Asociacion de las Solteras Series Chapter 69

Meredith is a bridal magazine editor pero wala siyang balak mag-asawa. May sumpa sa kanilang pamilya kung saan lahat ng babae ay hindi magiging maligaya sa pag-ibig. Mula sa kalola-lolahan niya hanggang sa kapatid niya ay hindi lumigaya sa piling ng isang lalaki.

Kaya kahit inlove siya sa boss niyang si Siege, wala siyang magawa kundi titigan lang ito. Ngunit nang nang sabihin nitong mahal siya nito ay wala siyang masabi kundi ‘No me ames’.

“Good morning,” bati ni Meredith kay Kristine, ang kanyang assistant. Naabutan pa niya itong naglalagay ng kolorete sa mukha. Ni hindi napansin ang pagdating niya.

Sa sobrang gulat ay dumaplis ang lipstick na inilalagay nito sa labi. “M-Ma’am, good morning,” anito at hindi magkandatuto sa pag-aayos ng gamit sa mesa.

Ngumiti siya. “Ayusin mo muna ang mukha mo bago ka sumunod sa akin,” aniya at pumasok sa private office.

Maaga siyang pumasok dahil nalalapit na naman ang release ng weekly bridal fashion magazine-ang The Bride. Bilang editor-in-chief ng naturang fashion magazine, kailangang maging metikulosa siya sa kalalabasan ng kanilang edition dahil hindi lang sa Pilipinas ang kanilang sirkulasyon kundi maging sa ibang bansa sa Asya.

Pagpasok ng opisina ay tumutok agad sa vase sa ibabaw ng mahogany desk niya ang paningin. Gaya nang nakakaraan ay may nakalagay na namang sariwang pulang rosas doon. Dinampot niya ang bulaklak at sinamyo.

“Ay, nakakainggit,” nanunuksong sabi ni Kristine nang pumasok. Maayos na lipstick na dumaplis sa labi nito. Pinahaba nito ang mapulang nguso. “Mabuti pa sa iyo, may nagmamahal. Samantalang sa akin wala.”

Nangingiti niyang ibinalik ang rosas sa plorera. “May nagmamahal nga, hindi ko naman alam kung sino. Para siyang multo.”

Nasanay na siya ilang buwan na ang nakakaraan na laging may rosas sa desk niya tuwing dumarating siya. Walang palya iyon, umulan man o umaraw. Maliban na lang kung hindi siya pumapasok. Subalit wala silang ideya kung sino ang misteryosong tagahanga niya.

Umupo ito at nakiamoy din ng bulaklak. “Baka naman si Mang Pilo. Iyong matandang utility man natin. Matandang binata na iyon. Baka matagal na siyang may pagnanasa sa iyo kaya hindi pa rin makapag-asawa. Nahihiya lang sigurong umamin ng kanyang pagsinta.” Nakangiwi nitong ibinalik ang bulaklak sa plorera. “Kung iyon ang admirer mo, hindi na ako maiinggit. Salamat na lang.”

Napapailing siyang umupo. Mula nang maging editor in chief siya dalawang taon na ang nakakaraan ay ito na ang naging assistant niya. Palibhasa ay may working chemistry sila at may libre pa siyang clown kaya gusto niya ito. Kaibigan na rin ang turing niya dito at hindi simpleng assistant lang.

“Huwag mo ngang pag-initan si Mang Pilo.” Binuksan niya ang desktop computer. “Sabihin mo na ang schedule ko ngayon habang tinitingnan ko ang mga email sa akin. Baka dumating na ang files ni Brazile galing London.”

May bridal fashion show na dinaluhan ang assistant chief photographer ng Torch Publication at pinakamatalik niyang kaibigan na si Brazile. Subalit hindi lang fashion show ang ipinunta nito doon. Kasama nito ang nobyong si Keith, isa sa dalawang publisher nila sa Torch.

Dapat ay hindi si Brazile ang ipapadala sa London dahil ayaw itong payagan ni Keith. Subalit natuloy din ito sa kondisyong kasama si Keith at magbabakasyon ang mga ito sa Europa pagkatapos ng trabaho.

“Bruha siya!” komento ni Kristine. “Inagaw niya sa akin si Sir Keith. Hindi bale, single pa naman si Sir Siege. May note pala siyang iniwan kaninang dumaan siya.”

Inabot niya ang note na iniwan ng isa pa nilang publisher na si Siege Matthews. Sinasabi doon na kailangan niyang magpunta sa opisina nito pagdating na pagdating niya. Mukhang napaka-urgent ng mensahe nito.

“Pupunta na ako doon. Mamaya mo na lang I-discuss sa akin ang schedule ko.”

Nagmamadali siyang tumayo at wala sa sariling inayos ang kanyang maayos nang damit. Hindi dahil sa urgent ang mensahe nito. Kundi gusto niya itong makita. Hindi yata maku-kumpleto ang araw niya kapag hindi ito nakikita.

“Maganda ka na, bakit kailangan pang mag-ayos?” tanong nito sa naniningkit na mata. “At ang ngiti, abot hanggang tainga. Mukhang kinakaribal mo ako kay Sir Siege.”

“Hindi kita kinakaribal,” tutol niya at pinagmasdan ang mukha sa compact mirror.

Okay pa ang make up niya at hindi oily ang balat niya. Hindi rin magulo ang kanyang hanggang balikat na buhok. Bumagay sa kanyang mestisang features ang pagka-dark brown ninyon. Maganda pa rin siya.

“Mas lalo mong masasapawan ang ganda ko,” anito at pabagsak na ibinaba ang hawak na itinerary sa desk. Lumikhah iyon ng tunog. “Kaya hindi ako mapansin-pansin ni Sir Siege dahil alam niyang mas maganda ka sa akin. Sana magpapangit ka naman ng kaunti para naman pansinin niya ako.”

Hindi kaila sa kanya na patay na patay ito sa boss nilang si Siege. Ilang beses na itong nagpa-cute subalit gaya ng ibang empleyadong babae na may gusto dito ay hindi ito pinapansin ni Siege.

“Wala naman siyang pinapansing babae. Ano ang bago doon?” konsolasyon niya dito. “Para namang hindi ka nasanay doon.”

“Bulag ka yata.” Iniwanagayway nito ang palad sa mukha niya. “Ma’am, hindi ba ninyo napapansin na ikaw lang ang nginingitian niya? Masama ang kutob ko na ginayuma ninyo iyong si bossing.”

“Hindi ko napapansing sa akin lang siya nakangiti,” pagkakaila niya.

Kahit na tumataba ang puso niya sa ideyang iyon. Kapag nakikita niya si Siege, wala na siyang pakialam kung sinisimangutan man nito ang tao sa paligid niya. Lumilipad na ang isip niya kapag nakikita ang ngiti nito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.