Tumayo ito at nilapitan siya. Wala na siyang masalaming kalambutan sa anyo nito. “Sa tingin mo ba may magagawa ka kapag nag-release ako ng memo? You will be obliged to come with me.”
Nagsalubong ang kilay niya. “Bakit kailangan mo pa akong pilitin? Bakit hindi na lang si Summer Rose ang isama mo?”
Bago pa niya mabawi ang sinabi ay kinabig siya nito sa batok at inangkin nito ang labi niya. Nabura lahat ng salita na dapat ay sasabihin pa niya dito.
Maingat at masuyo ito sa simula hanggang naging mapusok. Alam marahil nito na bago sa kanya ang karanasang iyon. Subalit maya maya’y tumugon siya at nagliyab ang kanilang halik.
Habol niya ang hininga nang tapusin nito ang halik. Hindi niya magawang magsalita habang nakatitig dito. Matiim ang anyo nito. May pagbabanta sa mga mata.
“Kapag sinabi mo ulit ang pangalan ni Summer Rose nang hindi naman kailangan, hahalikan ulit kita,” babala nito. “Mag-usap tayo pagbalik ko.”
NAKAPANGALUMBABA si Meredith habang nakaharap sa computer. Mabigat ang dibdib niya at wala siya sa mood magtrabaho. Napaka-gloomy ng pakiramdam niya. Daig pa niya ang binagsakan ng daigdig.
Nagulat siya nang bumuntong-hininga si Kristine at inilapag ang cappuccino sa tabi ng keyboard. “Ma’am, sigla-siglahan naman ninyo. Pati ako nawawalan ng ganang magtrabaho dahil sa inyo.”
Sinimsim niya ang tasa ng cappuccino. “Ewan ko ba. Napakabigat ng dibdib ko. Basta, wala ako sa kondisyon. Parang gusto ko na lang umuwi at matulog.”
“Ma’am, alam ko na kung bakit?” Inginuso nito ang vase sa gilid ng desk niya. “Walang rose ngayon.”
Tumango siya. “Oo nga. Ngayon ko lang napansin.”
“May isa pa. Wala rin si Sir Siege ngayon kaya mukha kayong Biyernes Santo.”
Nasa Hong Kong si Siege para I-promote ang magazines nila. Dalawang linggo itong magtu-tour sa iba’t ibang bansa sa Asya. Unang araw pa lang na wala ito ay mukha na siyang miserable.
Hindi pa rin siya makapaniwalang hinalikan siya nito. Nang sabihin nito ang banta ay parang gusto niyang paulit-ulit na sabihin ang pangalan ni Summer Rose hanggang marindi ito at halikan ulit siya. Pero hindi na niya nagawa dahil nakaalis na ito ng conference room at iniwan siyang mag-isa.
Napasimangot nang maalala ang insidente nang pumayag siyang magpahalik dito. First time niyang mahalikan kaya hindi siya nakakontra. Pero wala siyang rason para kumontra. Nagustuhan niya ang halik nito.
Kung tuluyan siyang nawala sa sarili, baka gusto pa niyang magpahalik dito ulit. Pero nasa tamang huwisyo na siya. Hindi na mauulit iyon.
“Hindi siya ang dahilan kung bakit gloomy ako ngayon,” tanggi niya. “Siguro dahil wala akong natanggap na rose. Nagsawa na siguro ang nagbibigay sa akin.”
Kinagat nito ang dulo ng hintuturo. Parang napakalalim ng iniisip. “Naisip ko lang, Ma’am. Wala kayong natanggap na rose at wala rin si Sir Siege. Hindi kaya si Sir Siege ang nagpapadala ng rose sa inyo?”
Natatawa siyang napailing. “Imposible!”
Nagpalakad-lakad ito habang kagat pa rin ang hintuturo. “Posible iyon. Una, wala siya at wala ring naglagay ng rose. Madalas maaga siyang pumasok. O kaya pwede niya namang iutos sa tauhan niya na ilagay ang rose sa vase mo.” Napapadyak ito. “Bakit kasi hindi ko matiyempuhan ang naglalagay diyan?”
“Malabo ang iniisip mo.” Katulad nang malabo na siya rin si Summer Rose. “Bumalik ka na lang sa trabaho.”
“Tama. Babalik na lang ako sa trabaho. Baka dumaan na ang mga male models para sa pictorial. Kailangan ko pang magpaganda para mapansin naman ako.”
Nang muling mapag-isa ay bumalik na naman ang kawalang-gana niyang magtrabaho. Pinilit niya ang sarili na ituloy ang ginagawa.
Hindi maaring diktahan ng pagkawala ng presensiya ni Siege ang mga kilos niya. Kung lagi niya itong iisipin, wala na siyang matatrabaho. Kailangan ngayon pa lang ay pag-aralan na niyang masanay na hindi ito laging nakikita. Baka sa ganoong paraan ay matutunan din niya ang puso na kalimutan ang pagmamahal dito.
Dahil sa pangangalawang pagkakataon ay ininsulto na naman siya nito. Hindi siya nito hinalikan dahil may damdamin ito sa kanya.
Hindi siya hinalikan ni Siege dahil gusto nito. Hinalikan siya nito para patahimikin at dahil narindi na rin ito sa kababanggit niya kay Summer Rose. Hindi sila pareho ng nararamdaman nang magsanib ang labi nila. Siya lang ang baliw na nag-iilusyon.
Nanikip ang dibdib niya sa inis dito at sa sarili. Dapat talaga silang mag-usap. Marami itong dapat na linawin. Kailangan niyang paghandaan ang pagbabalik nito.
HINDI makatulog si Meredith. Alas onse na subalit hindi pa rin siya dalawin ng antok. Kinabukasan ay babalik na ng Pilipinas si Siege at ang mga kasamahan nila. Subalit hindi pa rin niya naiisip kung ano ang sasabihin dito sa pagbabalik nito. Hindi niya alam kung saan magsisimula.
Napahikab siya at ipinikit ang mata. Kailangan na niyang magpahinga. Naiidlip na siya nang biglang tumunog ang doorbell. Naiinis siyang bumangon at isinuot at silk robe. Kung kailan malapit na siyang makatulog saka pa may iistorbo sa kanya.
Sumilip siya sa peephole at napakurap nang makita si Siege. Kinusot niya ang mata at tiningnan muli. Nakatayo pa rin doon si Siege at muling nag-doorbell.
Tuluyang nawala ang kanyang antok at binuksan ang pinto. “Sir Siege! Anong ginagawa ninyo dito?” may kapormalan niyang tanong.
Kahit na natutuwa siyang makita ito, handa siyang makipag-giyera dahil sinira nito ang tulog niya. Ito na nga ang dahilan kung bakit ayaw siyang dalawin ng antok, susulpot pa rin ito para sirain ang tulog niya.