Asociacion de las Solteras Series Chapter 66

“Sa guestroom,” anito at itinuro sa kanila ang guestroom matapos mag-utos na ipasunod ang yelo.

Hindi siya makapaniwala habang nakatitig kay Linux. Takot na takot ito. Pumikit siya at humilig sa dibdib nito. He had been avoiding her for almost a month. Tuwing magkakasama sila sa isang lugar ay lumalayo ito. Iniiwasan siya. Kaya hindi siya makapaniwalang nasa bisig siya nito ngayon.

“Ako na ang bahala sa kanya, Ella,” sabi ni Linux matapos siyang ibaba sa kama. “Iwan mo na lang ang yelo at balikan mo na ang mga bisita mo.”

“Salamat. Pasensiya na kay Eugene, Alarice,” sabi ni Ella. “Ganyan talaga ang mga bata. Makukulit. Naperhuwisyo ka tuloy ng kalikutan niya. Huwag kang mag-alala at pagsasabihan ko. Ipatawag na lang ninyo ako kapag may kailangan kayo.”

Nakadama siya ng tensiyon nang silang dalawa na lang. Hindi ito kumibo habang inaasistehan siya nito sa paglalagay ng yelo sa kanyang labi.

“Masakit pa ba?” walang emosyong tanong nito subalit bakas naman sa mukha nito ang pag-aalala sa kanya.

“Hindi mo na ako kailangang bantayan,” aniya nang agawin ang yelo mula dito at siya na mismo ang maglagay sa kanyang labi. “Bumalik na na sa kanila at…”

“Shut up!! Huwag ka nang masyadong magsalita.” Hinawakan nito ang kamay niyang may hawak na bimpong may yelo at inangat iyon. Napatitig siya sa kamay niyang hawak nito. Sa kabila ng lamig ng yelo ay nararamdaman niya ang init ng kamay nito. “Hindi na iyan masyadong mamamaga. Tiisin mo lang ang sakit.”

“Bakit ginagawa mo ito, Linux?”

“Because I care,” kaswal nitong sagot. “Kaibigan na ang turing ko sa iyo. Isa pa, dapat lagi kang maganda sa paningin ni Keith. Mahirap nang maghanap siya ng iba.”

“Bakit ba puro si Keith ang iniisip mo?” naiinis niyang tanong.

Hindi nito pinansin ang tanong niya. “Malapit nang mag-propose sa iyo si Keith. Iyon ang sinabi niya noong magkita kami. Malapit mo nang makuha ang gusto mo,” anito. As if he was genuinely happy for her even if she could see sadness in his eyes.

“Hindi ako yayayain ni Keith magpakasal dahil hindi ko pa siya boyfriend.”

Nagulat ito. “Ganoon ba? Sagutin mo na,” pang-eengganyo nito.

Huminga siya nang malalim upang ibsan ang bigat sa dibdib at upang kumuha ng lakas ng loob. “Paano ko siya sasagutin kung hindi ko siya mahal? Hanggang ngayon ikaw pa rin ang gumugulo dito at dito.” Itinuro niya ang sentido at ang dibdib.”At kahit kailan ay hindi ko makukuha ang gusto ko. Ikaw.”

Binitiwan nito ang kamay niya. “Kalimutan mo na ako,” matigas na sabi nito. “Si Keith ang isipin mo at ang kinabukasan mo sa kanya. Kapag natupad mo na ang pangarap mo, saka mo maiisip na tama ako.”

“Talaga bang kaibigan lang ang turing mo sa akin?”

“Oo,” walang emosyong sabi nito.

Tumawa siya nang pagak. “Pero bakit ganoon ka na lang mag-aalala sa akin kanina? It is just a broken lip but you were acting as if I was about to die. Putlang-putla ka. Pag-alala lang ba iyan ng isang kaibigan o mahal mo rin ako?”

Nagbaga sa galit ang mga mata nito. Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat at inalog. “Damn you for being so pushy. Bakit kailangan mo pang magtanong? Alam mo na ang sagot ko diyan. Tanggapin mo na lang ang hangganan ng nararamdaman ko para sa iyo. Paniwalaan mo na lang lahat ng sinasabi ko.”

Sa halip na manlambot ay lalo siyang nabuhayan ng loob. Hindi siya natinag sa ipinapakitang galit nito. “Sabihin mong hindi mo ako mahal,” hamon niya.

Parang binuhusan ito ng malamig na tubig. Iniiwas nito ang paningin sa kanya at dahan-dahang lumayo. Takot na takot ito. Animo’y nasukol na hayop.

“Bakit hindi ka makasagot?” tanong niya.

Naglakad ito patungo sa pinto. “This discussion is not going anywhere. Mas mabuti pa kung iwan na lang kita para makapagpahinga ka.”

“Coward! Hanggang kailan ka tatakbo, Linux?” sigaw niya bago nito pabagsak na isinara ang pinto.

Nakangiti siyang tumayo sa tabi ng bintana at tumingin sa labas. Desidido na siya kung ano ang gusto niya sa buhay. Kung gusto niyang mapasakanya si Linux, kailangan na niyang umaksiyon ngayon.

“GALIT ka ba sa akin, Arice dahil umalis agad tayo sa party? Kausapin mo naman ako, please? Kung ayaw mong dito tayo, ihahatid na lang kita pauwi.”

Mula sa hinahalong kape ay umangat ang tingin ni Alarice sa nagmamakaawang mukha ni Keith. Saka lang niya naintidihan ang sinasabi nito. Masyado siyang maraming pinaplano sa isip kaya hindi ito halos napapansin.

Habang nasa party sila ay hindi rin ito mapakali. Kaya marahil hindi nito napansin na malalim ang iniisip niya. Wala pa itong kalahating oras sa party at nagyaya na itong umalis sa hindi niya malamang dahilan. Nakabuti sa kanya ang pagdadala nito sa kanya sa isang café para mas makapag-isip siya sa dapat gawin kay Linux.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.