Asociacion de las Solteras Series Chapter 8

Hindi dahil sinagip siya nito kanina at ihinahatid siya nito sa bahay nila ay may lisensiya na ito para pangaralan siya. Kanina pa niya sinisisi ang sarili kaya hindi na niya kailangan pa ng sermon mula dito.

Sinulyapan siya nito at muling ibinalik ang tingin sa pagmamaneho. “Concerned lang ako. Bata ka pa para mapariwara. Mali ang ginawa ninyo ni Conrad kanina. Baka sinabihan ka lang niyang mahal ka niya, naniwala ka naman. Papunta na siya sa Amerika. Hindi ka na niya babalikan pa. Isa pa, halos lahat ng babae ay sinasabihan niyang mahal niya para maidala niya sa kama. Bukod sa iyo marami pa siyang ibang girlfriend. Aasa ka lang sa wala.”

Huminga siya nang malalim. Itinutulad pala siya nito sa ibang mga babae. Akala nito ay nahuhumaling din siya kay Conrad.

“Hindi ko boyfriend si Conrad,” mariin niyang sabi. “Hindi ko rin siya mahal.”

Tumawa ito nang pagak at nang-uuyam siyang tiningnan. “So you are a member of the wild of the crowd that Conrad goes around with. Isa ka sa mga babaeng mahilig mag-experiment sa maraming bagay. Wine, drugs and casual sex. Naniniwala ka siguro na malaki ka na at maari mong ipakita sa iba na mature ka na. Kaya naman hindi ka nag-alinlangan na yayain si Conrad na…”

“Niyaya? Ako ang nagyaya?” tanong niya sa mataas na boses.

“That’s what he told me,” he said in a disgusted tone. “Inakit mo raw siya. At dahil adventurous ka ay doon mo siya niyaya sa kuwarto ng parents niya. Pero hindi mo alam na ikaw ang pinaglaruan niya. Pinagpustahan ka lang niya gaya ng ginawa nilang magkakaibigan sa ibang babaeng nakasama niya.”

Pinagpustahan lang siya. Kahit kailan ay hindi pa siya nakatanggap ng ganoong insulto. At sinasabi ni Keith na isa siyang kabataan na patapon ang buhay. Na kabilang siya sa mga taong mahilig sa alak, drugs at sex. Hindi siya ganoong klaseng babae.

“Mali ka!” tutol niya. Mali ito ng akala sa pagkatao niya. Hindi niya matanggap na mababa ang pagkakakilala nito sa kanya.

Subalit sino ang mag-iisip na isa siya sa mga model student ng St. Jerome kung nasa party siya ni Conrad kasama ang mga kabarkada nito na may hindi magandang reputasyon? At nakita pa siya nito na kasama sa kama ang pinsan nito.

Ni hindi nito alam na nanlalaban siya. Na hindi niya gusto ang mga pangyayari. Na wala siyang kontrol dahil malakas ito.

“Tama ako,” giit nito.”Masyado ka pang bata para sirain ang buhay mo. Bakit hindi ka na lang mag-concentrate sa pag-aaral mo para…”

“Shut up!” bulyaw niya. “You don’t know a thing about me kaya wala kang karapatan para sabihin sa akin ang dapat kong gawin. Kung sesermunan mo lang ako, mas mabuti pang ibaba mo na lang ako.”

Naalarma ito at pinigilan ang kamay niya nang tangka niyang bubuksan ang pinto. “No. I have to make sure that you get home safely. Huwag mong pangingibabawin anuman ang galit na nararamdaman mo ngayon. Sayang ang buhay mo. Maganda ka pa at bata. Huwag mong sirain sa mga lalaking katulad ni Conrad.”

Itinuon niya ang paningin sa unahan ng sasakyan. Nanatiling madilim ang kanyang mukha. “Tapos na ba ang panenermon mo? Itigil mo ang sasakyan sa tabi dahil nandiyan na ang bahay namin. Salamat sa paghahatid mo sa akin.”

Pababa na siya nang pigilan siya nito sa braso. “Huwag mong kalimutan ang sinabi ko. Huwag mong sirain ang buhay mo.”

Matiim ang kanyang anyo habang pinagmamasdan ang papalayo nitong sasakyan. Malalim ang kanyang paghinga sa matinding galit. Galit siya subalit ang lahat niyon ay nakatuon sa mga lalaki. Mga walang kwentang lalaki.

Ang kanyang Papa na nagsasabing mahal siya ay iniwan siya. Ipinagpalit siya sa bago nitong anak na isang lalaki. Si Conrad ay walang hinabol sa kanya kundi ang katawan niya. At si Keith na inaasahan niyang makakaintindi sa kanya ay iniisip na isa siyang masamang babae.

Nakuyom niya ang palad. Kailangang mawala ang mga lalaki sa buhay niya. Wala nang naidulot ang mga ito sa kanya kundi sama ng loob at pighati.

Naramdaman niya ang pagpatak ng luha. Ito na ang huling pagkakataon na iiyak siya dahil sa isang lalaki. Hindi siya magpapatalo. Malakas siya. Mas malakas sa sinumang lalaki na nanakit at magtatangkang manakit sa kanya. Walang kahit sino ang maaring sumira sa pagkatao niya. Walang maaring tumalo kay Brazile Cardenas.

“BRAZILE, yahoo!” sabi ni Meredith at ipinitik ang daliri sa harap niya. “Nasaan ba ang isip mo at nakatulala ka?”

Naipilig niya ang ulo. Nasa birthday party siya ng anak ng dati nilang class president na si Gene. Gaya ng dati, parang isang reunion na naman iyon ng kanilang klase. Walang ginawa ang bawat isa kundi magkwentuhan at I-update ang pangyayari sa kanya-kanyang buhay.

Subalit wala siyang naiintindihan sa mga sinasabi ng mga ito. Lumilipad ang isip niya sa pagkikita nila ni Keith. Bakit kailangan nitong magpakita sa kanya?

Ilang taon na itong namalagi sa ibang bansa. Sana nanatili na lang ito doon. O kung uuwi man ito sa Pilipinas, dapat ay sa ibang lugar na lang ito nagtayo ng negosyo. Hindi sa lugar na maari silang magkita.

“May sinasabi ka ba?” tanong niya.

“Sabi ko kung alam mo na ang tungkol sa bagong manliligaw ni Alarice,” sabi nito. “Si Keith Arnaldo.”

“Keith Arnaldo?” nahihindik niyang sabi.

“Oo,” sabi ni Pepper. “Don’t tell me nakalimutan mo na si Keith. Crush mo siya noong high school tayo. Hindi ba kulang na lang magsabunutan kayo ni Arice noon dahil sa kahibangan ninyo sa lalaking iyon?”

“Tama!” tumatawang sabi ni Meredith. “Kaya parehong mukhang disaster ang mga iyan nang malamang papunta ng Amerika si Keith.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.