Wala sa sariling itinatapik ni Meredith ang sign pen habang nakatitig sa agenda para sa meeting. Subalit wala doon ang isip niya kundi kay Siege na nasa puno ng conference table at nagdi-discuss ng agenda nila. Kasama nila sa meeting ang editorial board ng iba’t ibang magazine.
Pasimple niya itong sinulyapan. Ilang araw na ang nakakaraan mula nang magkasama sila sa celebration ng engagement nina Brazile at Keith. Hindi na niya ito kinausap mula noon.
Masyado niyang ipinamimigay ang sarili sa mga kilos niya. Baka hindi na niya matagalan pa ang pagtatago ng nararamdaman niya para dito.
“Dalawang linggo akong mawawala dito para I-promote ang magazines natin,” panimula nito. “We are ready for the Asian market.”
Nasa Hong Kong, Shanghai, Taipei at Tokyo ito sa mga unang linggo. Samantalang sa Bangkok, Kuala Lumpur at Singapore ito sa panghuling linggo. Bukod sa promotion ng magazine ay dadalo rin ito sa awarding ceremony para sa Asian Fashion Awards na gaganapin sa Singapore.
Mas agresibo ito kaysa sa namayapang ama. Karamihan sa mga ideya nito ay makabago. At hindi rin ito natatakot sumubok ng mga bagong paraan para mas mapaunlad ang publication. Nagawa nitong iangat ang publication sa loob ng ilang taong pamamahala at ngayon ay handa na itong harapin ang mas malaking hamon. Ang makipag-kompitensiya sa mas malalaking magazine sa Asya.
Tumayo ito at naglakad paikot sa likod nila. “Sa mga editor-in-chief, gusto kong may isamang isa sa inyo. Sino ang gustong sumama?”
Sa gulat niya, ay nagtaas ng kamay ang lahat maliban sa kanya. Naramdaman niya ang pagtigil nito sa likod niya at ang pagdiin ng mga palad nito sa sandalan ng upuan niya. Lubhang napakalapit nito sa kanya at amoy pa niya ang panlalaking pabango nito.
“Meredith, bakit ayaw mong susama?” pormal nitong tanong.
Tuwid ang tingin niya dahil gusto niyang tuwid siya sa pagdepensa sa desisyon. Baka makalimutan niya ang sasabihin kapag sinulyapan niya ito. “Mas kailangan ako dito, Sir. Saka may iba naman pong pwedeng sumama,” tukoy niya sa iba pang kasamahan na gustong lumabas ng bansa kasama ito.
Kung makakasama niya ito sa loob ng dalawang linggo sa ibang bansa, hindi niya alam kung hanggang kailan ang itatagal ng kanyang depensa.
Kailangan niya ng dalawang linggo para mag-isip. Para analisahin ang nararamdaman at paano pipigilan iyon. Gusto niyang bumalik sa dating sarili noong hindi pa dumarating si Summer Rose. Noong panahon na kaya pa niyang itago ang nararamdaman niya para dito.
Naramdaman niya ang pag-alis nito sa likuran niya at bumalik sa unahan. Ang editor-in-chief ng monthly fashion magazine na pang-teenager ang isanama nito dahil ito ang walang masyadong trabahong maapektuhan.
“Meeting adjourned,” deklara nito matapos ang ilang sandali. Ni hindi niya napansin na nag-aalisan na ang ibang mga kasamahan dahil tapos na ang pulong. Nang tingnan niya si Siege ay nakaupo pa rin ito sa dulo ng conference table at matamang nakatingin sa kanya. “Meredith, maiwan ka muna.”
Kinabahan siya nang matuklasang siya lang ang pinaiiwan nito. Nilingon niya ang mga kasamahan upang humingi ng saklolo. Subalit wala sa kanya ang atensiyon ng mga ito kundi sa nalalapit na pag-alis patungong ibang bansa. Hindi man kasama sa tour ay aalis pa rin ang mga ito patungong Singapore para sa Asian Fashion Awards.
“May problema ba?” tanong nito.
Napapitlag siya at lumingon dito. “W-Wala po, Sir,” kaila niya kasabay ng sunod-sunod na pag-iling.
“Kung ganoon, maupo ka na para makapagsimula na tayo,” utos nito.
Iginiya ng kamay nito ang upuang pinakamalapit sa gawing kanan nito. Pinilit niya ang mga paa na sumunod kahit na mas gusto niyang magtatakbo palayo dito. Inilapag niya ang folder sa kandungan habang mahigpit iyong hawak.
Tumikhim ito. “Bakit ayaw mong sumama sa biyahe?”
Itinuon niya ang tingin sa kulay kapeng mahogany conference table. Hindi niya magawang tumingin ng diretso dito. “Nasabi ko na kanina kung bakit, Sir…”
“What you told me was an alibi,” putol nito sa iba pa niyang sasabihin. Maigting ang boses nito. May halong galit at iritasyon. It was a commanding tone he never used to her. “Gusto kong malaman ang totoong rason. Iniiwasan mo ba ako?”
Umiling siya. “Hindi kita iniiwasan,” kontra niya. “Ayoko lang talagang magbiyahe sa mga panahong ito.”
“O baka ayaw mong magbiyahe kasama ako.”
Huminga siya nang malalim at tumayo. “Sir, mabuti pang bumalik na ako sa opisina ko. Sa tingin ko naman walang patutunguhan ang pag-uusap natin.”
Sumandal ito. “Paano kung utusan kitang sumama sa akin? Gusto kong kasama ka sa tour, Meredith. Consider it as a vacation.”
Natigilan siya at nilingon ito. May kakaibang kislap sa mga mata nito. Isa iyong magandang alok na hindi niya dapat tanggapin. May nagbababalang boses sa isang isip niya na nagsasabing mapapahamak siya kapag sumama siya. Subalit ang sutil na pusong dapat niyang pinoprotektahan, ito pa ang nag-uudyok sa kanyang sumama dito.
Huminga siya nang malalim at sinalubong ang tingin nito. “Hindi mo ako mapipilit,” walang kumbiksyon niyang sabi. Dahil nagtatalo pa rin ang loob niya kung dapat nga siyang tumutol.