“Gusto ko po na tanggapin ninyo ako at mahalin nang kusa. Di dahil pinilit ninyo akong gawin ang isang bagay na magpapalungkot sa akin. Nang pinili ko na maging isang Lambayan, ginawa ko ang lahat para maging karapat-dapat sa inyo. Isinakripisyo ko ang paniniwala ko para magawa ang proviso ng lolo ko at protektahan ang Kanayama. At masaya akong gawin iyon para sa inyo. Kaya kung sinasabi ninyo na mamahalin ninyo ako habang magiging miserable ako sa piling ni Sikandro, tinatanong ko sa sarili ko kung sapat ba ang sakripisyo na iyon para makuha ko ang pagmamahal at pagtanggap na sinasabi ninyo. Matapos ba ang sakripisyo na iyon, kaya ko pang irespeto ang sarili ko kung kasama ko naman ang lalaki na nagbabantang sisiilin ang kalayaan ko at sinasabing di niya ako irerespeto kahit na kailan?”
Isang nang-aakusang tingin ang ibinigay ni Apo Semblat kay Sikandro. “Huwag po ninyo siyang sisihin. Alam ko naman na di maiiwasang magalit siya sa akin dahil kahit bali-baligtarin ko ang mundo ay isa akong Banal. Pilit kong itinakwil ang bahagi ng pagkatao kong iyon pero sa mga Banal ko unang naramdaman ang pagmamahal at pagtanggap ng isang pamilya. May lolo ako na kahit na ipagtabuyan ko at itakwil ay sinikap na tanggapin ko siya.” Di niya maiwasang ngumiti nang maalala ang namayapa niyang lolo. “May pito akong kapatid sa ama na bagamat magkakaiba-iba kami ng ina, pinagmulan at ugali ay handang ipagtanggol at protektahan ang isa’t isa. Kung pakakasalan ko si Sikandro ay hindi ko na sila makikita. Ayokong mangyari iyon.” Tiningala niya si Francois. “At may lalaking nasa tabi ko kahit na anong mangyari. Kahit na itaboy ko siya, hindi niya ako iniiwan. Kasama ko siya sa lahat ng laban ko. Gagawin niya ang lahat para sa akin kahit na hindi ko hingin. At hindi lahat ng mga tao ay nagkakaroon ng ganitong pagkakataon sa buhay nila. Na makakatagpo sila ng taong magmamahal sa kanila.”
“Kung ganoon ay isa kang hangal, Amira Banal,” anang si Apo Semblat at sinibat siya ng matalim na tingin. “Higit pang hangal kaysa sa ina mong si Himaya. Makakaalis ka na sa Kanayama at di ka na maaring tumapak pa dito. Sinayang mo ang pagkakataong ibinigay ko sa iyo.”
“Sinunod ko lang po ang itinuro ninyo sa nanay ko na itinuro din niya sa akin. Na pinakamasaya ang isang tao kapag nagmamahal siya nang totoo. Nalulungkot po ako sa lahat ng pagkakamaling nagawa ng magulang ko pero di ibig sabihin ay kailangan kong pagbayaran ito nang buong buhay ko,” matapang niyang sabi at tinanguan si Francois. Sabay silang naglakad palayo.
“Baya Amira!” palahaw ni Kimea at yumakap sa kanya nang salubungin siya. “Sino na po ang magtuturo sa akin kapag umalis na kayo? Hindi na po nila ako papayagan na mag-aral. Hindi na po ako makakasakay sa eroplano.”
Ginulo niya ang buhok nito. “Kimea, huwag mong susukuan ang mga pangarap mo. Matalino kang bata. Alam ko na malayo ang mararating mo. Huwag mo ring kakalimutan na magdasal dahil dadating ang panahon na matutupad mo rin ang mga pangarap mo. Nandito lang ako para suportahan ka. Tandaan mo iyan.”
“Huwag kang mag-alala, Amira. Gagawin ko ang lahat para gabayan nang tama ang anak ko,” sabi ni Tamika. “Mag-aaral din ako para kapag kailangan na niyang humarap sa mundo, alam ko na sapat na ang kaalaman niya. Hindi ako titigil hangga’t hindi ko napapasakay ang anak ko ng eroplano. At gagawan ko rin siya ng tsokolate gaya ang gusto niya.”
Niyakap niya ang pinsan niya. “Maraming salamat, Tamika. Isa ka sa mga iilang tumanggap sa akin nang buo dito sa Kanayama.”
“Ako ang dapat na magpasalamat sa iyo. Naisip ko kung ano ang dapat para sa akin at sa anak ko. Malawak ang mundo at gusto kong ialay iyon sa kanya.”
Kahit na hindi magsalita ang ibang Lambayan ay nakita din niya ang pag-asam ng mga ito na makita ang mundo. Na bigyan ng edukasyon ang mga anak nito. At alam niya na hindi siya titigil hangga’t di natutulungan ang mga ito. Isang bagong bukas ang naghihintay sa tribong ito.
“Anak, hindi ka ba magpapaalam sa akin?” narinig niyang tanong ni Idang Asra.
“Idang Asra!” aniya at niyakap ito nang mahigpit. Wala siyang pakialam kung may mga mandirigmang nakatanghod sa kanila at handa siyang kaladkarin palayo sa lola niya. Di siya papayag na di ito mayayakap sa huling pagkakataon. “Patawarin po ninyo kung kailangan ko nang umalis. Di po dahil di ko piniling pakasalan si Sikandro ay ayaw ko na pong maging isang Lambayan.”
“Sundin mo kung ano ang sinasabi ng puso mo at kung ano ang magpapasaya sa iyo. Sa lahat ng kaguluhan na nangyari sa tribong ito mula nang dumating ang minahan, ikaw ang pinakamagandang nangyari para sa akin. Pinalaki kang matalino at mapagmahal ng anak kong si Himaya. Masaya ako na makilala ka at makasama ka, Amira,” wika sa kanya ng lola niya.
Nahigit niya ang hininga. “K-Kilala po ninyo ako?”
Hinaplos nito ang pisngi niya at ngumiti. “Kahit ano pang sabihin ng Apo mo at kahit ayaw ka nilang maging isang Lambayan, hindi mababago ng katotohanan na apo kita. Tanggap kita kahit na isa ka pang Banal. Huwag mong kakalimutan iyan. Masaya ako dahil alam ko na pinili mo kung anong magpapasaya sa iyo. Kahit na malayo ka sa akin, payapa ang loob ko dahil kasama mo ang mga taong nagmamahal sa iyo. Ang lalaking mahal ka at poprotektahan ka.”
Tama si Francois. Di niya kailangang isakripisyo ang mga bagay na nagpapasaya sa kanya para lang tanggapin ng mga tao. May mga tao na mamahalin at tatanggapin siya kahit na ano pa siya at kahit ano pa ang paniniwala niya.
“Babalik po ako, Idang Asra. Kahit na anong mangyari, gagawa po ako ng paraan para maipagamot kayo. Isasama ko si Nanay,” pangako niya. “Hindi po ito ang huling pagkikita natin.”
“Alam ko iyon, apo. Alam ko,” anito at kinintalan siya ng halik sa noo. At pinisil naman nito ang kamay ni Francois. “Ikaw na ang bahala sa apo ko.”
“Opo,” sagot lang ni Francois at hinila siya palayo doon. Parami na kasi nang parami ang mga kawal na nakapaligid sa kanila. “Aalis kami nang maayos ni Amira. Hindi ninyo kami kailangang pilitin.”
“Paligiran ninyo ang buong Kanayama. Paigtingin ang pagbabantay sa mga hangganan ng lupain!” utos ni Sikandro sa mga mandirigma. “Tiyak na aangkinin na naman ng minahan ang lupain natin at lalaban tayo. Wala sa atin ang katapatan ng babaeng isinumpa.”
Tiningnan niya ang lalaki. “Hindi ako sumisira sa pangako ko. Ikaw lang ang inayawan ko pero hindi ang pagkatao ko o ang kagustuhan kong protektahan ang Kanayama.”
Nakadama siya ng kasiyahan nang makita niyang naumid ang lalaki. Serves him right. Para naman mabawas-bawasan ang kaarogantehan nito. Sa pag-alis niya ng Kanayama, alam niyang siya ang nanalo sa labanan nilang iyon.