindi niya maintindihan ang sariii. Malakas naman ang loob niya. Gagawin niya ang lahat para lang sumailalim sa pagtuturo nito. Ngunit kapag kaharap na niya ito ay napaparalisa siya. Nawawala ang takot niya kapag nagtatalo sila. Hindi naman sila maaring magtalo palagi. Mauubusan sila ng pag-aawayan. At kung mag-aaway sila, wala silang patutunguhan.
Ayaw din naman niyang magsolo pa silang dalawa dahil kung anu-ano ang pumapasok sa utak niya. Kung malalagpasan niya ang kahibangang ito, saka lang sila susulong. Aminado siya na hindi siya maaring masiyahan nang panoorin si Keith sa bisig ni Sandy habang siya ay tumatandang dalaga. Subalit nawawalan siya ng tiwala sa sarili kapag si Linux na ang sangkot. Nagugulo ang utak niya.
Isinara niya ang libro nang marinig ang tunog ng doorbell. Sa wakas ay dumating na rin ang pagkain niya. May magagawa rin siya para magpalipas ng gabi. Ayaw na niyang isipin pa sinuman kina Keith o Linux. O kahit ang napurnada niyang session.
Binuksan niya ang pinto at inabot ang bayad para sa delivery. “Heto ang…” Nabitin ang pag-aabot niya ng pera nang makita kung sino ang delivery boy. “Linux?”
“Surprise!” nakangiting sabi nito habang hawak ang supot na may tatak ng restaurant na in-orderan niya ng pagkain. “Dito ka lang pala magdi-dinner, hindi ka man lang nag-imbita.”
Napanganga siya habang sinusundan ng tingin niya ang pagpasok nito sa kanyang bahay. Tuloy-tuloy ito sa kusina at wala siyang nagawa kundi sumunod dito.
“W-Wait a minute. Anong ginagawa mo dito?”
Inilabas nito ang mga in-order niya at inilapag sa mesa. “Kanina pa kita tinatawagan pero hindi mo ako sinasagot. Nag-alala ako dahil baka ano na ang nangyari sa iyo. That you were murdered or something. Nandito ka lang pala.”
“Wala ako sa mood lumabas ngayon,” sabi niya nang walang kasamang anumang paliwanag. It was implied that she has no plans to attend her session either. “Paanong napunta sa iyo iyang in-order ko?” sa halip ay tanong niya.
Naglabas din ito ng plato at kubyertos at inayos sa dinner table niya. Mukhang may plano pa itong saluhan siya. “Papunta na ako dito nang makasabay ko sa elevator ang delivery boy. Nalaman ko na dito rin siya papunta at ikaw ang um-order. Kinuha ko ang in-order mo sa kanya at ako na ang nagbayad. I have a feeling na pagbagsakan mo ako ng pinto kapag basta na lang akong pumunta dito.”
“Bakit ko naman gagawin iyon sa iyo?”
“Dahil pakiramdam ko iniiwasan mo ako.”
Hindi niya ito nagawang kontrahin. Nahihiya siya dito dahil hindi man lang niya ito madirekta. Nag-abala pa itong puntahan siya dahil nag-aalala sa kanya.
“Bakit marami ka yatang in-order?” puna nito. “May darating ka bang bisita?”
“Ikaw. Nandiyan ka na. Ano pa ang magagawa ko?”
Napailing ito habang pinagmamasdan ang in-order niya. “Ibig sabihin mag-isa mo lang itong kakainin kung hindi ako dumating. Wala ka bang sinusunod na diet?”
“Mayroon,” aniya at umupo upang simulan na ang pagkain. Kanina pa siya nagugutom. “Pero sa ngayon hindi iyon uso sa akin.”
“Ano ang silbi ng binili mong damit kung masisira lang ang katawan mo? Hindi ka dapat padalos-dalos sa pagkain,” sermon nito. “I was about to praise you for such a progress. Nasasanay ka nang magsuot ng damit mula sa bago mong wardrobe. Babawiin ko na lang. Sayang ang pagtuturo sa iyo ni Meredith.”
Natigil siya sa pagsasalin ng seafood salad sa plato. “Paano mo nalaman?”
Pagkagaling sa opisina, nagpapaturo siya sa kaibigang si Meredith na eksperto sa fashion at sa tamang pagdadala ng damit. Tinuruan siya nito sa tamang paglakad at ang pagmi-mix up ng wardrobe niya. Binigyan siya nito ng tips para masanay siya sa pagsusuot ng mga damit na bago sa kanya. Nang hindi niya iniisip na hinuhubaran siya ng mga tao kapag maiiksi ang suot niya.
“Hindi kita pwedeng pabayaan na lang dahil hindi ako nasiyahan sa unang session natin. I always watch you from afar. Nalaman ko rin mula kay Meredith na may sarili rin kayong session.”
“Galit ka?” nagi-guilty niyang tanong.
“No. Gaya ng nasabi ko, natutuwa ako dahil marunong kang magkusa. Nakikita ko naman ang magandang resulta. When you’re walking down the street, you look like a professional model. Kaunti na lang at masasanay ka na.”
Naisip niya na kailangan niyang gumawa ng sarili niyang paraan. Hindi maaring lahat ay ipapasa niya dito. Kailangang matuto rin siya sa kanyang sariling paraan. Nagbabasa na rin siya ng fashion magazines.
Tama ito. Hindi na siya masyadong naiilang sa bago niyang pananamit at ayos. At least everybody would know that she was not pretending to be something she wasn’t.