“I’m back!” tuwang-tuwang sabi ni Brazile nang pumasok sa opisina niya. “Hindi mo ba ako na-miss?”
Humalukipkip siya habang nakataas ang kilay na pinagmamasdan ito. “Grabe, na-miss kita nang sobra! Akala ko nga hindi ka na babalik. Mukhang napasarap yata ang bakasyon ninyo ni Sir Keith. Nag-extend pa kayo ng one week.”
Kagagaling lang nito mula sa trip sa Europa kasama ang nobyong si Keith. Nataranta siya nang itawag nitong sa susunod na itong linggo babalik. Dapat ay mag-e-extend pa ito subalit nakiusap na siyang bumalik ito dahil marami nang tambak na trabaho. Magre-resign na ang chief photographer kaya marami na itong trabaho. Mas lalaki pa ang responsibilidad nito kapag ito na ang pumalit na chief photographer.
“Huwag ka nang magtampo sa akin. May pasalubong naman ako sa iyo.” Inabot nito ang paper bag na bitbit. “Binili ko lahat ng bilin mo.”
Sa halip na pasalubong nito ay nahagip ng kanyang paningin ang pagkislap ng singsing sa daliri nito. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang ga-butil ng mais na diyamante doon.
Napaawanga ng labi niya at tiningnan ito. “You mean…”
Nakangiti itong tumango. “I’m engaged!”
Napatili siya tuwa. Lumigid siya sa mesa at sinugod ito ng yakap. “Ikakasal ka na! I’m so happy for you, friend.”
“Kahit ako hindi rin makapaniwala. Kumakain kami ng ice cream sa may Paris nang mag-propose siya. Iyak nga ako ng iyak.”
“Gee! You really surprised me,” aniya.
Hindi niya makapaniwalang ang manhater sa grupo nilang Matatandang Dalaga ng St. Jerome at ang pinakamatigas sa pagsasabing hindi ito mag-aasawa ay engaged na. Samantalang ilang buwan lang ang nakakaraan ay muntik pa itong mag-resign nang maging si Keith Arnaldo ang kanilang bagong publisher.
“Kahit ako nasorpresa nang mag-propose siya. Naalala ko noong sinabi mong ako ang susunod na mag-aasawa sa ating dalawa. Well, nagdilang-anghel ka nga.”
Hinawakan niya ang kamay nito. “You deserve to be happy.”
Sa dami ng hirap na pinagdaanan nito, dapat lang na maging masaya ito sa piling ng isang lalaking totoong magmamahal dito. Half of her life was spent in misery and anger. Natutuwa siya dahil malaki ang ipinagbago nito. Hindi na ito katulad ng dati na halos lahat ng lalaking makita ay sinasabihan nitong manloloko at sinungaling.
“You should fall in love. Masarap ang pakiramdam. Parang lagi kang masaya at maganda ang tingin mo sa mundo. You know that feeling?”
“Yes, I know,” nausal niya.
Iyon din ang nararamdaman niya kapag nakikita ang mga ngiti ni Siege. Subalit hindi siya katulad ni Brazile na nasuklian ng lalaking mahal nito ang pagmamahal na iniukol nito. Siya ay tahimik lang sa isang tabi. Walang karapatang magpahayag ng nararamdaman niya. Bawal mahalin.
“Paano mo nalaman? In love ka na ba?” panghuhuli nito.
Tumawa siya nang pagak. “Alam mo, hindi ko na kailangang ma-in love para malaman ang dahilan. Halos lahat ng tao sa paligid ko, nakita ko kung paano na-in love. Mga mukhang nawawala sa sarili. Parang lumilipad ang isip. Hindi ko yata gugustuhing magmukhang baliw.”
“Mabuti nang mabaliw sa pag-ibig kaysa mabaliw nang walang dahilan. Pareho kayo ni Sir Siege, mga walang balak mag-asawa.”
Naging miserable ang pakiramdam niya nang marinig ang pangalan ni Siege. Isang linggo na silang hindi nag-uusap mula nang tumanggi siyang sumamang mag-dinner dito. Lagi siyang gumagawa ng paraan para iwasan ito. Natatakot siya na baka galit pa rin ito sa kanya. Kung bakit pinangibabaw na naman niya ang selos at nabanggit niya ang tungkol kay Summer Rose.
“Ang totoo, may love interest na siya. Summer Rose ang pangalan.”
Kumislap ang mata nito. “Uy, bago iyan. Sino namang Summer Rose iyan at paano mo naman nalaman?”
Huminga siya nang malalim upang ibsan ang bigat sa dibdib. “Well, naligaw lang naman ang love letter niya sa folder ko. Nagyayaya siyang mag-date. Ewan ko lang kung sino ang babaeng iyon.”
“Naku, iniintriga ako nitong si Siege Matthews. Tanungin ko kaya siya.”
Pinigilan niya ito sa braso at umiling. “Huwag na huwag mong sasabihin sa kanya,” mariin niyang sabi. “Ipapahamak mo ako.”
“Bakit? Natatakot kang masesante kapag nalaman niyang nagseselos ka?”
Hinampas niya ang braso nito. “Ayokong isipin niya na itsini-tsismis ko ang love interest niya. Isipin pa niyang tsismosa ako. At hindi ako nagseselos,” kaila niya.
“Bakit ka pa magde-deny sa akin samantalang bestfriend mo naman ako? Saka inamin mo na sa akin noon na in love ka sa kanya.”
“Ako?” Itinuro niya ang sarili. “Wala akong inaamin na in love ako sa kanya. Sinabi ko lang crush ko siya pero hindi ako in love.”
Pumitik ito. “Sayang! Akala ko mapapaamin na kita.”
“Kahit pigain mo ako, hindi talaga ako in love sa kanya.”
Matalik nga niya itong kaibigan subalit hindi niya maaring ipagtapat dito na mahal niya si Siege. Tiyak na gagawa ito ng paraan para lalo silang mapalapit ni Siege sa isa’t isa. At iyon mismo ang iniiwasan niya.