“You mean a relationship that would lead to marriage?” He gave out a soft laugh. Ginagap nito ang kamay niya. “I know that. Hindi ikaw ang klase ng babae na makokontento sa isang relasyong aabot lang ng ilang buwan. At inaalok ko ito sa iyo dahil sawa na ako sa ganoong klase ng relasyon. Sa edad kong ito, gusto ko nang manatili sa isang babae. I want something that could last a lifetime. And I’m asking you to share that lifetime with me dahil alam ko na ikaw ang babaeng gusto kong iharap sa altar. Will you be my girl, Alarice?”
Hindi siya makapaniwala habang nakatitig sa mukha nito. He was dead serious. Hindi ito nag-aalok sa kanya ng isang relasyon na panandalian lang. Inaalok nito sa kanya ang pangarap niya. Isang pamilya-asawa at tsansang magkaroon ng anak.
Gusto niyang sumagot ng ‘oo’ subalit natigilan siya. Mula sa di kalayuan ay nakita niya ang isang pamilyar na pigura. Nakatayo habang nakamasid sa kanya.
Si Linux.
“Alarice, what’s wrong?” nag-aalalang tanong ni Keith sa kanya.
Saglit siyang tumingin kay Keith at ibinalik muli ang tingin sa lalaking pigurang pinaghihinalaan niyang si Linux. Subalit wala na ito doon.
Umiling siya. “N-Nothing. Akala ko may nakita akong kakilala. I’m sorry.”
Bakit ba nawawala ang isip niya sa isang mahalagang sandali? Dahil lang sa isang imahe na akala niya ay si Linux.
Ano naman ang gagawin ni Linux sa ganitong lugar? Marahil ay hindi siya nito sinusundan. Baka nasa kung saang lupalop ito kasama ang kung sinong babae.
Tumiim ang bagang niya nang maisip ito at ang babae nito. Iyon din kaya ang ipinagpalit nito sa kanya noong hindi natuloy ang training nila noong nakaraan?
“I’m sorry, hindi mo yata nagustuhan ang sinabi ko,” anang si Keith nang makita ang bahagyang pagsama ng mood niya.
Awtomatikong sumilay ang matamis na ngiti sa kanyang labi. “No. Hindi iyon. M-Medyo nagulat lang ako. Masyado pa kasing maaga para ibigay ko ang sagot ko, hindi ba? Gusto ko munang mas makilala pa natin ang isa’t isa.”
Ngumiti na rin ito. “Akala ko galit ka sa akin. Hindi na kita mamadaliin. Hahayaan kitang mag-isip at hahayaan din kitang kilalanin akong mabuti. Para kapag sinagot mo na ako, masisiguro kong hindi ka magsisisi.”
Pahamak si Linux. Kinukulam yata siya nito dahil ito ang naiisip niya habang kasama si Keith. O baka siya ang may problema. Nababaliw na ba siya?
O baka nagpapaalala lang na dapat pa rin niya itong pasalamatan sa kabila ng masamang pakikitungo nito sa kanya noong nakaraan. After all, ito ang dahilan kung bakit nasa harap niya si Keith ngayon.
INIP na nag-doorbell si Alarice sa penthouse ni Linux. Ngayon lang siya nakakuha ng tiyempong dalawin ito dahil sa dami ng kanyang trabaho. Naisip rin niya na maaring malamig na rin ang ulo nito.
Nang mabuksan ang pinto ay bumungad sa kanya si Linux na pupungas-pungas. Magulo ang buhok nito at nakasimpleng short at sando shirt lang. Mukhang kagigising lang nito.
“Anong ginagawa mo dito? Ni hindi ka nasiyahan sa isang doorbell lang,” sermon nito. “Ginising mo ako, alam mo ba?”
“Bakit ikaw ang nagbukas?” Pumasok siya at luminga sa paligid. “Wala ka bang katulong dito ngayon? Nasaan si Inday?”
Isinara nito ang pinto at sumunod sa kanya. “Nagpaalam na makikipag-date. Since hindi ako makakalabas ng bahay, natulog na lang ako.”
Nang makita ang simangot nito ay natawa siya. “Kawawa ka naman. Si Inday ay nakikipag-date. At ang kanyang Sir ay naiwan para magbantay ng bahay.”
Umupo ito sa barstool habang siya naman ay inilalabas ang mga dala. “Huwag mo nga akong inisin. Kagigising ko lang. Magbiro ka na sa lasing huwag lang sa bagong gising. Ano ba ang kailangan mo dito sa bahay ko?” asik nito.
“Ikaw.” Lumapit siya dito at hinila ito papunta sa harap ng home entertainment system. “Gusto ko kasing mag-thank you sa iyo sa lahat ng tulong mo sa akin.”
Iniiwas nito ang tingin sa kanya at binalingan ang bitbit niya. “Ano ba ito?”
“DVD. Ikaw ang mamili kung ano ang gusto mong panoorin.”
Inisa-isa nito ang DVD pagkatapos ay sinulyapan siya. “Hindi talaga ako makapaniwala na nandito ka. Hindi ba galit ka sa akin?”
Nakangiti siyang umiling. “Hindi na. Lahat naman tayo entitled na topakin paminsan-minsan. Natiyempuhan ko lang na masama ang mood mo. Pero ngayong nandito ako, pwede bang ngumiti ka naman?”
Tiningnan siya nito nang matalim. “Ayoko nga. Ma-in love ka pa sa akin.”
Sumimangot siya. “Kapal talaga ng mukha mo!”
Dahan-dahang sumilay ang ngiti sa labi nito. Napigil niya ang paghinga. Parang dahan-dahang sumisikat ang araw kasabay ng pagngiti nito. Iyon ang pinakamagandang ngiti na nakita niya. Dati-rati ay naiinis siya sa ngiti nito. Kung hindi nangungutya ay nang-aakit. But that simple smile made a difference.
Pinisil nito ang pisngi niya. “Pikon ka pa rin hanggang ngayon. Iyon na yata ang hindi mababago sa iyo.”
Inirapan niya ito. “Mahilig ka kasing mang-inis. Bilisan mong mamili diyan dahil marami pa tayong panoorin.”
“Alam na ba ni Keith na ganyan ka kasungit?” anito habang isinasalang ang DVD sa player. “Hindi kaya magtatakbo siya palayo.”
Humalukipkip siya habang nakatayo sa likuran nito. “Problema niya iyon. Ayoko sa mga lalaking naduduwag sa akin.”
Naguguluhan itong lumingon sa kanya. “Pakakawalan mo siya kapag ayaw niya sa kasungitan mo? Paano na ang itinuro ko sa iyo?”
Natigilan siya. Dati, handa siyang baguhin ang lahat sa sarili basta mapasa-kanya si Keith. Ngayon ay parang hindi siya natatakot na mawala ito.
“Minsan, hindi lahat ng bagay kaya mong baguhin,” nausal niya.