Bad Blood/Bad Romance Duology Chapter 6

GINAWANG salamin ni Denim ang pinto ng elevator kung saan nakikita niya ang reflection niya. Naglalagay siya ng lipstick na matingkad ang pagiging pula. Kahit na pauwi na siya at pagod mula sa maghapong story conference, kailangan fresh-looking pa rin siya.

Big news sa showbiz ang pagbalik niya ng Pilipinas dahil siya ang top actress ng kanilang network. Ngayong tapos na siya sa bakasyon niya, balik trabaho na rin siya. Sisimulan na rin niya ang shooting para sa bago niyang drama ngayong tapos na ang story conference.

Pinagdikit niya ang mga labi niya at nang makuntento na sa hitsura niya, binalik niya na niya ang lipstick sa bag niya. Masaya rin siya habang tinititigan ang reflection niya.

Narcissist na kung narcissist pero confident si Denim na maganda siya. May Spanish blood ang mga ninuno niya kaya mestiza siya. Natural din ang pagiging burgundy ng kanyang buhok na wavy ang dulo. Bilugan ang “sparkling” ang amber eyes niya, matangos ang ilong, maliit at manipis ang mga labi, at natural ang rosy cheeks. Matangkad at slim din siya kaya maganda siyang magdala ng damit.

But what she loved most about her body were her creamy long legs that she liked showing off by wearing skimpy dresses like what she wore tonight.

Denim Blue Benitez, you are one gorgeous mortal, aren’t you?

Natawa si Denim sa sariling kayabangan. Pero mabilis din siyang naging seryoso nang bumukas ang elevator nang makarating siya sa underground. Private parking space para sa mga VIP na tulad niya. Susunduin siya ni Finn dahil inaya siya nito na mag-dinner sa favorite restaurant nila.

Pag-apak na pag-apak pa lang niya sa labas, bigla siyang may narinig na malakas na kalabog kasabay ng malakas na pag-angil na nakapagpatayo sa maninipis na balahibo niya. Ang boses na `yon…

Finn?!

Mabilis na tumakbo si Denim sa kabila ng suot niyang stilettos habang tumitingin sa paligid at hinahanap si Finn. `Yong ungol na narinig niya kanina, halatang nasasaktan ito. Madalas man niyang awayin ang lalaki dahil sa mood swings niya, hindi niya maipagkakailang ito ang pinaka-importanteng tao sa buhay niya ngayon. He was her best friend and the older brother she never had.

Another loud bang.

Sa pagkagulat ni Denim, nakita niya si Finn na nakadikit na sa pader. Kung paano at kung saan ito nanggaling, hindi niya alam dahil ordinaryong mortal lang naman siya. Pero hindi na `yon ang mahalaga ngayon. Tatakbo sana siya palapit kay Finn pero napasinghap at natigilan siya nang may isang nilalang ang biglang bumagsak mula sa itaas.

The man facing Finn was tall and more muscular than her best friend. Kita sa suot nitong gray long-sleeved shirt ang malapad nitong likod at ang medyo umbok na biceps. Ang kagandahan sa bulto ng lalaki, bagay `yon sa tangkad nito. The other guy was even taller than Finn who already stood six feet tall.

At ang malaking lalaki, bigla na lang sinakal si Finn!

Who is that giant?!

Pero hindi `yon ang oras para tumunganga at mag-isip. Hindi siya papayag na basta na lang sakalin ng kung ano si Finn sa mismong harap pa niya!

“Finn!” sigaw ni Denim, saka niya muling tinangkang lapitan ang best friend niya.

“Stop!” saway ni Finn sa kanya na nakapagpahinto sa paglalakad niya. Normal pa naman ang hitsura nito at hindi pa inilalabas ang kapangyarihan bilang kalahating-bampira, pero nakikita niya sa singkit nitong mga mata ang babala. Ibig sabihin, seryoso ang sitwasyon. “Stay right there, baby girl.”

As if.

Ipinaikot lang ni Denim ang mga mata, saka siya tumakbo palapit sa dalawa. “Hey, let go of Finn!” utos niya sa lalaking kaaway ni Finn, sabay suntok sa braso nito. Napasinghap siya nang tumunog ang mga buto sa kamao niya kasabay ng matinding sakit. Para siyang sumuntok ng bakal! She might have sprained her wrist! She bit herself to stop herself from crying, but the pain was too much to bear. “Damn…”

“Denim!” bulalas ni Finn na tinangkang lapitan siya pero mas lalo yatang hinigpitan ng lalaking kaaway nito ang pagkakasakal dito. Umangil ang best friend niya at hinawakan ang brasong nakakabit sa kamay sa leeg nito na parang tinatanggal `yon, pero hindi natinag ang kaaway nitong higante.

Then, the huge stranger who seemed to be made of steel turned to her.

Denim was instantly stunned when she saw the face of her best friend’s “attacker.” Ang mukhang `yon ang pinakaguwapong mukha na nakita niya sa buhay niya.

Halatang Caucasian ito at talaga namang lalaking-lalaki ang histura at tindig nito. Bigla yata niyang nakalimutan ang sakit ng kamay niya at maging ang mga luha niya, biglang umurong. Sobrang guwapo ng lalaking `to!

“Denim, run…” utos ni Finn sa boses na halatang nasasaktan.

That snapped Denim out of her trance. Nasa panganib pa rin si Finn kaya hindi puwedeng matulala lang siya sa kaguwapuhan ng kung sino. Ang ideyang `yon ang humukay ng galit niya para bigyan niya ng masamang tingin ang guwapong estranghero. “I said let go of my best friend.”

Tiningnan ng guwapong estranghero ang mukha niya, pababa sa nasaktan niyang kamay, at saka ito muling nag-angat ng tingin sa kanyang mukha.

Bigla namang na-conscious si Denim. Was this beautiful and powerful stranger checking her out? If yes, then she made the right choice of always making sure that she looked nice. From her perfectly combed hair, classy little black dress, down to her newly manicured toes, she knew she looked divine.

Nakagat naman niya ang ibabang labi niya sa sobrang inis sa sarili. Alam niyang seryoso ang sitwasyon at posibleng masaktan si Finn, pero hindi niya maalis ang tingin at atensiyon niya sa guwapo at malakas na estranghero. May kung anong malakas na puwersang humihila sa kanya papunta rito.

At wala siyang balak labanan ang atraksyon na nararamdaman niya.

The handsome giant turned his gaze away from her to face Finn who had a murderous look on his face now. “Magpasalamat ka sa kaibigan mo,” sabi ng estranghero.

Napasinghap ng mahina si Denim. Ang malalim, baritono, at mala-bedroom voice ng guwapong higante, sobrang sexy pakinggan! Bagay na bagay dito ang gano’ng boses. Everything about this gorgeous creature seemed to scream power, aloofness, and sexiness.

“That little girl saved your life,” pagpapatuloy ng guwapong estranghero, saka binitawan ang leeg ni Finn. “For now.”

Magrereklamo sana si Denim at sasabihin niyang hindi na siya “little girl” pero sa isang kurap lang niya, nawala na sa paningin niya ang misteryosong estranghero. Napapadyak tuloy siya sa inis. I’m no longer a little girl. I’m already twenty three years old, okay?

“Denim, are you okay?”

Nabigla na lang si Denim nang sa isang iglap, nasa harap na niya si Finn. Nakatingin ito pababa sa kanya at kitang-kita ang pag-aalala sa mukha nito. Mahigpit din ang paghahawak nito sa magkabilang-balikat niya. “Finn, I’m okay. Hindi naman ako sinaktan no’ng kaaway mo,” pag-a-assure niya sa best friend niya, saka niya hinaplos ang pisngi nito. A half human-half vampire like him was warmer than normal human beings. “Are you okay? Hindi ka ba sinaktan ng lalaking `yon? Saka bakit ba kayo nag-away?”

Mariing umiling si Finn. “Hindi ako nasaktan. Nagkaaway lang kami dahil sa parking space.”

Natigilan si Denim. Ang “nagkaaway lang kami dahil sa parking space” ang code ni Finn para sa “bahagi `yon ng misyon ko na hindi ko puwedeng sabihin sa’yo.” Ang ibig sabihin no’n, hindi siya puwedeng makialam dahil seryoso ang sitwasyon. Marami pa siyang tanong pero alam niyang hindi siya sasagutin ng best friend niya kaya tumango na lang siya. “Okay. I’m relieved that you’re not hurt.”

Bumuntong-hininga si Finn at hinawakan ang kamay niya na nakapatong sa pisngi nito. “The next time I tell you to run, run. Hindi ko kakayanin kapag nasaktan ka dahil sa trabaho ko. Kaya kung ayaw mong mabaliw ako o mawala sa sarili, huwag nang matigas ang ulo mo. Am I making myself clear?”

Lumabi si Denim dahil ayaw niyang tinatrato siyang bata. Pero nang makita niya ang matinding pag-aalala sa mga mata ni Finn, hindi na siya sumagot. Iniba na lang niya ang usapan. “I’m famished, Finn.”

“I’ll ask my people to pick you up and drive you to the restaurant I reserved for you and Uncle Miguel,” sagot ni Finn, saka siya binitawan. He gave her an apologetic look. “Yes, baby girl. I arranged a dinner date for the two of you. Makipag-ayos ka na sa kanya, okay? Hindi kita masasamahan dahil may biglaang trabaho akong kailangang asikasuhin ngayon, pero umaasa ako na hindi ka na magmamatigas.”

Bumuntong-hininga si Denim. Kapag ganito kaseryoso si Finn, hindi niya magawang suwayin ang gusto nito. Saka ayaw na rin naman niyang patagalin ang tampuhan nila ng Uncle Miguel niya. “Okay. Pero Finn, may gusto lang muna akong malaman. Sana maging honest ka sa sagot mo.”

Tumango si Finn. “Sure. What is it?”

“Sino `yong nakaaway mo? How bad is your clash with him? You’re not going to kill each other, are you?” curious na sunud-sunod na tanong ni Denim.

Kumunot ang noo ni Finn. “What do you care about that guy?”

Natigilan si Denim dahil sa hostility na nahimigan niya sa boses ni Finn. Her best friend might have a really bad conflict with the beautiful stranger. “Why are you so upset?”

Umangil si Finn sa kanya na bihira lang nitong gawin. “Sagutin mo ang tanong ko, Denim.”

“Fine!” naiinis na sagot ni Denim. Pero sa totoo lang, natatakot siya kapag galit si Finn. Alam niyang hindi siya nito kayang saktan sa kahit anong paraan, pero alam niya rin kung ano ang hitsura nito kapag nilalabas ang pagiging kalahating-bampira. “He’s totally my type. Okay na?”

BIGAT na bigat na si Lilac kay Tyrus kaya labag man sa kalooban niya, nabitawan na niya ang lalaki na bumagsak naman sa gilid ng kalsada, wala pa ring malay. Maging siya, napaupo sa gilid ng kalsada habang hinahabol ang hininga at binabawi ang kanyang lakas. Nasa ilalim naman sila ng ilaw ng isang lamppost. “Sorry, Tyrus. Break time muna.”

Nang bigla na lang bumagsak si Tyrus kanina, tinulungan siya ng dalawang security guard ng building na buhatin ang lalaki. Balak pa sanang tumawag ng ambulansiya ng mga ito, pero sinabi niyang lasing lang si Tyrus kaya ito nawalan ng malay. Nagpatulong na lang siyang buhatin ang Bloodkeeper hanggang sa makalabas sila ng compound ng BBS Network para makalayo sa nakita niyang “kalaban.”

Kung alam lang niyang malayo pa rin ang lalakarin niya para makalabas ng village kung nasaan ang BBS Network, nag-taxi na sana siya. O tricycle. Pero sa parteng `yon, wala namang dumadaang sasakyan.

Nasa’n na ba kasi si Eton?

Tumingin si Lilac sa paligid. Madilim na dahil malalim na ang gabi. Bakanteng lote ang nasa paligid kaya siguro tahimik do’n. May mga lamppost pa rin naman, pero mapusyaw ang ilaw at sira pa nga ang ilaw ng dalawang magkatapat na poste.

Ilang metro mula sa bloke na kinaroroonan nila, may magkakahilerang bahay na uling madadaanan. Baka may tricycle na rin do’n palabas ng village.

“You smell good.”

Napasinghap si Lilac nang bigla-bigla, nasa harap na niya si Tyrus. Naka-squat ito at nakapatong ang mga kamay sa mga tuhod nito habang nakatitig sa kanya. He actually looked like a child while cocking his head to one side as if he was busy memorizing the outline of her face.

Pero ang mas napansin niya ay ang mga pagbabago sa pisikal na anyo ni Tyrus. Naging mas dark ang shade ng mga mata nito at sa palagay niya, naging kulay dugo ang mga `yon base sa shade na nakikita niya ngayon. Lumabas na rin ang mahahabang pangil at matatalas na kuko ng lalaki.

He looked like he was ready to devour his dinner.

Biglang napayakap si Lilac sa sarili nang kilabutan siya. Ang tinging ibinibigay sa kanya ni Tyrus, tingin ng nilalang na gutom at iniisip kung anong klase ng putahe ang gagawin mula sa biktima nito. Napalunok tuloy siya ng wala sa oras. “Tyrus… hindi mo ba ko nakikilala?”

Bumaba ang tingin ni Tyrus sa leeg niya. “I don’t. But you smell really, really good.” Bahagyang bumuka ang bibig nito kaya lumabas ang mahahaba nitong mga pangil. “Can I taste you?”

“Bastos ka, ha!” nainsultong sigaw ni Lilac, sabay sipa sa dibdib ni Tyrus.

Hindi niya alam kung dahil ba napalakas talaga ang sipa niya o baka nabigla lang si Tyrus, pero nang dumikit ang sapatos niya sa dibdib nito, parang domino na bumagsak ang lalaki.

Malakas pa nga ang pagkakabagok nito sa kalsada na nagkaro’n ng lamat. Wow. Gano’n ba kabigat at katigas ang ulo at katawan ng isang Bloodkeeper?

Nawala lang do’n ang atensiyon niya nang makitang hindi pa rin gumagalaw si Tyrus. Hindi naman siguro mamamatay ang isang Bloodkeeper dahil lang sa pagkabagok, `di ba? Pero kinabahan pa rin siya.

“Tyrus?” nag-aalalang pagtawag ni Lilac dito. Nang hindi pa rin sumagot ang lalaki, siya na ang lumapit dito. Lumuhod siya sa tabi nito. Napasinghap siya nang makitang wala na naman itong malay at sobrang putla na nito na nakikita na niya ang mga ugat sa guwapo nitong mukha. Maingat na inangat niya ang ulo ni Tyrus at inihiga `yon sa kandungan niya. Saka niya marahang tinapik ang pisngi nito. “Hey, wake up.”

Kinakabahan na talaga siya ngayon. Hindi na normal ang pagiging maputla ni Tyrus, pati ang paglabas ng mga ugat sa mukha nito. Napansin din niyang parang natuyo ang mga labi ng lalaki dahil nagkaro’n na ng “biyak” ang mga `yon. Kung titingnan ito, para itong… unti-unting binabawian ng buhay?

Nasa’n ka na ba, Eton? Hindi ko na alam ang gagawin sa kakambal mo!

As if on cue, she heard an engine noise. Kasabay niyon ay ang nakakasilaw na ilaw mula sa headlights na tumama sa mukha niya. Nang masanay ang mga mata niya sa liwanag, tiningnan niya ang pinanggagalingan ng ingay at sa pagkatuwa niya, dumating ang kotse na sinakyan nila kanina! Huminto `yon sa gilid at nang bumukas ang driver’s side, nakahinga siya ng maluwag nang makita si Eton.

“Eton, nagbabago ang hitsura ni Tyrus,” natatarantang pagbabalita ni Lilac dito.

Tumango lang si Eton, pagkatapos ay lumuhod ito sa kabilang gilid ni Tyrus. “Damn,” bulong nito nang makita ang kalagayan ng kakambal. “He needs blood. Human blood.”

“Umiinom din ng dugo ang mga half-half?” gulat na tanong ni Lilac. No’ng nasa mansiyon siya, sabay-sabay silang kumakain ng mga Bloodkeeper. Hindi naman dugo ang kinakain o iniinom ng mga ito.

“Kailangan namin ng dugo ng tao kapag nauubusan kami ng lakas o kung malaki ang pinsala ng katawan namin. Hindi kami imortal, pero malaking bahagi pa rin namin ang bampira,” paliwanag ni Eton, bakas na ang pag-aalala sa mukha. “Dalawampung taon nang hindi umiinom ng dugo ng tao si Tyrus. Dahil do’n, hindi tuluyang gumagaling ang mga pinsalang natamo niya sa mga lumipas na panahon. Naiipon `yon sa katawan niya. Idagdag pa na no’ng iligtas ka niya sa rooftop, ginamit niya ang kapangyarihan niya.”

Kumunot ang noo ni Lilac. Nang araw na `yon, hinabol niya ang Bloodkeeper na hindi nakikita. Pero sinakal siya ng nilalang at hinagis sa mga bampirang may bar code naman sa leeg. Tumama siya no’n sa dingding na mabilis humila sa malay niya. Pero bago siya tuluyang nakatulog, parang naaalala niyang may nakita at naramdaman siyang mainit na apoy. “It wasn’t a dream,” bulong niya sa sarili, saka niya binigyan ng nagtatanong na tingin si Eton. Naalala rin niya nang ipakita sa kanya ni Tyrus noon ang abilidad ng dugo nito no’ng nasa sementeryo sila. “Nagiging apoy ang dugo ni Tyrus…”

Tumango si Eton. “Mula `yon sa dugong salamangkera na nakuha namin sa aming ina. But using his special ability drains him fast. Pero matigas ang ulo ni Tyrus. Ayaw pa rin niyang uminom ng dugo kahit alam niyang bibigay na ang katawan niya kapag ginutom pa niya ang sarili.”

“Bakit naman?”

Natahimik si Eton. Mukha ring wala itong balak na sagutin ang tanong niya.

Kukulitin pa sana ni Lilac si Eton, pero sa pagkagulat niya, may nahagip siyang mga kulay ng pamilyar na dugo sa likuran ng lalaki. Nanlaki ang mga mata niya. “Eton, sa likod mo!”

Her warning came a little too late.

Humagis si Eton sa isa sa mga lamppost. Nayupi ang poste nang tumama ang katawan ng Bloodkeeper do’n at bago pa bumagsak sa kalsada ang lalaki, muli na naman itong humagis sa ere.

Nakikita ni Lilac na ang invisible Bloodkeeper ang umaatake kay Eton na sa kabutihang palad naman, nasasangga na ang mga suntok at sipa nang hindi nakikitang kalaban. Sa ngayon ay nakalayo si Eton sa umaatake rito at nakatuntong sa poste na parang pinapakiramdaman kung saan magmumula ang susunod na pag-atake ng kalaban.

Pinaningkit naman niya ang mga mata habang hinahanap ang kalaban. Madilim man sa paligid, nakikita pa rin naman niya ang dugo ng invisible Bloodkeeper.

“Eton!” sigaw ni Lilac, saka tinuro ang ulunan ng lalaki. “Sa taas mo!”

Hindi na niya nakita kung nasangga ba ni Eton ang pag-atake ng kalaban dahil ng segundo ring `yon, may tatlong naglalakihang Bloodsuckers ang bumagsak mula sa itaas at humarang sa harap niya.

Napalunok siya. Ang mga bampirang may barcode sa leeg, itim ang mga mata ng mga ito, sobrang lalaki ng katawan na parang hindi na normal. Naglalaway din ang mga Bloodsucker na para bang gutom na gutom na at handa siyang sakmalin kahit pa sinumpa na ang mga ito.

Mamamatay sila kapag ininom nila ang dugo ng isang mortal na gaya ko. Pero masakit pa rin masakmal ng bampira `no!

“Sleep,” bulong ni Lilac gamit ang lengguwaheng tinuro sa kanya ng salamangkera noon.

Wala `yong naging epekto sa mga bampira.

Bigla siyang napanghinaan ng loob. Dahil ba sa mabababang uri lang ang mga Bloosucker kaya hindi tinablan ng orasyon na para sa malalakas na bampira?

Ano nang gagawin ko?

Napapikit na lang si Lilac nang kumilos ang mga bampira pasugod sa kanya, nakalabas ang mga pangil. Pero nang marinig niyang umangil ang mga ito na parang nasaktan, nagmulat siya ng mga mata.

Napasinghap siya nang makitang may halatang matutulis na icicles na nakabaon sa mga balikat ng mga Bloodsucker. Meron ding hilera ng matutulis na icicle na nakapalibot sa puwesto nila ni Tyrus na para bang pinoprotektahan sila niyon.

Nang tumingala siya, nakita niya si Eton na nasa ere pa rin at naghahagis ng “dagger icicles” papunta sa hindi nakikitang kalaban. Ah, so his special ability was ice, huh?

Hindi ito ang tamang oras para mag-daydream, Lilac! saway niya sa sarili. Eton can’t protect you and himself at the same time. Baka ma-distract siya at masaktan pa ng kalaban!

Tumingin si Lilac pababa kay Tyrus na halatang nahihirapan na sa sitwasyon nito. Hindi siya puwedeng dumepende kay Eton na abala sa paglaban sa Bloodkeeper na hindi nakikita. Samantalang hindi naman niya kayang lumaban at protektahan si Tyrus. Isang paraan na lang ang naiisip niya.

Hinila niya ang suot niyang kuwintas na dalawa na ang pendant: ang panda at ang silver horn. Hinawakan niya ang sungay at ginamit ang matulis na dulo niyon para hiwahin ang pupulsuhan niya. Nang bumukas ang balat niya at tumulo ang dugo, narinig niya ang pag-angil ng mga bampira pero himbis na sugurin siya, tumalon paatras ang mga ito na parang pinipigilan ang mga sarili na umatake.

Himbis na intindihin ang mga Bloodsucker, tinapat niya ang dumudugong pupulsuha niya sa bibig ni Tyrus na bahagyang nakabuka.

I’m so sorry for this, Tyrus. Mamaya ko na lang sasaluhin ang galit mo. For now, drink my blood.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.