“Kahit na ma-in love pa ako sa iyo, hindi mo rin malalaman. Dahil hindi ko sasabihin. Isa pa, wala akong balak na mag-asawa.”
Tumayo siya at kinuha ang iced tea nito. Binuksan niya iyon at ibinalik sa harap nito. Nakakunot ang noo nito. Puno ng pagtatanong sa mga mata.
“Bakit hindi ka mag-aasawa?”
“Because I’m cursed,” aniya bago ito tinalikuran.
NAKASANDIG si Meredith sa balustre ng verandah habang nakatingin sa madilim na langit. Gusto niyang takasan ang kasayahan sa loob ng bahay. Namamanhikan ngayon si Emer, ang nobyo ng nakababata niyang kapatid na si Corrine.
Masaya siya para kay Corrine dahil mula pagkabata ay minahal na nito si Emer. Pangalawa ay naiinggit siya dahil ikakasal na ito. Sinabi niya mula pagkabata na gusto rin niyang mag-asawa tulad ng normal na babae. Subalit alam niyang hindi iyon posible sa kanya. Pangatlo ay takot para kay Corrine. Kaparehong takot na naramdaman niya sa sarili tuwing maiisip niyang ikakasal siya at masasaktan lang sa huli.
Napapitlag siya nang may mga kamay na humawak sa balikat niya. “Ano ang iniisip ng dalaga ko?” tanong ng kanyang Mama na si Maristella.
Nakangiti niya itong sinulyapan at muling ibinalik ang tingin sa kadiliman sa labas. “Wala, Mama. Ang trabaho ko lang.”
“Magsisinungaling ka pa ba sa akin?” sabi nito at pilit siyang iniharap. “Baka naman iniisip mo ang sarili mong lovelife dahil napag-iiwanan ka na. Dapat lang ikonsidera mo na ang pag-aasawa. You are at the peak of your career. Panahon na para magkaroon ka ng sariling pamilya. Time is running out, hija. Sa isang taon ay treinta ka na. Gusto ko namang makita ang apo ko sa iyo.”
Bumuntong-hininga siya at ibinaba ang tingin sa hawak na alak. ”I told you, Ma. Hindi ako mag-aasawa.”
Ilang beses na niyang nabanggit iyon subalit lagi na lang siya nitong hindi pinaniniwalaan. Akala yata ay hindi siya seryoso. Nang malaman nitong sumali siya sa Asosasyon ng Matatandang Dalaga ng Saint Jerome noong high school ay katakot-takot na sermon ang inabot niya. Kalokohan daw ang iniisip niya. Darating daw ang panahong mag-aasawa siya sa ayaw niya’t sa hindi.
Subalit pinangatawanan niya ang hindi pag-aasawa. Siya na lang sa mga kaklase noong high school ang walang nobyo o asawa. Si Brazile na bestfriend niya ay may nobyo na. Hindi nakapagtatakang ibalita na lang nitong ikakasal na rin ito.
“At gusto mo pang sumunod sa yapak ng Tita Constanza mo? Alam kong paborito mo siya pero hindi mo naman kailangang magpaka-tandang dalaga tulad niya. Hindi madaling mabuhay nang mag-isa sa mundo lalo na sa pagtanda mo.”
Humigpit ang hawak niya sa baso ng alak. “It’s the curse, Ma. Natatakot ako. Ayokong matulad sa inyo ni Lola at ng mga tiyahin at pinsan ko. Lahat kayo nasawi sa pag-ibig.”
Ayon sa kwento ng kanyang Lola Eleonor, may lola siya nang ilang salinlahi na ang nakakaraan ang isinumpa ng isang lalaki. Dapat ay ipapakasal ito subalit nakipagtanan ang kanyang lola sa kalaban ng pamilya ng kasintahan.
Nagpakamatay ang lalaki subalit nag-iwan muna ng isang sumpa. Ang kanyang lola sampu ng susunod pa nitong mga anak at apong babae na hindi makakatikim ng kaligayahan sa piling ng lalaki kailanman.
Simula noon ay animo’y may malalang sakit sa kanilang pamilya. Ang lahat ng babaeng nag-aasawa, kung hindi man nabibiyuda ay hinihiwalayan naman ng asawa. Mga lalaki lang ang may masayang buhay-pamilya.
Kaya mas gugustuhin na niyang maging matandang dalaga tulad ng kanyang Tiya Constanza para makalusot sa sakit ng sumpa. Alam niya kung gaano kasakit mawalan ng minamahal.
Tumawa ang kanyang Mama. “Moderna kang babae, Meredith. Bakit ka nagpapaniwala sa isang kwento-kwento na mula pa sa panahon ng Kastila?”
“Pero hindi ko po maiwasang maniwala. Isa ka nang halimbawa, Mama. Nawala si Papa sa iyo. Ganoon din si Lola nang namatay si Lolo sa giyera. At ang mga tiyahin at pinsan ko na hiniwalayan ng asawa. Ipinagpalit sa iba. Natatakot din akong mawalan ng mamahalin. At mas natatakot ako para kay Corrine. Paano kung…”
“Tama na, Meredith!” saway nito. “Tandaan mo na tao ang gumagawa ng sarili niyang kapalaran. Kung namatay man ang Papa mo, hindi ko pinagsisisihan ang pagpapakasal sa kanya.”
“Hindi kayo nalulungkot na nawala siya sa inyo?”
Samantalang nang mamatay ang kanyang Papa dahil sa aksidente sa kotse ay gabi-gabi itong umiiyak. Saksi siya kung paano itong magdalamhati. Sampung taon siya noon kaya alam niya kung gaano kasakit. Hindi katulad ng kapatid niyang sina Corrine at Christian na pawang mga bata pa at walang muwang.
Sumilay ang malungkot na ngiti sa labi nito subalit may kislap sa mga mata. “Nalulungkot ako dahil wala na siya. Pero wala akong dahilan para masaktan dahil nag-iwan siya sa akin ng tatlong mababait na anak. Mga anak na ipagmamalaki ng kahit sinong magulang.” Hinaplos nito ang buhok niya. “Bumalik na tayo sa loob dahil baka hinahanap na tayo ng mga bisita.”
Malungkot niyang sinulyapan ang kadiliman ng gabi bago pumasok sa loob ng bahay. Kasingdilim iyon ang hinaharap niya sa kanyang buhay pag-ibig.
Kung totoo man o hindi ang sumpa, hindi pa rin niya maaring ipakipag-sapalaran ang kanyang puso. Kahit katulad ng mga babaeng malakas ang loob na magtapat ng nararamdaman kay Siege ay gusto rin niyang sabihin ang kanyang nararamdaman, natatakot pa rin siya. Dahil maari itong mawala sa kanya habambuhay.
Sasarilinin na lang niya ang nararamdaman kaysa ipahamak niya ang taong mahal niya. Kailangan niyang harapin ang malungkot na mundo ng mag-isa.