Asociacion de las Solteras Series Chapter 76

Ayaw niya ng malapit sa tukso. Dahil ang taong malapit sa tukso, malapit din sa disgrasya. Tiyak na mapapahamak lang si Siege kapag nahulog sa kanya.

“Huwag na nating pag-usapan si Sir Siege dahil baka mapikon ka lang. Bilisan mong tapusin ang trabaho mo dahil lalabas tayo mamaya. Ise-celebrate natin ang engagement namin ni Keith.”

“Okay ka ring mag-utos. Parang ikaw na ang boss. Sinu-sino tayong lalabas?” tanong niya.

“Mga single lang muna. Meaning ikaw since ikaw lang naman ang single kong kaibigan. Saka ko na isasama ang iba nating mga kaibigan na married na. Ewan ko lang kung sino ang isasama ni Keith.”

“Ano pala ang premyo ko dahil nahulaan ko na ikaw ang susunod na ikakasal?”

Iginiya nito ang hintuturo upang palapitin siya. “Ikukuha na lang kita ng lalaki para mag-enjoy ka mamaya,” bulong nito.

Kinurot niya ito ng pino sa braso. “Brazile, puro ka talaga kalokohan!”

“BAKIT hindi natin kasabay si Keith papunta dito?” tanong ni Meredith kay Brazile nang papasok na sila sa isang bagong bukas na Mexican restaurant. Hindi na siya nagtataka kung bakit doon nito pinili dahil parehong mahilig ito at si Keith sa Mexican food at sa Latin music.

“Sabi ko tayo na lang ang sabay. Kasi may dadaanan pa siya.” Ngumiti ito. “Andoon na pala sila,” anito at itinuro ang table na may kalayuan sa stage. Hinawakan siya nito. “Halika na!”

Muntik na siyang magtatakbo palayo nang makita si Siege kasama si Keith. Hindi pa niya alam kung paano ito haharapin nang hindi trabaho ang rason.

“Sweetheart, akala ko hindi na kayo darating,” malambing na salubong ni Keith kay Brazile. Namumula niyang naiiwas ang tingin nang maghalikan ang dalawa.

Napatingin siya kay Siege na inosenteng nakatingin sa kanya. “Maupo ka.”

Umupo siya sa tabi nito dahil ayaw niyang magmukhang tuod habang halos ayaw nang maghiwalay ang labi nina Keith at Brazile. Naiilang tuloy siya. Idagdag pa ang presensiya ni Siege.

Iniikot niya ang paningin subalit wala siyang makitang ibang kakilala. “Wala na ba tayong ibang kasama?”

“Kayo lang ang inimbitahan namin,” sabi ni Brazile nang umupo. “Since kayo lang ang single sa mga kaibigan natin.”

Ginagap ni Keith ang kamay ni Brazile. “Nagkita kami nila Pepper sa Paris dahil may exhibit siya doon. Hintayin daw namin ang pagbalik nila ni Chase saka I-schedule ang formal engagement namin. Doon na sasama ang iba.”

Wala siyang choice kundi pagtiisan ang presensiya ni Siege. Ito lang ang pwedeng niyang makausap. Hindi niya maaring abalahin sina Brazile at Keith dahil absorb na absorb ang mga ito sa isa’t isa. Parang may sariling mundo.

“Kailan ninyo balak magpakasal?” tanong ni Siege.

“Four months from now,” sagot ni Keith at inakbayan si Brazile. “We want it to be a grand wedding. Para maging memorable.”

“Right. Para naman bumenta lalo ang magazine natin,” ngingiti-ngiti niyang sabi. It would be lovely if they will grace The Bride’s cover. Dahil kilalang businessman si Keith, tiyak na magdadagsaan ang mga kilalang tao. At siyempre, para na rin iyong isang malaking fashion show. “Ano nga pala ang theme at motif ninyo?”

“Filipiniana ang theme na gusto ko at sa Intramuros ang wedding and reception,” paliwanag ni Keith. “Gold ang motif.”

Sumimangot si Brazile. “Ikaw lang ang may gusto niyan.”

“Ano ba ang gusto mo at nanghahaba ang nguso mo?” tanong niya. Ni minsan ay hindi nila napag-usapan ang dream wedding nito. Palibhasa ay wala itong balak na mag-asawa noon.

“Gusto ko may pagka-ethnic ang dating. Ayaw niya ng Ifugao theme,” may halong tampong sabi ni Brazile.

Hindi nila mapigil tumawa. “Are you serious?” tanong niya. Alam niyang kadalasan ay weird mag-isip si Brazile. Pero hindi ganito ka-weird.

“Kailan ba ako nagbiro?” nanlalaki ang matang tanong nito. “Nakakainis kayo! Bakit pati kayo pinagtatawanan ako?”

Biglang nagseryoso si Siege. “I’m sorry, Brazile. Pero mukhang matatakot akong um-attend ng kasal mo kung sakali. Hindi ko ma-imagine na magbe-best man ako nang naka-bahag. Okay na sa akin ang Filipiniana theme ninyo.”

Natuon ang tingin ni Keith sa kanila. “Kayong dalawa, kailan kayo ikakasal?”

“Kami ni Meredith?” nangingiting tanong ni Siege.

“Kayo ba?” nunuksong tanong ni Brazile. Nananadya ito.

Binigyan niya ito ng nagbababalang tingin. Magwo-walkout siya kapag nainis. Mas mabilis maubos ang pasensiya nito nitong nakakaraang mga araw.

“Hindi kami,” mariin niyang sabi. “At huwag na kayong umasa na ikakasal ako dahil imposibleng mangyari. Wala akong balak magpakasal.”

Nagkibit-balikat si Siege. “Paano pa ako ikakasal niyan kung ayaw akong pakasalan ng babaeng gusto ko? Magpapakatandang-binata na rin ako.”

Natahimik ang lahat. Nagpalipat-lipat ang tingin nina Brazile at Keith sa kanilang dalawa. May ibig ipakahulugan ang tingin ng mga ito. Na parang siya ang tinutukoy na rason ni Siege kung bakit hindi ito magpapakasal.

Hindi niya matagalan ang katahimikan. “Excuse me,” aniya at tumayo. “Pupunta lang ako sa washroom.”

Hindi na niya hinintay pa ang permiso mula sa mga ito. Nagkulong siya sa isang cubicle pagpasok ng washroom. Malakas ang kaba sa kanyang dibdib.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.