Tumiim ang bagang ni Francois pero mas kontrolado na nito ang galit nito. "Hindi ko alam kung anong nangyayari dito sa Pilipinas. Di na ako halos kinakausap ni Papa mula nang piliin ko na hindi na mag-take ng board exam kahit naka-graduate ako ng mining engineering at pumunta sa Paris para maging chef. Alam ko na nagkatampuhan din sila ni Mama dahil doon. Tuwing dumadalaw sa akin si Mama sa Paris, laging sinasabi ni Papa na busy siya kaya di siya nakakasama. Alam ko naman na mahirap ang negosyo ng mga panahong iyon. Ilan sa negosyo namin ang nagsara. Magaling sa negosyo si Papa. He just had some bad investments and there was the case of his accountant cheating on him. Bagsak na bagsak kami kaya inintindi ko na lang na mahalaga sa kanya ang trabaho dahil para din sa amin iyon ni Mama.”
“May napansin ka bang kakaiba sa mama mo nang mga panahon na iyon?” maingat na tanong ni Amira.
“Basta umiiyak siya minsan kapag magkausap kami. Miss na miss na daw niya ako. Muntik na akong umuwi sa Pilipinas noon dahil pakiramdam ko may malaking problema. Sabi niya siya na lang ang pupunta sa akin. Hindi ko alam kung ano ang nauna – ang nalaman niyang may sakit si Papa o tungkol sa babaeng ito. Dapat magkasama sila ni Mama na dadalawin ako sa Paris, di sumama si Papa dahil daw sa trabaho. Or probably because of that woman,” anang si Francois sa pagitan ng naggigiyagis na ngipin.
“Who is that woman anyway?”
“Sekretarya ni Papa pero wala na siya sa Banal Mining nang dumating ako sa Pilipinas.” Bumuntong-hininga ang binata. “Hindi ko masikmura ang mga lalaking may asawa na pero nakikipagrelasyon pa sa iba. Tapos may sakit pa si Mama. Iyon ba ang dahilan kaya siya nambabae?”
“Or maybe he doesn’t know that your mother is sick. Baka pumunta sa Paris at namatay ang mama mo nang di alam ni Tito Romualdo na may sakit siya. Kung sinabi siguro niya, baka tinigilan niya ang pambababae.”
“Kahit ano pang sabihin mo, mali pa rin na pinagtaksilan niya si Mama.” Tumango-tango ang binata. “Naiintindihan ko na ngayon kung bakit di man lang niya inuwi sa Pilipinas ang labi ni Mama. Pinili niyang iwan sa France. Hindi na siguro niya mahal si Mama noon pa man.”
“Or maybe because of guilt. Kung talagang nambabae siya, baka nagi-guilty din siya sa dahil sa nangyari sa mama mo.”
Ngumisi ang binata. Tumayo ito at ibinuka ang bisig. “Ito ba ang nagi-guilty? Wala siya dito para sa birthday ni Mama. Nasaan siya? Nasa trabaho. Wala siyang pakialam. Baka nga masaya siya na wala si Mama.”
“Shhh! Huwag mong sabihin iyan,” aniya at niyakap ang binata sa baywang. “Hindi natin alam kung ano ang totoong nangyari.”
“Hindi natin alam ang eksaktong nangyari pero ganoon na rin iyon. Wala siya kung kailan kailangan siya ni Mama. Mas pinili niya ang ibang trabaho. Mas pinili niya ang ibang babae. Kaya siguro kinuha na ng Diyos si Mama sa aksidente para di na siya maghirap pa nang matagal. Mabuti wala dito si Papa kung hindi baka kung ano lang ang magawa ko sa kanya.”
Nanginginig ang katawan ng nobyo niya dahil sa galit. “Francois, dapat siguro marinig mo ang side ni Tito Romualdo.”
Nakakunot ang noo siya nitong niyuko. “Bakit mabait ka pa kay Papa? Galit ka sa mga lalaking manloloko. Parang siya pa ang kinakampihan mo.”
“Di ko siya kinakampihan. Ayoko lang makapagbitaw ka ng salita o makagawa ng bagay pinagsisisihan mo.”
Bumuga ito ng hangin. “Mabuti pa si Tito Alfie naging matino nang makapag-asawa. Si Papa kung kailan pa tumanda, saka pa nagkaganyan…”
“Francois, you should rein in your hatred.” Hinawakan niya ang magkabilang pisngi nito para pakalmahin ito. “Ayokong tuluyan kang malunod sa negative motions. I am an expert on hatred. It feeds me as I grow. Galit ang nagpatatag sa buto ko. Pero hindi iyon magandang pakiramdam. Minsan hinihiling ko na katulad na lang ako ng mga kapatid ko na mabilis magpatawad. Walang kinikimkim na sama ng loob. Minsan hinihiling ko na di ako ipinanganak sa ganitong circumstances. Na wala akong ganito kalaking responsibilidad sa sarili ko. Because at the end of the day, hatred doesn’t make me happy.”
“Amira…”
“Kaya ayokong malunod ka sa galit katulad ko. Naaman ko lang na malungkot na mamuhay sa galit nang makilala kita. Dahil napasaya mo ako. That’s why I don’t want to let your anger consume you. Ayokong tuluyang mawala ang respeto mo sa ama mo lalo na kung di pa natin alam ang buong kwento. May kasalanan man siya o wala, hatred will always leave a bad taste in your mouth. Di mo nakikita ang magagandang bagay dahil sa galit. Natatakot ako na kapag napuno ng galit ang puso mo, wala akong magawa para mapasaya ka. Ayokong mangyari iyon,” aniya at hinigpitan ang pagkakayakap dito.
Ayaw niyang mawala ang Francois na matiyagang nagmahal sa kanya. Na kahit sinusungitan niya at itinataboy ay nanatili ito sa tabi niya. Kapag nawala ang saya sa puso nito, hindi niya alam kung sino pa ang magpapasaya sa kanya.
“Amira, hindi mangyayari iyon,” sabi nito at kinintalan ng halik ang noo niya. “Kaya akong makita mo akong ganito. Hatred is such an ugly thing. Hindi ko alam na magagawa ko ang ginawa ko kanina. But you must know that I will never ever hurt you. At hindi ko rin hahayaan na agawin ng galit ko ang kaligayahan natin.”
“Dapat mong kausapin si Tito Romualdo tungkol dito.”
Natigilan ito at pagkuwan ay umiling. “Ayoko. Baka mawala pa ang natitirang respeto ko sa kanya bilang ama ko. Sa ngayon lang ito, Amira. Bukas okay na ulit ako. Babalik na rin tayo sa normal.”
“At ang mga nalaman mo ngayon?”
“Gusto ko na sa atin muna. Ayokong lumabas sa iba.”
Naiintindihan ko. May tiwala siya kay Francois na hindi nito sasaktan ang sarili o ang ama nito. At nandito lang siya para sa nobyo kung kailangan siya nito, kahit na di niya alam kung ano ang pwede niyang itulong dito.
At kahit ano pa ang naging relasyon nila o kawalan ng relasyon nila ng amang si Alfie Banal, gusto niya na maayos ang relasyon ni Francois sa ama nito.
“PARA mabawasan ang gastos natin, dapat siguro mag-cost-cutting tayo,” anang si Mr. Fernan na siyang Senior Vice President for Finance at Chief Financial Officer. “How about we lessen the medical benefits of our miners?”
“Bawasan ang medical benefits ng mga minero?” bulalas ni Amira sa mataas na boses. “Bakit kailangang bawasan iyon?”
“Either we remove some of their benefits o magbabawas tayo ng empleyado. Ano ang gusto ninyo sa dalawa?” wika ni Mr. de Leon.
Sa simula pa lang ng meeting na iyon ay tensiyonado na ang lahat. Pero si Amira ang pinaka-tensiyonado sa lahat. Pagpasok pa lang ng boardroom ay may spark na sa pagitan nina Francois at Romualdo. Malamig agad ang tingin ni Francois sa ama at malamig pati ang boses nito. Nakita niya na sinuyod ni Romualdo ang anak mula ulo hanggang paa bago nito kamayan. He was in his formal black suit now with his polished leather shoes. He even had his hair cut to look more formal. At para bigla na lang putulin ng nobyo niya ang buhok nito na sumasagisag sa artistic side nito, may hindi siya nararamdamang mangyayari.
“Paanong nangyari na babawasan natin ang benefits ng mga tauhan o magbabanta na mabawasan sila samantalang noong isang buwan lang ay ipinakita natin na mataas ang profit ng kompanya,” anang si Francois sa suwabeng boses habang nakaupo nang tuwid. Nakabukas ang tablet nito at ihinarap pa sa lahat ang report na ipinrisinta sa kanila nang nakaraang buwan.
Parang di niya nakikilala ang Francois na katabi niya. He was every inch a businessman. At hindi rin ito naka-slouch at parang walang pakialam. Pinakikinggan nitong mabuti ang detalye ng pinag-uusapan at inaral nito ang lahat ng nagdaang mga report. He was like a warrior who was ready for battle. Kinakabahan siya dahil wala siyang alam kung anong plano nito.