Direkta siya nitong tiningnan. “Ayaw mo sa akin, hindi ba?”
Takot na mabigo. Takot na masaktan. Ito ang nakikita niya sa mukha nito. Mas pinipili nito ang babaeng naghahabol dito at pagkatapos ay ito mismo ang nang-iiwan sa huli. Dahil ayaw rin nito ng rejection.
“Well… noon iyon. Hindi ka naman ganoon kasama, Linux. Malay mo makita niya ang totoong pagkatao mo. Kailangan mo lang magsumikap. Katulad ko. Ibang Linux na ang tingin ko sa iyo.”
Kahit na nagkakainisan sila minsan, may maganda rin itong katangian. Ito lang ang taong nakakayang sabihin sa kanya ang mga pagkakamali niya. At kahit na may masama itong reputasyon sa iba, iba naman ang totoong nasasaloob nito.
Lumungkot ito. “Espesyal siya. She’s the woman who wanted forever. Huli na kung ngayon pa ako hahabol dahil may mahal na siya. Malapit nang matupad ang pangarap niya na magkaasawa at magkaanak.”
Nakadama rin siya ng lungkot. Parang may bumundol sa kanyang dibdib. Magkapareho lang sila ng pangarap nito. Pero matutupad na niya ang kanya. Dahil nagawa niyang ipaglaban ang pangarap niya.
“Paano ka na? Hahayaan mo na lang na mag-isa ka habambuhay?” aniyang may bahid na galit at paghamon. “Para sa isang taong nagturo sa akin para maging matapang, napakaduwag mo pala. Bakit hindi mo subukang lumaban? Sabihin mo sa kanya ang nararamdaman mo.”
Sumandal ito sa sofa, iniunat ang dalawang braso sa sandalan at tumingala. “Wala na akong magagawa. Marami na akong panahong nasayang. Kailangan kong tanggapin na mag-iisa ako habambuhay at kahit kailan ay hindi mapapasaakin ang pangarap ko at babaeng mahal ko.”
Habang pinagmamasdan ang lungkot sa mukha nito ay gusto niyang maiyak. Ayaw niya dito noon dahil mapaglaro ito sa babae. Akala niya ay hindi ito marunong magmahal. May puso rin pala ito.
Naramdaman niya ang pamamasa ng mata. “Gusto mo bang tulungan kita para makapagtapat ka sa babaeng iyon?” Pinunasan niya ang luha bago pa man iyon malaglag. “May pagkakataon pa, Linux. Hindi pa huli ang lahat.”
Saglit siya nitong sinulyapan. “Anong nakakaiyak?” Umiwas ito ng tingin. “Huwag mo akong iyakan.” Kahit na inilayo nito ang mukha sa kanya, narinig niya ang galit sa tinig nito and nakita niya ang tensiyon sa balikat nito.
He was shaking. Naalarma siya. Umiiyak ba ito?
Hinawakan niya ang balikat nito upang magbigay ng lakas ng loob at pang-unawa. Nang isang malakas na tawa ang pumunit sa makabagbag-damdaming sandaling iyon. Sa labis na pagtataka, ito ang tumatawa.
“A-Anong nakakatawa?” aniya sa labis na pagtataka.
“Ikaw!” anitong namumula na sa katatawa. “Paniwalang-paniwala ka sa akin.”
Napatayo siya nang malamang pinaglalaruan siya nito. “Ibig sabihin hindi totoo ang tungkol sa babaeng sinasabi mo? Niloloko mo ako!”
“Oo naman,” sabi nito na hindi pa rin nawawala ang ngiti sa labi. “Sa palagay mo ba mukha akong broken hearted? Arice, mas kilala mo naman ako kaysa diyan. Sandali, kukuha lang ako ng juice sa ref. Nakakatawa ka talaga.”
Pinanood niya ito habang palayo. Kahit na gusto siya nitong galitin, hindi siya makadama ng galit. Hindi siya naniniwala sa huli nitong sinabi. Lahat ng sinabi nito tungkol sa pangarap nitong magkapamilya at sa babaeng mahal nito ay totoo.
Hindi nito magawang magmahal ng ibang babae dahil nananatili pa rin ang puso nito sa isang espesyal na babae. Sa babaeng minahal nito. At kahit kailan, walang babaeng papalit sa pwesto nito.
Mas kilala niya ito ngayon kaysa sa iba. Nakikita niyang ayaw nitong mag-isa. At kahit na ano pa ang reputasyon nito bilang lady killer at isang buwan lang ang itinatagal ng isang babae sa piling nito, alam niyang gusto pa rin nito ng isang babaeng panghabambuhay. Sa kasamaang-palad, takot itong masaktan.
PILIT ang ngiti ni Alarice habang nakikipag-usap sa ilang business colleague. She felt unusually bored tonight. Kasama niya si Keith sa isang business engagement at ito ang palaging bumabangka sa usapan. Ilan sa mga opinyon nito ay taliwas sa paniniwala niya ngunit hindi niya magawang kumontra.
Sinabi ni Linux sa kanya na ayaw nitong kinokontra ang opinyon dahil tiyak na magtatalo sila. Ayaw nitong malalamangan ng isang babae.
And that made things boring. Hindi siya tango na lang nang tango lalo na’t may sarili siyang opinyon. Kapag sila ni Linux ang nagtatalo, hinahayaan lang siya nito sa opinyon niya. They were even at the verge at cutting each other’s throat sometimes. Pagkatapos magtalo, walang nagbabago sa opinyon nila pero alam nilang pareho nilang iginagalang ang pasya ng isa’t isa. Kaya mas may spice ang buhay. Hindi boring.
“Arice, are you okay?” puna ni Keith. “You’re so quiet tonight.”
Humawak siya sa braso nito at ngumiti. “Don’t mind me. This is your night, Keith,” sabi niya.
“No. I want you to enjoy this night. Do you want to dance?”
Iiling na sana siya nang makita si Linux sa di kalayuan. Sinaluduhan pa siya nito nang magsalubong ang kanilang mga mata. He looked so dashing tonight. Gaganti sana siya ng ngiti dito subalit nagbago ang isip niya nang makita ang babae na kasama nito.
“Linux is with Sandy?” wala sa sariling usal niya.
Napatingin si Keith sa direksiyong kanyang tinitingnan at nakangiting bumaling sa kanya. “Yes. Maybe that’s why Linux is late for the party. Because Sandy always wants to come to the party late to get everybody’s attention.”