Ano ba ang gustong palabasin ni Siege? Na hindi ito magpapakasal dahil ayaw niya. Baka iniisip nina Brazile at Keith na may love interest nga ito sa kanya.
Kinalma niya ang sarili. Baka masyado siyang nagpapadala sa nararamdaman. Baka hindi ito magpapakasal dahil nabasted ito ni Summer Rose. Kaya naman bigo na ito sa pag-ibig.
Pagbalik niya sa mesa ay si Siege na lang ang naiwan doon. Nang hagilapin ng kanyang paningin ay nasa dancefloor sina Brazile at Keith at nagsasayaw ng salsa.
“Plano mo na naman bang tumakbo?” narinig niyang tanong ni Siege.
Sinalubong niya ang naghahamon nitong tingin at umupo sa kabilang dulo ng upuan. “Of course not. Hinahanap ko lang sila Brazile.”
“Nagsasayaw sila. Gusto mo ring sumayaw tayo?” yaya nito.
Sinsero ito sa pag-aalok. Siguro ay dala ng kagandahang asal dahil sila na lang ang naiiwan doon. Gusto sana niyang makasayaw ito. Subalit may pumipigil sa kanya.
Yumuko siya at umiling. “Parehong kaliwa ang paa ko.”
Baka gusto siya nitong makasayaw dahil ayaw nitong maalala kung paano itong nabasted ng Summer Rose nito. Gagawin na naman siya nitong taga-aliw.
Isa pa, masyado siyang magiging malapit sa tukso kung makikipagsayaw siya dito. Baka lalo lang siyang ma-in love dito. At kapag pinangibabaw niya ang puso, maari siyang gumawa ng bagay na pagsisihan niya sa huli.
Nawalan ng emosyon ang mukha nito. Nagiging impatient sa kalamigang ipinakikita niya. “Bakit parang ayaw mo akong makasama?”
“Sa palagay mo, bakit?” ganting tanong niya.
Nagkibit-balikat ito. “Ewan ko. Hindi ka ganyan dati. Dati nayayaya kitang mag-dinner sa amin kahit marami kang trabaho. Ngayon tumatanggi ka na. Hinahanap ka ni Mama. Napagalitan ako dahil hindi kita naisama.”
Huminga siya nang malalim at pinaglaruan ng straw. “Sabihin mo sa kanya na pasensiya na dahil busy ako. Hindi ka ba niya pinagalitan dahil hindi mo isinama si Summer Rose?” bago pa niya napigilan ang dila ay naitanong niya.
He drummed his fingers on the table. “Alam ko na ngayon kung bakit ka galit. Masyado mo pa ring dinadamdam ang pagkakaipit ng sulat ni Summer Rose sa folder mo. Akala ko tapos na iyon.”
Hindi siya kumibo at itinuon ang atensiyon sa mga nagsasayaw. Sana nakipag-sayaw na lang siya dito kanina para hindi na siya nakikipag-kulitan dito. Sana nagkunwari na lang siya na walang pakialam sa Summer Rose nito para hindi na nito itanong pa kung ano ang nararamdaman niya.
Bakit ba kapag nilulukuban siya ng selos ay hindi siya nakakapag-isip nang tuwid? Naipapahamak niya ang sarili.
“Kung dahil lang kay Summer Rose kaya ka nagagalit, kalimutan mo na, pwede? Hindi ako sanay nang nakasimangot ka. Hindi bagay sa iyo. Mas maganda ka kapag nakangiti ka. Ngumiti ka na, please?”
Tiningnan niya ito nang matalim. “Iniinsulto mo ba ako?”
Itinaas nito ang dalawang kamay na parang sumusuko. “Meredith, hindi ko alam kung ano ang sumapi sa iyo at napakasungit mo. Nagsimula ka lang namang magsisimangot mula nang mabasa mo ang sulat ko kay Summer Rose. Hindi kaya nagseselos ka sa kanya?”
Naipagpasalamat niyang may kadiliman ang ilaw kung hindi ay nakita nito ang katotohanan sa mga mata niya. “Bakit naman kita pagseselosan? Hindi naman ako in love sa iyo.”
Tumawa ito ng pagak. “But that’s exactly what you look like. You are green with jealousy. Gusto mong tingnan ang sarili mo sa salamin?”
Hindi na niya kailangan pang tingnan ang sarili sa salamin para patunayan ang bintang nito. Dahil sa sarili ay iyon mismo ang nararamdaman niya. Pinapatay siya nito sa sobrang selos.
“Tigilan mo na nga ako. Wala akong pakialam sa inyo ni Summer Rose. Hindi ako nagseselos,” mariin niyang sabi.
Tinitigan siya nito. “Maniniwala lang ako na hindi ka nagseselos kapag ngumiti ka sa akin. Iyong totoong ngiti. Hindi napipilitan at hindi plastik.”
“Ano ako, uto-uto?”
Hindi talaga siya nito titigilan hangga’t hindi siya nito tuluyang nahuhuli. Hindi siya pwedeng magpilit ngumiti dahil lalabas na maasim ang ngiting iyon. Ni hindi aabot sa kanyang mata. Hindi talaga siya marunong mameke ng ngiti. Mahahalata siya nito.
“Nagseselos ka nga,” kumpirma nito.
“Hindi sabi,” giit niya. Kapag hindi siya nito tinigilan ay iiwan niya ito. Wala siyang pakialam kung isipin man nito na guilty siya.
“Paano kung sabihin ko sa iyo na ikaw si Summer Rose?”
Ngumiti siya nang maasim. “Boss Siege, you are fired!” panggagaya niya sa linya nito tuwing may sekretarya itong nagtatapat ng pag-ibig dito.
Tumawa ito at nagmukha itong mas bata. Naiinis siya dahil lalo itong naging guwapo. Lalo pang bumilis ang pintig ng puso niya. Hindi na niya matatagalan ito.
“Anong nakakatawa?” tanong ni Keith nang bumalik ito kasama si Brazile.
Nakahinga siya nang maluwag nang sa wakas ay bumalik ang mga ito. Hindi na siya kailangang magtiis sa presensiya ni Siege.
“Wala,” nangingiting sabi ni Siege. “Sekreto namin iyon ni Meredith.”
Inirapan niya ito. Wala siyang karapatang magsaya kung siya man si Summer Rose. Hindi liligaya si Siege sa piling niya. Kahit mamatay pa siya sa selos, mas makabubuti kung hindi siya si Summer Rose.