“Napapirmahan mo na ba kay Sir Siege ang approval para sa Urduja Welfare Center?” tanong ni Meredith kay Kristine nang pumasok sa opisina niya.
“I think I’m in love. Ang guwapo talaga niya, Ma’am! Napakabango! Kahit hindi siya kasing yaman ni Sir Siege dahil isa lang siyang hamak na personal secretary, okay lang. Dahil hindi naman dehado ang lahi ko kay Karl. Guwapo siya, maganda ako.”
Naiiling niya itong pinagmasdan. Nitong nakakaraang araw ay mukha itong baliw dahil sa bagong personal secretary ni Siege. Lalaki ang kinuhang sekretarya para hindi na magka-problema sa mga babaeng mai-in love na naman dito. Subalit mukhang ang sekretarya naman niya ang nasa balag ng alanganin. Malakas ang tama nito kay Karl.
Inilahad niya ang kamay. “Nasaan na ang pinapirmahan ko?”
Tumingala lang ito na parang nangangarap at lalong niyakap ang folder. “Napaka-cute talaga niya. Alam mo bang nginitian niya ako kanina?” Dumukwang ito sa desk. “Sa palagay mo ba may gusto rin siya sa akin?”
Pilit siyang ngumiti. “Sa palagay ko lukot na ang folder. Kanina mo pa niyayakap iyan kaka-Karl mo. Akin na.”
Tumuwid ito nang tayo at pinlantsa ng kamay ang folder. “Sorry, Ma’am” Inabot nito ang folder sa kanya. “Napirmahan na po iyan ni Sir Siege.”
Binuklat niya ang folder. “Sige, bumalik ka na sa desk mo. Salamat.”
“Pero Ma’am, sa palagay po ba ninyo type din ako ni Karl?”
“I-type mo na ang ipinagagawa ko sa iyo. At tigilan mo na si Karl.”
Napayuko ito. “Opo, Ma’am,” mahinang sabi nito at lulugo-lugong lumabas.
Delikado si Kristine kapag na-in love. Nawawala na nga sa sarili, nadadamay pa ang trabaho. May disadvantage din pala kung guwapong lalaki ang sekretarya ni Siege. Hindi apektado ang trabaho nito. Pero trabaho naman niya ang dehado.
Binuklat niya ang folder upang kumpirmahin kung napirmahan na nga ni Siege ang dapat pirmahan. Baka mamaya ay pumalpak si Kristine. Ayaw na niya ng dagdag na problema dahil marami na siyang trabaho. Bukod sa pagiging editor-in-chief the The Bride, tumutulong din siya sa pag-oorganisa ng benefit show para sa Urduja Welfare Center. Sa pagkakataong ito ay naabusong kababaihan ang beneficiaries nila.
Dapat ay ang kaibigan niyang si Cyrene ang nag-aasikaso ng show. Subalit dahil malapit na itong manganak, hindi ito maaring magpagod. Ilang buwan na ang nakakaraan nang ikasal ito sa supermodel na si Rhance Montalvo.
Napaka-ironic. Kahit kailan ay hindi siya naging cynic pagdating sa kasal ng iba. Masaya nga siya kapag nakakakita ng ikinakasal. Natutuwa siya kapag nakikitang may ngiti sa labi ang babaeng ikinakasal.
Subalit hindi niya mararanasan iyon. Ang pagpa-publish ng fairy tale wedding ang pinakamalapit na bagay na maari niyang maranasan sa kasal.
Kadalasan ay gusto niyang itakwil ang lahing pinagmulan. Sana ay hindi na lang siya napunta sa isang lahi na may sumpa. Sana ay matagal na siyang naikasal at may pamilya na ngayon.
Nahagip ng mata niya ang light blue na post it sa gilid ng folder. Iyon ang kadalasang ginagamit ni Siege kapag may mas personal na mensahe sa kanya. Tinanggal niya iyon at binasa.
To My Summer Rose,
Will you go out with me tonight?
Siege
“Summer Rose?” bulalas niyang magkasalubong ang kilay. Pakiramdam niya ay umakyat ang dugo niya sa ulo. “Sinong Summer Rose ito?”
Mula nang makilala niya si Siege, wala siyang nabalitaan na may gusto itong babae. Lagi itong mailap. Ni minsan ay wala siyang nalamang nakipag-date ito. Kung ganoon, sino ang Summer Rose na niyaya nitong mag-date?
Madilim ang mukha niyang lumabas sa opisina at nagmartsa papunta sa publisher’s office. Halos hindi siya napansing dumaan ng personal secretary ni Siege na si Karl. Abala kasi ito sa pakikipag-usap sa telepono. Matapos ang dalawang mabilis na katok ay binuksan niya ang pinto. Walang nagawa si Karl para tanungin o pigilan siya dahil nakapasok na siya at naisara ang pinto.
“Karl, natawagan mo na ba si Mr. Sandoval?” walang lingon nitong tanong habang buhos na buhos ang atensiyon sa laptop. Akala ay siya si sekretarya nito.
“Hindi ako si Karl, Sir Siege,” sabi niya.
Hindi siya humihinga sa pinipigil na galit at iritasyon. Kung hindi niya kontrolado ang sarili ay baka lukot na rin ang sulat mula dito na hawak niya.
Inalis nito ang atensiyon sa laptop at ngumiti nang makita siya. “Meredith, nabasa mo na ba ang…”
“Oo,” matabang niyang sagot. Idinikit niya sa salamin ng mesa nito ang post it note. “Nagkamali ka yata ng bigay ng love letter.”
Nakakunot ang noo nitong tiningnan ang note at ang galit niyang mukha. “Nagkamali? Paanong nangyari iyon?”
Nagsalubong ang kilay niya. “Hindi ko alam. Basta iyan ang nakita ko sa folder nang ibigay ni Kristine. Ibinabalik ko dahil baka hindi makarating sa Summer Rose mo.”
Ang totoo ay naiinsulto siya sa ginawa nito. Sa dinami-dami ng pwede nitong pagligawan ng love letter ay sa kanya pa. Hindi nito sinasadya pero naiirita siya. Parang ipinangangalandakan nitong may iba itong nagugustuhan. Niyaya pa nitong mag-date. At ang masaklap, hindi siya iyon.