Asociacion de las Solteras Series Chapter 61

“Kumusta ang date ninyo ni Keith?” tanong ni Linux kay Alarice nang nangangalahati na sila ng pinapanood.

Mula sa pagkakasandal sa sofa ay napasulyap siya dito. Akala niya ay hindi na ito magtatanong pa dahil hindi ito interesado.

“Masyado pala siyang advance. Ngayon ko lang nalaman. Tinanong niya ako kung gusto ko siyang maging boyfriend on our first date,” namamangha niyang kwento dito. “Parang napaka-simple ng hinihingi niya sa akin.”

Umupo ito paharap sa kanya at hindi na pinansin ang palabas. “Ganoon talaga kabilis si Keith. Daig pa si Superman. Sinagot mo ba?”

Nagsalubong ang kilay niya. “Bakit ko siya sasagutin samantalang first date pa lang namin? Maghirap muna siya bago ko siya maging boyfriend.”

Hindi siya katulad ng ibang babae ni Keith na madaling magbigay ng ‘oo’. Hindi siya nakikipaglaro. Seryoso siya kaya dapat ay makita rin niyang seryoso ito. Minsan, may mga bagay na kailangan din nitong paghirapan.

“Tease!” tukso nito. “You turned into a siren and seduced him. Pagkatapos gusto mo pang maglumuhod siya sa iyo. Akala ko ba nagmamadali ka nang mag-asawa dahil nauubusan ka na ng oras. Remember, the clock is ticking.”

Isinampa niya ang paa sa sofa at inupuan iyon. “Nandito na ako. Nalagpasan ko na ang pinakamahirap na stage. Hindi ko kailangang madaliin ang lahat. Mas mabuti nang sigurado.”

Kasabay ng pagbabago sa kanyang sarili, mas gusto niyang tiyak ang kanyang mga galaw. Minsan tinatanong niya ang sarili kung ano ang gagawin niya kung sakaling mawala sa kanya si Keith. Ni hindi siya nakadama ng takot o desperasyon kagaya ng nararamdaman niya noon. Hindi rin niya alam kung bakit.

“Nag-iiba na ang pananaw mo sa mga bagay,” anito pagkatapos siyang pagmasdan sa mahabang sandali. “The caterpillar is out of the cocoon now and has turned into a butterfly. Hindi lang pisikal na aspeto mo ang nagbago.”

Ngumiti siya. “That’s because of you.” Napatitig siya dito nang may maalala. “I hope you don’t mind me asking, pero nagpunta ka ba sa Café Malate last Tuesday nang mga bandang nine o’clock?”

Nagulat ito at nakita niya ang kaibang kislap sa mata nito na mabilis ding naglaho. Umiling ito at natawa. “Hindi. Dahil nakipag-date ako noon at hindi naman ako naligaw doon,” paliwanag nito. “Bakit?”

Bahagya siyang ngumiti at umiling. “W-Wala. Akala ko kasi nakita kita.”

Sumulpot ito kung kailan hinihingi ni Keith ang sagot niya. Doon siya nagsimulang mag-alinlangan kay Keith. May ibig bang ipahiwatig ang pagsulpot ng imahe nito doon nang mga oras na nagdedesisyon siya isang importanteng bagay?

“It’s just your imagination. O kaya kamukha ko lang na guwapo.”

“Hehehe! Nagbuhat ka na naman ng bangko. Kumusta naman ang date mo?”

Ihinagis nito ang pinagbalutan ng Lay’s at binuksan naman ang Planters. “Okay lang. Katulad pa rin ng dati.”

“Ibig sabihin hindi mo na naman seseryosohin?” aniyang may bahid na inis. Parang laruan lang kasi dito ang mga babae. Kawawa naman ang mga kabaro niya. “Minsan ba pinangarap mong magkaroon ng asawa at magkaanak?”

Mukhang wala itong planong lumagay sa tahimik. Hindi katulad ni Keith na kahit paano, may planong magkaroon ng pamilya.

“Oo naman.”

Pinigil niyang matawa. “Ikaw, magseseryoso?” sarkastiko niyang sabi.

Tingin niya dito nang mga oras na iyon ay isang payaso. Iyon na yata ang pinakamatinding biro na natanggap niya dito. Hindi ito ang tipo ng lalaki na gustong magkapamilya. He looked like a man who wants to be a bachelor forever.

Nanatili itong seryoso. “Lahat naman ng tao pwedeng mangarap, kahit sino pa siya o ano pa siya. Libre naman iyon, hindi ba?”

Napahiya siya sa sarili. Wala siyang karapatang pagtawanan ito dahil iyon ay pangarap nito. Nakakainsulto ang ginawa niya.

Napayuko siya. “Sorry. Bakit wala ka yatang planong mag-asawa?”

“Wala akong gusto sinuman sa mga nakakarelasyon ko. Walang sinuman sa kanila ang gusto kong mapangasawa.”

“Baka naman masyado kang mapili sa babae. O kaya wala kang sineseryoso sa kanila. Minsan ba nasubukan mong ma-in love sa isang babae?”

Mula sa kanya ay lumipat ang tingin nito sa TV. Akala niya ay hindi na ito magsasalita pa. Parang nag-iisip ito nang malalim.

“Huwag mo na lang sagutin ang tanong ko,” aniya. Baka naman iyon ang ayaw nitong pag-usapan. Ni hindi man lang siya nagpasintabi.

“May isang babae akong gustung-gusto,” usal nito habang nakatuon pa rin ang mata sa TV. Subalit mukhang hindi nito iniintindi ang palabas. Seryoso ito at may bahid ng lungkot sa mukha. Na-curious tuloy siya sa babaeng tinutukoy nito.

“Anong nangyari sa inyo? Naging girlfriend mo ba siya?”

Bumuntong-hininga ito. “Hindi.”

“Binasted ka ba niya?”

Baka nabigo ito sa pag-ibig at doon nagsimulang mambabae. May ganoong klaseng lalaki. Ang hinanakit sa isang babae ay sa iba ipinapasa.

Yumuko ito. “Hindi rin. Ni hindi ko nga nagawang makapanligaw sa kanya. Natatakot akong tanggihan dahil alam kong ayaw niya sa akin.”

“May babae bang umaayaw sa iyo?” bulalas niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.