Mahigpit na humawak si Brazile sa balustre ng hagdan habang bumababa. Masakit pa rin ang ulo niya subalit mas nahulasan na siya ngayon. Nang iwan siya sa silid ni Keith kanina ay nagbihis siya at naghilamos. Subalit hindi iyon sapat para tuluyang mawala ang sakit ng kanyang ulo.
Wala na ang maingay na musikang kanina lang ay pumaiilanlang sa buong kabahayan. Ang kanina’y madilim na sala ay maliwanag na ngayon. Subalit sa halip na kabataang nag-iinuman at nagsasayawan ay mga katulong na lang ang naiwan para maglinis ng mga kalat.
Nang muling sumigid ang pagkahilo ay umupo siya sa baitang ng hagdan at isinubsob ang mukha sa palad. Nanginginig pa rin siya sa labis na takot. Muntikan na siyang mapagsamantalahan ni Conrad kanina. Kung hindi siya nailigtas ni Keith, hindi niya alam kung saan siya pupulutin.
Narinig niya ang pababang yabag sa hagdan subalit hindi siya nag-angat ng paningin para tingnan kung sino iyon. Tumigill ang yabag sa tapat niya.
“Wala na ang mga kaibigan mo,” anang boses ni Keith.
Tiningala niya ito. “N-Nasaan na sila?” tanong niya.
Nanatiling walang emosyon sa mga mata nito habang nakatingin sa kanya. “Kanina pa sila umalis,” matabang nitong sabi.
“Nasaan si Conrad?” tanong niya at luminga-linga.
“Wala na siya,” anito at ibinaling sa sala ang tingin. “Umalis siya kasama ang mga kaibigan ninyo. Iniwan ka na niya. Kaya wala nang rason para manatili ka pa dito.”
Maang siyang napatingin dito. Naguguluhan siya sa pakikitungo nito sa kanya. Ni wala siyang maramdamang affection mula dito samantalang kasasagip pa lang siya nito mula sa kapahamakan. Inaasahan siyang yayakapin siya nito para alisin ang lahat ng takot na nararamdaman niya. Subalit ang tanging natanggap niya dito ay panlalamig.
Tumayo siya at bumaba ng hagdan. Hindi na niya inalintana ang pagkahilo at panghihina. Gusto niyang lumayo. Hindi niya magawang magtanong kung bakit malamig ang pakikitungo sa kanya. Malinaw ang mensahe nito. Ayaw nitong makita siya. Ayaw nitong manatili pa siya sa lugar na iyon.
“Miss, sandali…” sabi ni Keith. “May sasakyan ka ba? Ihahatid kita.”
Nangibabaw ang pride niya. “Hindi na kailangan. Nagpunta ako ditong mag-isa, kaya kong umuwing mag-isa,” matigas niyang sabi.
Kahit mabuway ang lakad ay pinilit niyang makalayo. Nagpalakad-lakad siya sa kalsada nang hindi desidido kung gusto niyang umuwi. Wala na siyang mga magulang. Daratnan lang niya sa bahay ay mga katulong. Napakalamig ng bahay nila sa kabila ng karangyaan. Walang sinuman ang maari niyang masabihan ng nararamdaman niya. Ng takot, sakit at ng kahihiyang kanyang dinanas.
Madilim sa labas. Kung hatinggabi na o madaling-araw ay hindi niya alam. Wala nang tao sa paligid maliban sa kanya. Sumisigid ang lamig sa kalamnan niya.
Napalingon siya nang marinig ang ugong paparating na sasakyan. Nadismaya siya nang makitang si Keith ang nagmamaneho. Pagkatapos ng kahihiyang dinanas niya at sa panlalamig na ipinakita nito, ito ang huling tao na gugustuhin niyang makita.
Gumilid siya at nagpatuloy sa paglalakad. Bumagal ang takbo ng sasakyan nito at sumabay sa kanyang paglalakad. “Miss, ihahatid na kita.”
Matalim niya itong tiningnan. “Sinabi ko na kanina, kaya kong umuwing mag-isa. Pabayaan mo na lang ako.”
“Pero hindi ito ang daan palabas ng subdivision. Wala nang bahayan sa dulo.”
Nilingon niya ang pinanggalingan. Sa sobrang pagkaliyo ay hindi na niya naalala kanina kung saan siya galing. Mali na ang dinadaanan niya.
Itinigil nito ang sasakyan at bumaba. “Ihahatid na kita,” alok nito.
“Salamat na lang pero ayokong makaabala.”
“Look, wala ka nang masasakyan pa dito dahil dis-oras na ng gabi. Sabihin mo nga sa akin kung paano ka makakauwi. Kargo de konsensiya pa kita oras na may mangyaring masama sa iyo,” sabi nito.
Napatingin siya sa kotse nito. It was inviting. Kanina pa siya palakad-lakad. Pagod na siya. She was also emotionally wrecked. Ang kailangan lang niya ngayon ay kapahingahan ng isip at kalooban. Wala na siyang lakas para makipagtalo pa dito.
Hindi na siya nagsalita pa at nagtungo sa kotse nito. Inalalayan siya nito papasok sa loob. Pag-upo ay ipinikit niya ang mga mata at isinandal ang ulo sa headboard. Plano niyang tulugan ang biyahe.
Iba ang pakiramdam niya nang magkasarilinan sila. Kahit ano pa ang lamig ng pakikitungo nito sa kanya, iniligtas pa rin siya nito. Ilang beses na ba niyang pinanaginipan na sana magkasarilinan sila at magkausap.
“Saan kita ihahatid?” tanong nito.
“104 San Agustin St. Carlton Village,” sabi niya habang nananatiling nakapikit.
Hinayaan niyang tangayin siya ng malamyos na tugtog mula sa radyo ng sasakyan nito. Nababawasan ang sakit ng ulo niya.
“And you are…”
“Brazile,” sabi niya. “Brazile Cardenas.”
Tumikhim ito. “How old are you?”
“Sixteen.”
Pumalatak ito. “You are so young to attend those wild parties. Alam ba ng mga magulang ito at kung sino ang mga kasama mo?”
“No,” matigas niya sabi.
Walang pakialam sa kanya ang mga magulang niya. Ano ang dadatnan niya sa bahay? Umalis na ang kanyang Papa. Nagpunta na ito sa bagong babae nito at sa anak nitong lalaki. Samantalang ang Mama niya ay nagsasaya kasama ang mga amiga nito.
Walang anuman sa mga ito ang nakakaalam kung saan siya pumunta o kung napahamak siya. Baka mas matuwa pa ang mga ito kung mawala siya. Para wala nang maging responsibilidad pa ang mga ito.
“They should be informed. Menor de edad ka pa at dapat alam nila ang mga kilos mo. Ni hindi nila alam na napapahamak ka na.”
Matalim niya itong sinulyapan. “Sino ka naman para sermunan ako?” tanong niya. “Kaano-ano ba kita?”