Hindi mapigilang itapik ni Amira ang paa sa sahig ng kotse ni Francois habang pumapasok sila ng Sagada. Kanina pa siya kabang-kaba mula nang malaman niya ang balita na nagising mula sa coma ang kanyang amang si Alfie Banal. Di sila nag-aksaya ni Francois at sinimulan na ang anim na oras na paglalakbay mula Baguio patungong Sagada.
“Easy, Amira,” anang nobyo sa kanya. “Hindi makakabuti sa iyo kung tensiyonado ka. Kung gising na ang papa mo, magandang balita iyon.”
Piniga niya ang magkasalikop na palad. “Hindi ko alam kung anong sasabihin sa kanya. Iba noong tulog siya at iba ngayong gising na siya.”
Tinapik nito ang kamay niya. “You will be fine. At kapag nagkita kayo, mas maganda kung malalaman niya na maayos ang buhay mo at maayos ang pagpapalaki sa iyo ng nanay mo. I am sure he will be proud of you.”
“Or maybe he won’t like me.”
Hindi siya sweet o malambing gaya ng ibang kapatid. Hindi siya interesado na magkaroon ng ama. Malaki pa rin ang kasalanan nito sa kanilang mag-ina at sa mga Lambayan. Hindi niya alam kung anong magiging stand nito sa Banal Mining. Baka dumagdag ito sa kalaban niya. Because at the end of the day, he was still that selfish man who broke hearts of women and ruined the lives of a tribe.
“He is a fool if he won’t like you. Pero sana bigyan mo siya ng pag-asa. Mabuting lalaki ang pagkakakilala ko kay Tito Alfie.”
Di nagtagal ay humimpil na sila sa Sadaga Doctor’s Hospital. Naabutan niya si Yumi nakabantay sa pinto ng hospital suite ng ama niya. “Si Papa.”
“Nasa loob pa at kausap si Aunt Carrie.” Napansin niya na sila pa lang magkapatid ang nandoon. “Paparating na ang ibang kapatid natin. P-Pero bumalik ulit siya sa coma.”
“What?” gulat niyang usal. “Akala ko gising na siya.”
“May ganoon daw kondisyon sabi ng doktor. Dumilat siya kanina pero nasa coma state pa rin siya.”
“Is that good or bad?” tanong ni Francois.
Umiling lang si Yumi. “I…I really don’t know. Pero nananatiling positive ang mga doktor. We just have to be patient. Para sa akin malaking bagay nang dumilat si Papa kahit na bumalik ulit siya sa coma.”
Di nagtagal ay lumabas ng hospital suite si Caridad. Tigmak ng luha ang mga mata nito. Yumakap agad ito kay Yumi. “Bakit? Bakit ayaw pang magising ng papa mo? Hindi ba niya nakikita na hirap na hirap na ang kalooban ko? Ayaw na ba niya akong makita o makasama? Naging masama ba akong asawa sa kanya?”
“Auntie, huwag po ninyong sabihin iyan. Alam ninyo kung gaano kayo kamahal ni Papa. Siguro hindi pa talaga oras,” malumanay na pang-aalo ni Yumi.
“Nakiusap ako sa kanya pero di man lang siya sumagot,” hikbi nito. “Kahit kurap ng mata o galaw ng daliri. I want my husband back.”
“Ikukuha ko ng tubig si Tita Carrie,” anang si Francois.
“Papasok na ako sa loob,” taas-noong sabi ni Amira.
“Gusto mo bang samahan kita?” tanong ng nobyo sa kanya.
Ngumiti lang siya at umiling. “Gusto kong makausap si Papa nang mag-isa.” Siguro dahil bumalik sa coma ang ama niya kaya malakas ang loob niya.
Marahan siyang pumasok sa loob. Parang gaya pa rin ng dati ang ama niya. Animo’y natutulog lang. Walang bakas na gumising ito nang umagang iyon mula sa coma pero nakatulog ulit. “Papa, si Amira ito. Tumawag po si Ate Yumi kanina. Nagising na daw kayo sa coma. False alarm lang pala. Iniisip ko tuloy na bumalik uit kayo sa pagkakatulog dahil natatakot kayong harapin ako. Mahirap sigurong harapin ang bunga ng isang kasalanan lalo na kung susumbatan ka niya sa lahat ng nagawa mo na ayaw mo nang maalala. How convenient, really. May mga tao kasing kailangang mabuhay sa bangungot sa mga bagay na di naman nila ginawa. Malas ko lang talaga.
“Alam ba ninyo na nanggaling ako sa Kanayama. Hindi nila ako gusto doon. Akala ko masakit nang di ako tanggapin doon noong bata ako pero mas mahirap pala kapag matanda na ako. Hindi pa rin nababago ang galit nila sa ginawa mong panlilinlang sa kanila. At gusto nila na magpakasal ako sa isa sa mga mandirigma kung gusto ko daw na tanggapin nila ako bilang isang Lambayan. Imagine that, ayoko ngang magpakasal dahil sa mga lalaking gaya mo tapos iyon pa ang hihingin sa akin ni Apo Semblat para lang pagkatiwalaan nila ako.” Napailing siya. “Nang mga oras na iyon sinisisisi kita. Being a Lambayan is my birthright. Hindi sana ako persona non-grata kundi dahil sa kagagawan mo. Naisip ko siguro kung gising ka hindi mo ako hahayaan na tratuhin nila nang di maganda. Ikaw mismo ang gagawa ng paraan para tanggapin ako. Hindi nila ako pipiliting magpakasal sa lalaking di ko kilala at walang pakialam sa kaligayahan ko para lang maging bahagi ng tribo nila. Muntik ko nang gawin ang kondisyon ni Apo Semblat kundi lang dahil kay Francois. He told me that I deserve more. I deserve to be happy.
“Salamat sa kanya dahil na-realize ko na di ko kailangang isakripisyo ang sarili ko para matanggap ng iba. Hindi lang ako isang Lambayan. Isa rin akong Banal. I have seven sisters who love me. Nandiyan din si Francois na mahal ako. Wala akong ama pero may lalaking nagmamahal sa akin, isang bagay na hindi ko inaasahang mangyari sa akin. Pinalaki ako ni Nanay na huwag basta-basta magtiwala sa lalaki. Na ang pagmamahal ay nakakapagpalabo ng isip ng isang tao. Isang kahinaan na gagamitin laban sa iyo gaya ng ginawa mo sa kanya. Binura ni Francois ang lahat ng iyon. Pinatunayan niya sa akin na pwede pa rin akong magtiwala. Na hindi ako dapat matakot magmahal dahil di lahat ng lalaki ay sasamantalahin ako. May lalaking uunahin ang sarili kong kaligayahan kaysa sa kanya. Hindi ko sinasabi na tuluyan nang nabura ang maling impresyon ko sa mga lalaki. Francois is just an exception. I will also consider my other sisters’ love interest, only because they make my sisters happy. Gusto kong sabihin na sana makita mo kaming masaya para maisumbat ko na okay naman kami kahit wala ka. But I realized that I am too happy to be bitter still.
“Sana lang sa paggising mo, maging masaya ka para sa amin. You caused us grief one way or another. Sapat na siguro iyon. And I don’t know what your stand in Kanayama is. Sa nalalapit na pagsasara ng Lambayan site, iyon ang tina-target nilang buksan. Gagawin ko ang lahat para pigilan ang pagpasok ng Banal Mining sa Kanayama. If you will wake up and you decide to be my enemy instead, I am willing to give my life for Kanayama. My blood will be in your hands this time.”
Pero hindi niya hahayaang umabot sa ganoon. Ayaw na niyang may magbuwis ng buhay dahil sa minahan. At hindi niya gustong iwan si Francois na mag-isa o ang nanay niya. She just wanted her father to know that she had a daughter who was willing to fulfill her promise. At hindi niya iyon namana sa kay Alfie Banal na hindi mas magaling sumira ng pangako kaysa tuparin iyon.
"GOAL!" sigaw ni Amira at itinaas ang dalawang kamay nang sa wakas ay matapos niya ang report kinse minuto bago mag-alas singko ng hapon. Wala siyang planong mag-overtime ngayon dahil magdi-dinner sila ni Francois para ipagdiwang ang kaarawan ng pumanaw nitong ina. Gusto sana niyang mas maaga na umalis para iwasan ang traffic patungong Baguio mula La Trinidad pero ayaw niyang isipin pa ang trabaho habang kasama si Francois. Gusto niyang dito lang ang atensyon niya lalo na't mahalaga dito ang okasyon na iyon.
Kinatok siya ng sekretaryang si Brynette at sumilip sa pinto. "Ma'am, alas singko na po. Baka po ma-traffic pa po kayo."
"Naka-copy na ang file sa network natin. Ikaw na ang bahalang mag-print."
"Yes, ma'am. Basta po may strawberry shortcake ako bukas,” hiling nito.
"Si Chef Aklay na ang bahala sa iyo."
Nakasabay niya sa paglalakad sa hallway si Romualdo na kausap ang sekretarya nito. Mukhang paalis na rin ito. "Tito, papunta na po ba kayo sa dinner na ihinanda ni Francois? Gusto po ba ninyo na sabay na tayo?"
"I am sorry, hija. Hindi ako makakasama sa dinner ngayon. I have a meeting in Baguio with Mr. Kaneshiro. They are interested in investing with us. Additional backing would be nice for the company."
"Pero birthday po ngayon ng asawa ninyo. Inaasahan po kayo ni Francois sa bahay ninyo ngayon."
"Then send him my apologies. Marami akong trabaho, hija. You have minor tasks so you don't know the enormity of my job."
"Pero baka naman po..."
Subalit tuloy-tuloy lang sa paglalakad si Romualdo palabas ng gusali, patungo sa nag-aabang na sasakyan.
Hinawakan ng sekretarya nito ang braso niya. "Huwag kang mag-alala. Susunod si Sir Romualdo oras na matapos ang meeting namin. Sabihin mo na lang kay Francois. Okay?"
Tumango siya. "Okay."
She couldn’t help but think how much the gap between Francois and his father was. O kung si Francois lang ba ang problema ni Romualdo. It was his wife’s birthday. Panahon na sana iyon para isantabi ni Romualdo ang anumang hidwaan sa pagitan nito at ng anak. Gasino ba namang ipagpaliban ng matandang lalaki ang isang meeting? Ganoon ba talaga kaimportante si Mr. Kaneshiro? She had a nagging feeling that there was more.
Nagpahatid lang siya sa bahay ni Francois at pinauwi na rin si Manong George. Hangga’t maari kasi ay ayaw niyang magsilbi pa ang mga tauhan niya sa kanya nang lagpas alas singko. Gusto niya na maglaan din ang mga ito ng panahon sa pamilya. Si Francois na ang bahala na maghatid sa kanya.