Asociacion de las Solteras Series Chapter 57

“Ha?” Naipilig niya ang ulo upang mawala ang sapot sa kanyang utak. “W-Walang nangyari sa aking masama. Nakalimutan ko lang kung ano ang susunod kong gagawin at sasabihin.”

“Wala pa akong bagong instruction. Ni wala pa nga akong sinasabi na dapat mong sabihin. You were doing fine when you stopped. Sandali. Kukuha ako ng tubig.”

Matapos siyang ilagak sa sofa ay pumunta ito sa kusina. Pagbalik nito ay may dala na itong isang basong tubig at pilit ipinainom sa kanya.

“I’m okay. Hindi mo kailangang mag-alala.”

“Paano akong hindi mag-aalala? Namumutla ka.”

Itinago niya ang ngiti habang umiinom ng tubig. Ngayon lang niya ito nakitang nataranta. “Baka naman masama ang epekto sa iyo ng lalaking nakasakay mo sa elevator.” Akmang tatayo siya nang pigilan siya nito. “Huwag ka munang tatayo.”

Natawa siya at hindi pinansin ang pagpigil nito. “I’m perfectly okay. See?” Hinawakan niya ito sa kamay at pilit pinatayo. “Ready na ulit ako.”

“MASARAP palang maging estudyante mo. Libre pagkain,” biro ni Alarice kay Linux nang magtungo sila sa dinner table. Nang hindi ito nagkomento ay naghihinala niyang tiningnan ang mesa na walang nakahaing pagkain. “Huwag mong sabihing tuturuan mo ako ng table manners and etiquette. Marunong na ako noon.”

Paupo na siya sa isang upuan nang pigilan siya nito. “Sandali, hindi ka basta-basta uupo diyan. You wait for your date to pull the chair for you and sit gracefully. Simulan mong maglakad papasok ng kusina then you’ll meet your date.”

Sinunod niya ang utos nito. Paglapit sa mesa ay binati niya ito at inabot ang palad. “Hi!” pormal niyang sabi.

Napatayo ito sa upuan. “Drat! Where’s the smile and the look? At hindi mo babatiin ang ka-date mo na parang business associate.”

“And how am I supposed to greet him?”

Hindi siya nakikipag-date maliban lang kung tungkol sa negosyo. At kahit sabihing romantic date, wala iyong diperensiya sa kanya.

“Greet him with a smile and french kiss, maybe,” seryosong sabi nito.

“Ano? Gagawin ko iyon?” bulalas niya.

“That was a joke. You can shake his hand kung hindi pa kayo masyadong malapit. But most of the time, a peck

on the cheek would do. Basta huwag mo lang kalilimutang ngumiti. Make it feline and natural.”

Inurong nito ang upuan at dahan-dahan siyang umupo. Wala siyang narinig na komento dito. Ibig sabihin ay tama ang ginawa niya.

Umupo ito sa tapat niya. “Now I want you to flirt with your eyes. Tingnan natin kung may natutunan ka na.”

Sinalubong niya ang tingin nito. She smiled shyly and dropped her gaze. She raised them again and the let them glimpse off his, then gently flutter her lashes.

“Did I pass?” tanong niya.

Hindi ito nakasagot sa loob ng ilang sandali at nanatiling nakatitig sa kanya. “Isunod natin ang wine glass,” sa halip ay sabi nito.

Binigyan siya nito ng instruction sa tamang paggalaw. He also told her that being hot is being conscious of her body as an expression of grace in movement.

Hindi madali para sa kanya dahil nasanay siyang maging pormal at seryoso sa lahat ng ginagawa niya. Ni minsan ay hindi niya naisip na kakailanganin niyang matuto pa ng tamang pang-aakit sa lalaki.

Pagkagaling sa kusina ay pinatayo siya nito sa gitna ng sala. Pagkatapos magsalang ng CD sa player ay sinamahan siya nito.

“What’s the next lesson?” she asked.

Hinawakan nito ang isang kamay niya at hinapit ang baywang niya. “Dancing.”

“Kailangan ko pa ba itong matutunan? Marunong akong magsayaw.”

“Last time I danced with you, daig mo pa ang tuod. At takot na takot ka na parang lalamunin ka ng buo.”

Lumabi siya. “Nagsayaw lang naman tayo para makita kong mabuti si Keith.”

“Kakailanganin mo ito. Dance is an expression. Kapag nagsasayaw ka, parang nakikipag-communicate ka sa kasayaw mo. You must learn how to express. And I’ll teach you how to communicate with the one you like through dancing.”

Isinaisip niya ang sinabi nito. Ipinikit niya ang mata at hinayaang gumana ang kanyang pandama. Pinakinggan niya ang musika at hinayaan ang sarili na gumalaw kasabay ni Linux. Paano niya maipapakita kay Keith na gusto niya ito sa pamamagitan ng sayaw?

Naalala niya ang pagsasayaw nina Keith at Sandy. Halos wala nang hangin sa pagitan ng dalawa. As if they were making love.

Naramdaman niya ang paghigpit ng bisig nito sa kanya. Lalong naglapit ang kanilang katawan. Pinalaya niya ang sarili at hinayaang isandig ang ulo sa dibdib nito.

Sinasakop ng panlalaking pabango nito ang kanyang pandama. Nilulukob siya ng init ng katawan nito at dahan-dahang inuubos ang kanyang lakas.

Nang iangat niya ang kanyang paningin ay nakita niyang nakatitig si Linux sa kanya. Parang may magneto at nanatiling magkaugnay ang kanilang mga mata. Nang dahan-dahang bumaba ang mukha nito upang angkinin ang kanyang labi ay hindi siya tumutol. Sa halip ay sinalubong at tinugon niya ang halik nito.

Nilulunod siya ng sensasyon. Hindi niya alam kung ano ang kanyang ginagawa. Subalit alam niyang iyon ang pinakamatamang gawin.

Ang pagtugon niya dito ay mapanganib subalit hindi niya mapigilan ang sarili. Sumisigaw ang pandama niya sa isang bagay na hindi pa niya naranasan. Kahit nang unang pagkakataong hagkan siya nito. Nais pa niya ng mas maalab. Higit sa nararanasan niyang ngayon.

Kasabay ng paghiwalay ng labi nito sa kanya ay unti-unti niyang iminulat ang mata. “L-Linux?” aniya nang mamulatan ito.

Mataman itong nakatitig sa kanya. Walang anumang ekspresyon sa mukha nito maliban sa apoy na nababanaag niya sa mata nito. Subalit sa isang iglap ay naglaho iyon at binitawan siya.

“Session adjourned. Pwede ka nang umuwi.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.