Asociacion de las Solteras Series Chapter 74

Naiikot niya ang paningin sa kakulitan nito. Hindi ito tumitigil hangga’t hindi nalalaman ang totoo. Nahihirapan siyang maglihim dito.

Itinaas niya ang mga kamay. “Oo na, crush ko siya. Pero walang masama sa pagkakaroon ng crush, hindi ba?”

Bulag lang siguro ang hindi magkakagusto kay Siege. Pero hindi niya maaring ipaalam kay Kristine na in love siya. Masyadong delikado ang bagay na iyon.

Kinagat nito ang dulo ng hintuturo. “Ma’am, paano kung ako si Summer Rose? Malay mo dapat pala sa akin ang sulat na iyon sa folder. Hindi ko lang napansin kaya kayo ang unang nakabasa.”

“Mas tanggap ko nang ikaw si Summer Rose kaysa kay Karl.”

Maluwag na ang loob niya dahil nagagawa na niyang tumawa. Hindi katulad kanina na parang gusto niyang awayin sinumang makita niya.

Bumuntong-hininga ito. “Malabong ako si Summer Rose. Nuknukan ng sungit sa akin iyang si Boss Siege. Paano kung ikaw si Summer Rose?”

Umiling siya. “Malabong ako. Sana sinabi na niya sa akin kanina kung ako nga iyon. Pero nag-sorry lang siya sa akin. Ibig sabihin, nagkamali siya. Saka hayaan mo na iyong issue kay Summer Rose. Kalimutan na natin.”

“Hindi na natin aalamin kung sino siya?”

Umiling siya. “In time, malalaman rin natin kung sino siya.”

IKINURAP ni Meredith ang mga mata upang hindi matuloy ang pagpatak ng luha sa mata. Hindi niya maiwasang maluha habang pinagmamasdan ang magagandang wedding gown na ilalabas ng magazine nila sa susunod na edition.

Parang dinukot ang puso niya nang makita ang ngiti sa labi ng featured bride nila para sa issue na iyon. Katabi nito ang groom at bakas sa mga mata nito ang pagmamahal sa isa’t isa.

Ipinikit niya ang mga mata. Matagal na niyang pangarap maging bride. Gusto rin niyang magsuot ng wedding gown at maglakad sa isle. At sa dulo niyon ay hinihintay siya ng kanyang groom. Sa balintataw niya ay nakita niya si Siege na nakangiting naghihintay sa kanya.

“Meredith, wake up,” anang boses ni Siege.

Idinilat niya ang mga mata at ito ang bumuglaw sa kanya. Nag-aalala itong nakatingin sa kanya. Ikinurap niya ang mga mata sa pag-aakalang panaginip lang ito subalit hindi ito naglaho.

Iginala niya ang paningin. Nasa opisina siya at hindi sa gitna ng isle. Hindi rin ito nakasuot ng tuxedo gaya ng laman ng pangarap niya. Hindi sila ikakasal.

Tumuwid siya ng upo. “I-I’m sorry, Sir. Naidlip yata ako. Kasi inaayos ko pa…”

Ngumiti ito at ipinamulsa ang kamay sa slacks. “You don’t have to explain. Lagi ka namang busy pagdating sa trabaho. Pero hindi ka pa yata nagdi-dinner.”

Sinulyapan niya ang relo. “Maaga pa naman. It’s only seven thirty.”

Karaniwan ay alas otso o alas nuwebe ang hapunan niya. Sa trabaho niya ay sanay na siyang late kumain.

“Maaga pa ba sa iyo ang seven thirty? Late na iyon. Nagpapakamatay ka na nga sa trabaho, hindi ka pa kakain. Magkakasakit ka sa ginagawa mo,” pag-aalala nito.

Itinago niya ang ngiti. Masarap ang pakiramdam niya kapag naririnig ang concern nito. Kahit minsan ay parang ito na ang kanyang Mama kapag nagsesermon. Natutuwa siya dahil iniisip nito ang kapakanan niya.

“At ikaw, nag-dinner ka na ba?” panghuhuli niya.

Napakamot ito sa ulo at alanganing ngumiti. Alam niyang hindi pa rin ito naghahapunan. Magaling lang itong magsermon pero pareho lang sila ng sakit. Mga workaholic na laging sumasala sa oras ang pagkain.

“Hindi pa. Yayayain sana kitang mag-dinner sa bahay namin. Dumating si Mama galing States. Sumama ka na sa akin.”

Tiningnan niya ito nang direkta sa mga mata. “Niyayaya mo ba akong maghapunan dahil hindi pa ako kumakain o dahil wala kang maisasamang babae para ipakilala sa Mama mo?”

Natatandaan niyang binigyan ito ng ultimatum ni Doña Aurelia. Kailangang may maipapakilala na itong girlfriend kapag bumalik galing Amerika. Kapag wala itong naipakilalang babae ay tiyak na uulanin ito ng sermon.

Nag-iisa itong anak at lalaki pa. Treinta y tres na ito kaya naman sabik na sabik na ang Mama nito na magkaroon ng apo. Wala nang ibang aasahan pang magbigay ng apo dito kundi ito lang.

“Galing sa puso ko ang pagsasama ko sa iyo. Malapit kayo ni Mama sa isa’t isa. Walang masama kung ikaw ang isasama ko. But not as my girlfriend. Dadalhin kita para hindi na niya matandaan ang pangungulit niya sa akin na mag-asawa. Pwede kong harapin ang sermon niya sa ibang araw pero hindi ngayon.”

Gusto niya itong makasama subalit sumagi sa utak niya ang love note nito para kay Summer Rose kanina. Muling nilamon ng matinding selos ang kanyang puso.

She curled her lips. “Dadalhin mo ako para may kakwentuhan ang Mama mo. Bakit hindi si Summer Rose ang isama mo?”

Nawala ang ngiti sa labi nito. “Bakit napasok si Summer Rose dito?”

“Dahil dapat siya ang isama mo sa Mama mo. O baka naman hindi mo siya napilit sumama kaya humahanap ka ng substitute?”

Nanlamig ang kanina’y nakangiti nitong mga mata. “Meredith, hindi mo ako kailangang ipasa kung kani-kanino. Pwede mo namang sabihin sa akin kung ayaw mong sumama. Pasensiya na kung naabala kita.”

Nanlumo siya nang pabalabag nitong isara ang pinto. Nagalit ito sa kanya. Nagkamali ito ng interpretasyon. Hindi niya ito itinataboy. Gusto niya itong makasama. Subalit hindi iyon makakabuti para sa kanya.

Masaya nga siya pero masakit tanggapin na panakip-butas lang siya. Mahal niya ito pero hindi siya martir o masokista. Mas mabuti nang kasama nito ang babaeng mahal. Kaysa magkasama nga sila pero ibang babae naman ang iniisip nito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.