Barely Heiresses: Amira Chapter 106

Hanggang sa pagtawid ng ilog ay ihinatid siya ng ibang mga Lambayan sa pangunguna nina Tamika at Kimea. Si Atik ang naghatid sa kanila hanggang makatawid sila ni Francois sa ilog.

Pagtawid nila ay nakaantabay na ang ilang pulis at security ng Banal Mining. Naroon ang head ng project site ng Lambayan, si Attorney Ferrer at maging ang ama ni Francois na si Romualdo ay nakaabang din at hindi maipinta ang mukha.

“Maraming salamat, Atik,” sabi ni Amira sa mandirigma.

“Huwag kang mag-alala, Amira. Kaisa mo kami sa pagnanais mong mag-aral ang mga Lambayan sa Kanayama,” sabi nito at bumalik na sa kabilang bahagi ng ilog. Sila ni Francois ay kailangang harapin ang mga problemang nakaabang sa kanila.

“Amira, are you okay?” tanong agad sa kanya ni Attorney Ferrer. “Hindi ka ba nila sinaktan?”

“Attorney, huwag po kayong mag-alala. Dinalaw ko lang ang mga kamag-anak ko. At mababait po ang mga Lambayan. Di nila ako sasaktan malibang sila ang unang saktan,” paliwanag niya at tinapik ang balikat ng matanda. Mukhang tumanda ito nang sampung taon sa pag-aalala sa kanya.

“Mabuti nakabalik ka na dahil malapit ko nang sabihin ito sa mga kapatid mo at sa madrasta mo,” sabi nito.

“Ayos na po ang lahat, Attorney. Tapos na po ang pagbisita ko sa kanila.” Di man niya nagawa ang tunay na pakay niya, masaya siya dahil naramdaman niya ang pagmamahal mula sa mga taong di niya inaasahan.

“Bumalik na tayo sa hotel. We will have a meeting in an hour,” anang si Romualdo sa mabigat na boses. Ni di man lang nito kinumusta si Francois kung ayos lang ang pagtrato sa binata ng mga Lambayan o kung kinagat man lang ito ng lamok sa pananatili doon.

Walang kibuan ang lahat sa sasakyan. Sa kotse siya ni Attorney Ferrer sumakay kasama si Francois. Nakita niya ang pag-aalala sa mukha ng binata. At madalas magkontrahan ang mag-ama ay importante pa rin dito ang sasabihin ni Romualdo.

Pinisil niya ang kamay ng binata. “Hey! Magiging maayos din ang lahat.”

Tinapik nito ang ibabaw ng kamay niya. “Salamat.” Then he started to space out again.

Nang makabalik sa hotel ay nag-ayos sila ni Francois at sabay na nagtungo sa maliit na function room ng hotel para makapag-usap sila. Naroon na si Romualdo na nasa puno ng mesa at si Attorney Ferrer at ang project manager ng Banal Mining na nasa kaliwang bahagi nito nakaupo.

Di nga nagtagal ay dumagundong na boses ng CEO ng Banal Mining Corporation sa silid. “Ano na namang kapalpakan ito? Ipinadala ko kayo para mag-observe sa Lambayan site at tingnan ang kondisyon ng mga minero dito at ng pamilya nila. I didn’t expect you to gallivant around.”

“Sir, kasalanan ko po iyon. Nagmagandang-loob lang naman kami na ihatid ang isang bata sa Kanayama,” sagot niya. “Hindi naman sinasadya na magkita kami ng pamilya ko doon at a-ayaw na ng lola kong may sakit na umalis ako basta-basta.”

Humalukipkip si Romualdo. “Is that true, Amira? Wala akong pakialam personal business mo kung hindi ka nakakagulo sa operasyon ng Banal Mining. Sa halip na nag-o-observe ka, iniwan mo ang mga tauhan mo na gawin iyon.”

“I have competent staffs,” taas-noo niyang sabi. “Nagbilin ako sa kanila.”

“Nandoon din po ako,” anang si Francois. “Ako ang nag-head sa pag-iikot nila at kung anuman ang kailangan sa report ay inalam ko. Kami ni Amira ang magkasama dito. I got everything covered.”

“I don’t trust you on things like this, Francois,” maasidong sabi ni Romualdo.

“Bakit pa ninyo ako ipinadala dito kung wala pala kayong tiwala sa akin?” naghahamong tanong ng binata sa ama.

“Para bantayan si Amira at tingnan kung tama ang ginagawa niya. Kung nagagawa niya nang maayos ang trabaho niya. But what did you do? You got caught up in the family drama as well,” naiiling na wika ni Romualdo.

“At anong gusto ninyong gawin? Iwan na lang si Amira sa Kanayama?”

“Hindi na kayo dapat nakarating pa sa Kanayama. Ang hirap sa iyo, hindi ka nag-iisip pagdating sa babae. Hindi mo iniisip ang consequences,” pakli ng lalaki.

Inilahad ni Francois ang palad. “Ano bang masama kung makarating si Amira sa Kanayama at makasama niya ang mga kamag-anak niyang di pa niya nakikita?”

“If she wants a family reunion, fine. But not to the point that it alarmed the whole military and police force in the region. Alam mo na hindi normal ang relasyon ni Amira at ng Banal Mining sa Kanayama,” anang si Romualdo at napainom ng tubig.. “Paano kung malaman ng mga reporters ang pagkawala ni Amira? Hindi natin kailangan ng ganito kalaking gulo sa Banal Mining. With the protests against the mining company, they could twist the news against us.”

Tumikhim si Engineer Peralta. “Mr. Mosqueda, Sir, hindi po kailangang maging disadvantage ang pangyayaring ito. Pwede po nating magamit si Ma’am Amira para kumbinsihin ang mga Lambayan sa Kanayama maging mining partners natin sila. Ilang taon na lang ang bibilangin at matatapos na ang operasyon natin dito sa Lambayan site. We might as well start our project with Kanayama. Mas malaki ang makukuha natin doon dahil sa mataas na grado ng ginto na pwedeng mamina.”

“Hell no!” bulalas ni Amira. Tumayo siya at gigil na hinampas ang mesa. “Hindi ninyo gagalawin ang Kanayama! Ako ang makakalaban ninyo.”

“There. Right there. Iyan ang sinasabi ko,” anang si Romualdo at ngumisi sa kanya. “At least you are showing your true colors, Miss Banal. Now we know where your loyalty lies.”

Nakuyom niya ang palad. “Kanayama is their ancestral land. The Lambayan ’ sacred land. Their last refuge. Kahit ang mga Lambayan na nagtatrabaho sa minahan ninyo ay nirerespeto ang lupaing iyon. May karapatan sila sa lupaing iyon.”

“So is Banal Mining,” Romualdo said in a smooth, steady voice, “if we want to push it. Huwag mong kalilimutan na ibinigay nila ang permiso na i-explore ang lahat ng lupaing sakop ng tribong Lambayan sa kompanya. Kahit ikaw ay walang magagawa kapag pinili namin na minahin iyon.”

“Wala kayong respeto. Mga mukha kayong pera,” nakakuyom ang palad niyang sabi. Naramdaman niya ang paghawak ni Francois sa kamao niya kaya unti-unti siyang kumalma. Nang lingunin niya ay umiling ito. Saka lang niya naunawaan na sinasadya ng ama nito na galitin siya para malaman nito kung ano ang stand niya sa isyu. There was no use arguing some more. Wala rin naman siyang panalo sa mga ito.

“Easy, easy,” anang si Attorney Ferrer na namagitan na sa kanila ni Romualdo. “Amira, calm down. Pwede natin itong pag-usapan nang maayos.”

“Maayos? They are threatening my family’s ancestral land. Nangako ako na gagawin ko ang lahat para protektahan ang Kanayama, Attorney,” humihingal niyang sabi. Di basta-basta huhupa ang gigil niya sa ngayon.

“At hindi ka dapat nangangako sa mga bagay na walang katiyakan kung matutupad mo. Madidismaya ka lang,” anang si Romualdo.

“Romualdo, naalala mo ang sinabi ni Don Alfonso na bibigyan natin si Amira ng anim na buwan sa Banal Mining at protektahan ang Kanayama. May panahon pa siya. Huwag muna nating pag-usapan ang mga plano ninyo sa Kanayama hangga’t di pa nagagawa ni Amira ang parte niya. As you can see, she’s proving to be an asset for the company. Mas gugustuhin ko siyang maging kakampi ngayon kaysa isang kalaban. After all, she got thirty percent of the shares. We don’t want to upset her, do we?” madiplomasyang wika ng matandang abogado.

“I want that report next week,” anang si Romualdo sa pormal na boses. “And I hope there is no more gallivanting around for you two. Masyado na kayong maraming naabalang tao.”

“Don’t worry. I will give you the report that you want and more,” taas-noong sabi ni Amira at sinalubong ng matapang na tingin si Romualdo.

Now she was more fired up than ever. Maaring hati ang opinyon niya pagdating sa minahan pero hindi kailanman magiging hati ang opinyon niya pagdating sa Kanayama. Her resolve was more firm than ever. Gagawin niya ang lahat para maprotektahan ang Kanayama. Di na mahalaga sa kanya kung tanggapin man siyang muli ng mga Lambayan. Ibabalik niya ang Kanayama sa mga kamay nito at di na guguluhin pa ng Banal Mining kahit na kailan.

NAKATAYO si Amira sa balkonahe ng hotel room ni Francois na nakaharap sa ilog. Mula doon ay tanaw niya ang bundok na sumasakop sa Kanayama. Nakatago iyon sa likod ng mga ulap. Mukhang misteryoso at mapanganib sa mga tagalabas na nagnanais pumasok doon.

There was a longing in her heart. Alam niyang bahagi ng pagkatao niya ang naiwan doon. Di maalis sa isip niya ang Idang Asra, ang pinsang si Tamika at ang pamangking si Kimea.

“Babalik ako diyan. Pangako,” nausal niya.

“Makakabalik ka rin diyan,” sabi ni Francois at niyakap siya mula sa likuran. “Sinabi ko naman sa iyo na tutulungan kita na maibalik sa pangangalaga ng mga Lambayan ang Kanayama, hindi ba? Gagawin natin ang lahat para mapawalang-bisa ang papel na nagsasabing pwedeng pakialaman iyon ng Banal Mining dahil binigyan sila ng full authority ng tribo.”

“Nakakapagod din kasing lumaban kung minsan,” aniya at napahikbi. “Kung gising sana si Papa, di ko kailangang problemahin ang lahat ng ito. Dapat siya ang umaayos ng gulong ito dahil kasalanan niya ang lahat. Hindi kailangang ako ang nagbabayad sa mga kasalanan niya dahil lang isa akong Banal.”

Hinapit ni Francois ang katawan niya palapit dito. As if he was trying to absorb her every pain. “Amira, ibinigay sa iyo ang problema na ito dahil may puso ka para lumaban. May puso ka na may pagmamalasakit sa iba. At nandito ako para sa iyo. Hindi kita pababayaan. Aakyatin ko ang mga bundok, tatawirin ko ang mga ilog at lalabanan ko ang kahit na sino para lang sa iyo.”

Bahagya siyang natawa. Parang isa itong sinaunang binata na gustong ma-impress ang nililigawang babae. He did those things and more. Kinalaban nito ang sariling ama para sa kanya. At kahit na hindi nito dapat intindihin ang tungkol sa minahan dahil mas masaya ito sa kusina bilang isang chef, pinangangatawanan nito ang pagiging mag-partners nila. At kahit sa mga mabibigat na sitwasyon, nagagawa siya nitong patawanin kaya gumagaan ang loob niya. That was a big thing for her.

Humarap siya kay Francois at niyakap ito. “Yes, I know. Hindi ko naman malalampasan ang lahat ng ito kung hindi dahil sa iyo.” Tumingkayad siya at kinintalan ito ng halik sa labi. “Thank you, Francois.”

“Sandali. May gusto lang akong linawin. What is the status of our relationship?”

“Status?” tanong niya.

“Yes. Kasi masyado ka nang malayo na halik-halikan at yakap-yakapin ako. Ang sabi sa kontrata…”

“Sabi sa kontrata okay lang iyon.”

Kumunot ang noo nito. “You seduced me last night.”

“Sabi mo naman mahal mo ako. Ayaw mo pang sabihin ko na mahal kita kasi gusto mo akong bigyan ng panahon. Pero siguro pwede kitang maging boyfriend.”

Nagulat siya nang isang mataginting na halakhak ang pinakawalan ng binata. “I am not easy, Amira. Ganoon-ganoon lang magiging boyfriend mo na ako. Ni hindi mo nga ako nililigawan.”

Napanganga siya at itinuro ang sarili. “Ako ang manliligaw sa iyo?”

“Paghirapan mo muna bago mo ako maging boyfriend.”

Tumaas ang kilay niya. “Conservative much? Suyuin mo naman ako ng konti. Dahil mahal kita, hindi na ako masyadong magpapakipot.”

Hinila niya ang harapan ng polo nito at hinatak ito palapit sa kanya. Then she gave him a soul-searing kiss. “Anong sagot mo, Mr. Mosqueda? Kundi mo ako sasagutin ngayon, I am walking away from you.”

Ngumisi ito. “Fine! Fine! Pwede na iyan. Sabi ko naman sa iyo hindi na ako gaanong magpapakipot.” At ito naman ang umangkin sa labi niya.

After everything she had been through these past few days, her heart was still singing a happy song. She was blessed to have a man who loved, protected and made her happy. At kung dumating ang pagkakataon na siya naman ang kailanganin ni Francois, iyon din ang gagawin niya para dito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.