“Nasaan na ang ipinagmamalaki mong lalaki na mag-aahon sa iyo sa pagiging miyembro ng Asosasyon ng Matatandang Dalaga?” salubong ni Pepper kay Alarice nang saluhan niya ang mga ito sa mesa.
Birthday party ng inaanak niya sa class president nila noong high school na si Gene. Gaya ng dati, isang reunion muli ang nangyari. At sa pagkakataong ito ay target ng mga ito ang lovelife niya.
Sinulyapan niya ng isang ‘lagot ka mamayang’ tingin si Gay na patay-malisya lang. Sinabi na nga ba niya’t hindi ito makakatiis at ikakalat ang tsismis tungkol kay Keith. Mabuti na lang at hindi niya naikwento dito ang tungkol kay Linux kung hindi ay mas malaking pangangantiyaw ang matatanggap niya.
Bahagya niyang sinulyapan ang grupo ng mga kalalakihang kaklase niya noong high school. Wala pa doon si Linux. Darating kaya ito?
Kinalabit siya ni Pepper na kanina pa nangungulit. “Bakit hindi ka makasagot? Siguro hindi naman totoong nanliligaw sa iyo si Keith Arnaldo. Suplado iyon noong high school tayo. Baka naman iniilusyon mo lang siya.”
Pilit siyang ngumiti. Ni hindi pinansin ang pangangantiyaw ni Pepper. “Katatapos pa lang ng client meeting nila. Baka medyo matatagalan siyang dumating dahil traffic.”
Keith is still courting her. Mas pursigido pa ito kaysa sa dati. Subalit si Linux pa rin ang lagi niyang hinahanap. Kapag kasama niya si Keith, lalo niyang napapatunayan na si Linux ang kailangan niya sa kanyang tabi at hindi ito.
“Sinagot mo na ba siya?” tanong naman ni Meredith. “Kapag ikinasal kayo, you’ll make a good cover for my magazine.”
“Hindi pa niya sinasagot,” sabi ni Gay. “Ako na lang ang tanungin ninyo dahil sinasabi rin naman sa akin ni Arice ang lahat. Hayaan muna natin siyang kumain.”
“Sige na nga,” nanghihinayang na sabi ni Nancy. “Excited pa mandin akong malaman kung ano ang sekreto ng lalo mong pagganda at nasilo mo si Keith.”
Iniwanan niyang nagkakagulo ang grupo at hinayaang si Gay na magkwento. Papunta na siya sa buffet table nang makita ang mga batang masayang naglalaro. May kumurot sa puso niya. She wanted to have a child of her own.
Sabi ni Linux ay makukuha lang niya ang pangarap na magkapamilya sa piling ni Keith. Subalit tuwing pipikit siya at mangangarap ay si Linux ang nakikita niya. Binawi niya ang tingin sa mga bata. Tama. Si Linux ay isa lang malaking pangarap.
“Ninang! Ninang!”
Naputol ang diwa niya nang marinig ang sigaw ng inaanak na si Eugene. Nakangiti siyang bumaling sa direksiyon nito. But her smile froze when she saw whom the kid is tagging along. Si Linux.
Nagulat rin ito nang makita siya. Mukha itong tatakbo palayo sa kanya kung hindi lang hawak ni Eugene ang kamay nito. Taliwas sa nararamdaman niya. She missed him a lot. Hinahanap-hanap niya ang kakulitan nito, pang-iinis, panenermon pati yakap at halik nito. Subalit sa nakikita niya ay mas gusto nitong burahin ang alaalang iyon. Ayaw nitong makita siya.
Itinuon niya ang atensiyon kay Eugene. “Happy Birthday!” bati niya at hinalikan ito sa pisngi. Naramdaman niya ang mga sulyap ni Linux sa kanya.
Lumabi si Eugene. “Where’s my gift, Ninang?”
“I gave it to your Mom.”
Lalo itong sumimangot. “Pero ako po ang may birthday at hindi si Mommy. Dapat sa akin ninyo ibibigay ang gift. Tingnan po ninyo si Ninong Linux, sa akin niya ibinigay,” pagmamalaki nito sa regalo ni Linux na hawak sa kabilang kamay.
“Okay,” aniyang sumusuko sa kakulitan nito. “Kukunin ko na.”
Pumunta siya sa mesa ng mga regalo at kinuha ang bigay niya dito. Pagbalik niya ay naroon pa rin si Linux na halatang gustong tumakas subalit hindi makawala.
“Here’s your gift.” Inabot niya ang regalo dito na mabilis nitong tinanggap. “Where’s my kiss?”
Patalon-talon itong lumapit sa kanya. Yuyuko na sana siya upang maabot nito ang kanyang pisngi nang hindi sinasadyang tumama ang ulo nito sa kanyang baba. Nakagat niya ang pang-ibabang labi. Mabilis siyang napatayo nang malasahan ang dugo mula sa sugat na likha ng aksidente.
“Dugo! Dugo!” sigaw ni Eugene at nagtatakbo palayo.
Hangos na lumapit sa kanya si Linux. “Are you okay?” Hindi siya makasagot dahil abala siya sa pag-ampat ng pagdurugo na hindi niya alam kung paano. “Heto ang panyo,” anito at inabot sa kanya ang puting panyo. “Masakit pa ba?” puno ng pag-aalalang tanong nito.
Natulala siya nang makita ang magkahalong pagkagimbal at pag-aalala sa mukha nito. Namumutla ito. Mukha itong mauubusan ng dugo.
“I think you’re critical,” anito nang hindi siya nakasagot. Sa kanyang pagkagulat ay binuhat siya nito at itinakbo papasok sa bahay.
“I-It’s just my lip, Linux,” nausal niya nang matauhan. “H-Hindi ako pilay. I can walk. Hindi pa ako mamamatay, ano ba? Ibaba mo ako!”
“Shut up!” bulyaw nito sa kanya.
Makikipagtalo pa sana siya dito nang salubungin sila ni Ella, ang Mama ni Eugene. Hila-hila ito ng bata na nagtatago sa likod ng nanay at takot na takot.
“Anong nangyari?”
“Her lip is bleeding badly,” paliwanag ni Linux. “Pahingi ng yelo. At saan ko siya pwedeng dalhin?”