Nararamdaman pa rin ni Alarice ang panginginig hanggang makauwi siya. Ilang beses siyang nawawala sa sarili kanina habang nagmamaneho at himalang nakauwi pa siya nang buo. Lahat ay dahil sa halik ni Linux.
Humiga siya sa kama. Maaga pa siyang papasok bukas ngunit hindi pa rin siya dinadalaw ng antok. Hindi niya maintindihan ang sarili. Bakit nang halikan siya nito kanina ay tumugon siya? Dapat ay si Keith lang ang may karapatan sa kanya.
Maiintindihan pa niya marahil noong unang pagkakataon siyang halikan ni Linux. She was caught off guard. Subalit ngayon, may pagkakataon pa siyang makatutol. Ngunit hinayaan lang niya ang sarili na magpadala.
Maaring dahil relaxed na siyang kasama ito. Pero sapat ba iyong rason para hayaan itong halikan siya. Bakit hinalikan siya nito? Kasama ba iyon sa lesson nila o sinasamantala lang siya?
It was just a kiss but something he had set something loose inside her. Now she felt different. She didn’t just feel relaxed. She felt free.
Napabangon siya nang mag-ring ang telepono. Napasulyap siya sa orasan. Sino ang tatawag sa kanya nang ala-una ng madaling araw?
“Hello?” aniya nang sagutin ang telepono.
“Arice?”
“Linux! Bakit gising ka pa?”
“Ikaw? Bakit gising ka pa rin?” ganting-tanong nito.
Hindi niya magawang sagutin ang tanong nito. Hindi niya makakayang sabihin na ito ang dahilan kung bakit hindi siya makatulog.
“Iniisip mo rin ba ang nangyari kanina?” tanong nito.
“P-Paano mo nalaman?”
He gave out a masculine laugh. “Basta alam ko. Kaya ako napatawag dito dahil alam kong hindi ka makakatulog kakaisip doon. Kaya hindi rin ako makatulog,” kaswal na paliwanag nito. Walang halong pang-iinis o pangungutya.
“N-Nawala ako sa sarili ko kanina,” pag-amin niya. “A-Akala ko kasi…”
“Iniisip mo ba na ako si Keith kanina?”
“Hindi!” tutol niya. Nang hagkan siya nito, alam niyang ito ang umaangkin sa labi niya. Nawala nga sa isip niya si Keith nang mga oras na iyon. “I just lost my mind.”
Natahimik ito sa ilang sandali. Hindi niya alam kung nagustuhan nito ang isinagot niya. “It was a natural response, Arice. But you can say that again. You lost your mind. You let your instincts take over. You listened to your inner substance.”
Iyon lang ba ang paliwanag ng lahat? Na hinayaan lang niya ang sarili at kinalimutan ang tamang pag-iisip? Ni wala siyang planong tumigil kanina kasusunod niya sa dikta ng kanyang pandama. Paano kung hindi kontrolado ni Linux ang sitwasyon? Baka kung saan na sila humantong at wala siyang magagawa.
Bakit napakababaw ng eksplanasyon sa nararamdaman niya? Ikinumpara sa instinct ng mga hayop. Hindi ba iyon espesyal?
“Iyon lang ba?” tanong niya. Napabuntong-hininga siya. Marahil ay magiging espesyal ang lahat kung si Keith na ang lalaking hahagkan niya.
“Oo. Kaya huwag mo nang masyadong isipin. Matulog ka na. Bye.”
“Linux, sandali!”
“Bakit?”
“K-Kasama ba sa lesson natin ang paghalik mo sa akin?”
Sa tingin niya ay hindi siya makakatulog hangga’t hindi nawawala ang nag-iisang tanong na bumabagabag sa kanya.
“You want the truth? I just acted on instinct just like you. I let my senses take over. I lost my mind. Goodnight.”
HINDI inaalis ni Keith ang paningin kay Alarice habang idini-discuss niya ang draft ng kontrata. “May gusto ka pa bang baguhin dito?” tanong niya.
Umiling ito at ngumiti. “Wala na akong gustong baguhin sa draft.”
Isinara niya ang folder. “If so, I’ll ask my secretary to finish the final draft and prepare it for the contract signing. Is that okay with you?”
Tumango ito. “You look different,” komento nito.
“Different good or bad?”
“Definitely good.”
Bahagya siyang ngumiti. Maganda ang epekto ng training niya sa ilalim ni Linux. Napansin siya ni Keith. Ni hindi na niya kailangang isipin ang ibinigay nitong pointers sa kanya sa mga dapat niyang ikilos sa harap ni Keith. It just comes out naturally.
“Let’s say that this is the new me.”
Minsan ay hindi na niya nakikilala ang sarili niya tuwing humaharap sa salamin. Nagbago na siya. Kasabay ng pagbabago ng ayos niya, nag-iba na rin ang kilos niya. Mas magaan ang kanyang pakiramdam. It was like being reborn.
“I definitely like the new you,” Keith said in an enticing voice. “How about dinner on Tuesday night?”
Hindi niya magawang sumagot. Naalala niya ang sinabi ni Linux. Oras na makita siyang muli ni Keith, hindi nito palalagpasini ang pagkakataon na yayain siyang mag-date. At ngayong niyaya na siya nito, hindi niya alam kung ano ang tamang sabihin.
Binasa niya ang labi sa labis na kaba. “Let me check my schedule first.”
Wala naman sigurong masama kung hindi agad siya sasagpang sa offer nito. Iyon din ang itinuro sa kanya ni Linux. Let him wait a little. Let him beg. Iyon ang ipag-iiba niya sa ibang babaeng nakaka-relasyon nito.
Hinawakan nito ang kamay niya. “Forget your schedule. Please?”
“Kung papayag akong makipag-date sa iyo, hindi kaya magalit ang girlfriend mo na si Sandy?” panghuhuli niya.
Nagulat ito subalit mabilis na nakabawi. “Iyon lang ba ang iniisip mo? Break na kami ni Sandy a couple of weeks ago pa. I’m free and I’m not committed to anybody.”
The course is clear. Nalinaw na niya ang relasyon nito kay Sandy at wala na siyang problema pa.
“So pumapayag ka na ba?” tanong nito. “O gusto mong lumuhod pa ako para lang pumayag ka?” determinadong sabi nito.
Iginala niya ang mata sa paligid at naisip ang mga taong makakasaksi sa gagawin nito. Sinabi naman ni Linux na hayaan niyang magmakaawa ito kahit kaunti. Ngayong nagmakaawa na ito, pwede na siguro iyon.
“Huwag mong gagawin iyan, please. Sige, pumapayag na ako.”