Lumambot ang anyo nito. “I’m sorry, Meredith,” sinserong sabi nito.
Sorry. Napakadaling sabihin pero hindi iyon nakabawas sa hinanakit niya. Mas matutuwa pa siguro siya kung sasabihin nitong siya si Summer Rose at siya ang niyayaya nitong mag-date. Mawawala ang sama ng loob niya kung iyon ang maririnig niya mula dito.
Umingos siya. “Sana hindi na ito maulit sa susunod,” matigas niyang sabi.
She had always been kind and gentle. Napakadalang niyang magalit. Subalit nang mga pagkakataong iyon, gusto niyang galugarin ang buong publication at hanapin si Summer Rose para malaman kung bakit ito nagustuhan ni Siege.
Nakuyom niya ang palad nang maisip ang dahilan. Hindi lang siya basta nainsulto. Nagseselos siya sa Summer Rose na iyon. Wala siyang karapatang magselos pero hindi niya mapigilan ang sarili.
Hinampas niya ang desk ni Kristine nang madaanan nito. “Kristine!”
Napapitlag ito at biglang natauhan mula sa pagkakatulala. “M-Ma’am?” Namutla ito nang makita siya. Animo’y multo ang nasa harap nito at hindi siya. “B-Bakit po? Ano pong problema?” nanginginig nitong tanong.
“Um-order ka ng iced tea sa canteen. Iyong maraming-maraming yelo. Gusto ko ngayundin. Bilisan mo!”
Alangan nitong dinampot ang intercom at sinulyapan siya. “P-Pero Ma’am, hindi po ba bawal sa inyo ang maraming yelo dahil baka sipunin kayo at ubuhin? Mahihirapan po kayo. Hindi kayo makapag-trabaho ng maayos. Kawawa naman po kayo.”
Inilapit niya ang galit na mukha dito. “Wala akong pakialam. Um-order ka na! Ayoko sa lahat iyong pinangungunahan ako.”
“Y-Yes, Ma’am,” anito at hindi magkandatuto sa pag-dial ng numero. Parang hihimatayin ito sa matinding takot.
Akmang papasok siya sa private office nang may maalala. “Kristine!”
Muntik na nitong maibagsak ang awditibo. “Y-Yes, Ma’am?”
“Alamin mo kung sino si Summer Rose.”
NGINITIAN ni Meredith ang security guard na magalang naman siyang binati. Nagpalipas siya ng lunch break sa mall pero hindi siya kumain. Kailangan niyang magpalamig dahil daig pa niya ang sinapian ng masamang espiritu kanina.
Ngayon niya naintindihan ang epekto ng selos sa kanyang sistema. Napaka-pangit siguro niya kanina dahil masama ang timplada ng mukha niya. Nasanay ang mga kasamahan niya na mahinahon siyang magsalita at laging nakangiti. Ayaw niyang bumalik sa trabaho na mukhang halimaw. Kapag nagsungit siya, baka isipin ni Siege na may gusto siya dito at nagseselos kay Summer Rose.
Nakahanda na ang ngiti niya at peace offering na slice ng black forest kay para kay Kristine. Kahit kailan ay hindi pa niya ito nasigawan. Kanina lang. Subalit naabutan niya itong tigmak ng luha ang mga mata. Sa ibabaw ng mesa ay isang box ng Kleenex.
Nilapitan niya ito. “Kristine, what happened?”
Tumingala ito sa kanya at lalong humagulgol ng iyak. “Ma’am, masakit palang mabigo. Napakasakit.”
Inalalayan niya itong tumayo. “Halika, doon tayo sa opisina ko mag-usap.”
May hindi magandang nangyari habang wala siya. At may hinala siyang may kinalaman ang bagong love interest nitong si Karl.
“Ano ba ang nangyari sa iyo?” tanong niya at iniabot dito ang kahon ng Kleenex.
Humikbi ito. “K-Kasi po, Ma’am, hindi po ba binigyan ninyo ako ng assignment. Sabi ninyo sa akin hanapin ko iyong secret love ni Sir Siege. Si Summer Rose. Siyempre wala naman akong ibang pwedeng mapagkunan ng impormasyon kundi kay Karl dahil siya ang may alam sa lahat ng affairs ni Sir Siege. Baka sakaling kilala niya si Summer Rose. Kaninang lunch naki-share ako sa table niya dahil mag-isa lang siya. Tinanong ko kung sino si Summer Rose. Wala daw siyang idea kung sino.”
“Ano ngayon ang nakakaiyak at mukha kang babaeng nabasted?”
Lumakas ang iyak nito. Daig pa ang kinakatay na baka. “Sinabi niya sa akin na baka daw siya si Summer Rose. Baka daw sa kanya may pagnanasa si Sir Siege. Hindi pala kami talo ni Karl. Hindi ako ang type niya kundi si Sir Siege.”
Natutop niya ang bibig. “Ibig sabihin, hindi siya genuine na lalaki?”
Hindi niya alam kung matatawa o maaawa kay Kristine. Hindi nakapagtatakang mag-iiyak ito sa sama ng loob. Malaki ang pagkagusto nito kay Karl.
Sa huli ay hindi niya napigilang matawa. Naisip niya si Siege. Tumatakas ito sa babaeng sekretarya. Pero mauuwi rin pala ito sa isang sekretaryang pusong babae. At katulad ng dati, mukhang in love na naman dito.
Tumayo si Kristine at nagpapadyak. “Nakakainis kayo, Ma’am. Pinagtatawanan ninyo ako.”
“Hindi ikaw ang pinagtatawanan ko. Natatawa lang ako sa sitwasyon. Hindi ko ma-imagine na si Karl si Summer Rose.”
Pinahid nito ang luha at itinaas ang noo. Tapos na ito sa pag-iyak. “Bruha siya! Kakaribalin pa niya tayong dalawa kay Sir Siege.”
“Bakit ako nasali sa karibalan na iyan?” aniyang nakataas ang kilay.
Nanunudyo itong ngumiti. “Kunwari pa kayo. Wala daw gusto kay Sir Siege pero kaninang mabasa ang sulat ni Sir kay Summer Rose, hindi maipinta ang mukha. Nagseselos ka, no?”
Umiwas siya ng tingin. “Nainsulto lang ako dahil namali siya ng lagay ng love note niya sa folder.”
“Bakit kailangan pa ninyong ipahanap sa akin si Summer Rose kung hindi naman kayo nagseselos? Umamin na kayo, Ma’am. Secret lang natin.”